NINOY AQUINO: Ang Pagbabago ng Isang Pulitiko

by xiaochua

Isang wall painting sa Kapitolyo ng Lalawigan ng Tarlac para sa kanilang gobernador na naging bayani ng bansa.

 

NINOY AQUINO:  Ang Trapo na Hero, ang Hero na naging Bayani

 

Ang sanaysay na ito ay unang binasa sa sampaksaang “Pinoy Ideal;  The Search for the Filipino Leader” na itinaguyod ng PHA, UP Departamento ng Kasaysayan at UP Lipunang Pangkasaysayan noong 20 Agosto 2009 sa Bulwagang Palma ng UP Diliman at unang nailathala sa Mabuhay:  Lingguhang Pilipino Mula Pa Noong 1980, 21-27 August 2009, 1, 6 .  Nirebisang bersyon inilathala sa Historical Bulletin, Vol XLV (2011), 44-54.

Abstract:

Marami ang may tendensiya na ginagawa nilang tila mga santo ang kanilang mga bayani na para bang wala silang pagkakamali, nililinis ang kanilang kwento upang ipakita na sila ay perpekto at super lakas.  Makikita ito sa nangyayari ngayon sa imahe ni Ninoy Aquino.  Ito ay dahil sa ang template natin sa bayani ay ang Kanluraning Hero.  At kung sa ganitong lente natin ito titingnan, tila mas mahirap tularan ang ating mga bayani.  Kailangan ng bayan ngayon ang mas makatotohanang mga bayani.  Mas interesado ang papel na ito na ipakita ang isang bayaning tinitingala bilang isang ordinaryong tao na mayroon ding mga pagkakamali.  Dahil dito, mas nagiging makatotohanan ang salaysay.  Ang mga bayani ay ang mga taong nilampasan ang kanilang mga pagkukulang upang yakapin at samahan ang bayan.  Isang katibayan na ang lahat ng tao ay may kapasidad sa pagbabago tungo sa ikabubuti ng lahat.

Keywords:  hero, bayani, traditional politician (trapo), non-violent resistance, Kapangyarihang Bayan


This struggle can only mean victory for all of us.  It would mean victory because we are different from those that we oppose.  Those that we oppose are happy with the material wealth, but for how long?

-Ninoy Aquino

21 Agosto 1983, 1:15 NH:  Naging martir si Ninoy.  26 na taon matapos ang matadhanang hapon na iyon, hindi pa rin natutukoy ang salarin, at marahil, hindi na matutukoy.  Bagama’t mahalaga na malaman kung sino ang utak ng tinatawag na “Krimen ng Siglo,” naniniwala akong mas dapat sagutin ang mas mahalagang tanong na maaaring makuha ang sagot batay sa kasaysayan—bakit may saysay pa rin siya?  Bakit nararapat lamang gunitain ang kanyang pagkamartir?

Maling sabihin na ang landas patungong EDSA ay nagsimula sa tarmac noong hapon na iyon tulad ng isinusulat ng marami.  Tunay na matapos ang pagpaslang sa kanya, maraming bahagi ng mga nasa gitnang uri at iba pang sektor ang nagsimulang sumali na sa mga pagkilos na nagpabilis sa pagbagsak ng rehimeng Marcos.  Ngunit tulad ng binaggit sa akin ni Prop. Dante Ambrosio, ang pakikibaka laban sa diktadura ay nagpatuloy maging sa kalagitnaan at kalakasan ng kapangyarihan ng Batas Militar ng mga aktibista, estudyante, mga alagad ng sining, at mga relihiyoso.  Sa katunayan, kung sasabihin na nagsimula lamang ang pakikibaka noong 21 Agosto 1983, isinasawalang bahala na natin ang pakikibaka mismo ni Ninoy Aquino sa piitan sa loob ng pitong taon at pitong buwan, na ayon sa deskripsyon ni Ninoy, na hindi natatanaw ang buwan at mga bituwin sa kalangitan.

Isisilang ako limang buwan matapos siyang mapaslang.  Hindi ko siya nakilala bilang gobernador ng aming lalawigan, maging bilang senador ng ating republika.  Bagama’t binanggit sa akin ng aking mga magulang na habang ako ay pinagbubuntis ng aking ina, nakita nilang dumaan ang karo ng mga labi ni Ninoy sa ma Monumento galing ng Tarlac.  Lumaki ako sa panahon ng Kapangyarihang Bayan (People Power), at sa ika-10 taon ng kanyang kamatayan, tatawid ako mula sa Tarlac First Baptist Church School patungo sa Aklatang Panlalawigan upang sulyapan ang isang lumang kopya ng aklat ni Alfonso Policarpio na Ninoy:  The Willing Martyr upang maghanap ng bayani.  Sa aking paghahanap, naging estudyante ako ng kasaysayan at isinulat pa ang aking pinakahuling papel sa BA ukol kay Ninoy (Chua 2005, 4-88).

Sa aking paghahanap kay Ninoy, natagpuan ko na bagama’t sa kanyang pagkamatay siya ay naging martir, ang kanyang buong buhay ay proseso tungo sa kabayanihan.

Ayon sa historyador na si Zeus A. Salazar, may kaibahan ang Kanluraning konsepto ng “heroé” na isang hindi pangkaraniwang nilalang at may preokupasyon sa sariling persona, sa pananaw ng ating bayan sa bayani na “isang nagkukusang makipagtulungan nang walang anumang bayad sa mga gawaing pangkomunidad…, nakapaloob sa kanyang sariling grupo at nakatuon lamang at tangi sa pagpapaibayo ng interes ng grupo.”  Dagdag ni Salazar na sa Pilipinong konsepto ng bayani, “mas pinahahalagahan ang pagpapakita ng kababaang-loob at ang pagiging katulad lamang ng ibang kasama.” (Salazar 1997, 3-4, 36, 39)

Ang Trapo na Hero

Tulad ng mga “heroé” sa Mitolohiyang Griyego, at maging sa ating mga kathang-isip na bayani sa ating mga epiko, si Ninoy ay ekstra-ordinaryo, superhero, at hindi perpekto.

Si Benigno Simeon Aquino, Jr. (opisyal na pangalan mula sa bio-data ni Ninoy mula sa BSAF, hindi Benigno Servillano Aquino, Jr. na tulad ng sinasaad ng isang malaganap na aklat coffeetable (Mercado 1986, 313) na sinipi ng maraming batis mula sa internet) ay isinilang noong 27 Nobyembre 1932.  Kahanga-hanga at mabilis ang naging takbo ng kanang buhay—isang enfant terrible—pinakabatang reporter sa Digmaan sa Korea sa edad na 17, at bilang reporter ng Manila Times, napasuko ang pinuno ng mga rebeldeng Huk na si Supremo Luis Taruc sa edad na 22; pinakabatang nahalal na Alkalde ng Concepcion, Tarlac sa edad na 22; pinakabatang nahalal na Bise Gobernador ng Lalawigan ng Tarlac sa edad na 27; pinakabatang Gobernador ng nasabing lalawigan sa edad na 29 (Joaquin 1983); at pinakabatang senador ng Republika ng Pilipinas sa sa edad na 35.  Ang panahon ng kanyang pagtakbo para sa Senado ay panahon ng pandaigdigang pakikibaka para sa pagbabago mula sa mga kabataan.  Ang kanyang slogan ay YEH—Youth, Experience, Hope, para sa “Yeah Yeah Yeah” ng Beatles (Policarpio 1986, 72).

Benigno S. Aquino, Jr., Gobernador ng Tarlac, 1961-1967

Bagama’t sumasang-ayon ang lahat sa Tarlac na si Ninoy ay isang magaling at matalinong tao na nagbigay ng maraming ginhawa sa kanyang mga cabalen, hindi sila laging nagtitiwala sa kanyang mga hangarin.  Ang henyong ito sa pulitika ay isang tradisyunal na pulitiko—trapo.  Sa ilang mga tala ng mga manunulat at kakilala, siya ay maituturing na rabble rouser, mayroon siyang pribadong hukbo, naging balimbing sa pulitika, nagpakilig ng mga kababaihan, arogante at ambisyoso.  Ginamit niya ang kanyang matamis na dila upang maisulong ang kanyang karerang pulitikal (Tiongson 1997; Joaquin 1985, 355-390; Aquino 1985; Paterson 1998, 293).

Ang Hero na Naging Bayani

Nang ipatupad ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Batas Militar, ang kanyang frat brod na si Ninoy ang kanyang pinakaunang pinaaresto noong gabi ng 22 Setyembre 1972.  Si Ninoy ang kanyang numero unong kritiko, at ang pangunahing “susunod na pangulo.”  Subalit tulad ni Mahatma Gandhi at Nelson Mandela, dinalisay si Ninoy na tulad ng diamante ng piitan.

Noong 12 Marso 1973, nilipad si Ninoy at Senador Jose Diokno mula Fort Bonifacio patungong Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija, na nakapiring at nakaposas.  Sa loob ng mahigit isang buwan, walang nakaaalam kung sila ay buhay pa o patay na (Noynoy Aquino 2004).  Dinala siya sa isang maliit na kwarto, tinanggal sa kanya pati ang kanyang relo, singsing sa kasal at ang kanyang antipara, na nagsulot sa kana ng matitinding sakit ng ulo (Aquino 1973a, 136-145).  Ayon kay Tita Cory, ito ang pinakalugmok na bahagi ng buhay ni Ninoy (Tiongson 1997).  Nais ng rehimen na masiraan siya ng loob.  Ngunit matapos ang matinding paghahanap sa kanyang sarili, nahanap niya ang Panginoon.  Minsan kanyang sinabi, “In the depths of my desolation I discovered my faith and my God.  And it was only then that I realized I’m nothing.  I realized that all the pomp, the glory of the senate were a funeral, that wealth, that clothing, keeping up with the Joneses was not of this world, really.  And having discovered that, I have lost my appetite for power.” (Benigno 1989)

Nagkaroon siya ng pagbabago ng puso.  Mula noon, ang husay niya sa pananalita ay ginamit niya upang makibaka para sa katarungan para sa kanyang mga kababayan.  Nagpakita siya ng dakilang katapangan sa paglilitis sa kanya ng hukumang militar, “Some people suggest that I beg for mercy.  But this I cannot in conscience do.  I would rather die on my feet with honor than live on bended knees in shame….  In all humility, I say it is a rare privilege to share with the motherland her bondage, her anguish, her every pain and suffering.” (Aquino 1973b, 150, 151) Nais niyang ipakita, tulad ng karakter na Pilosopo Tasio ni Gat José Rizal, na hindi lahat ay natutulog sa dilim ng gabi (Rizal 1886, 158).  At noong 6 Abril 1978, ang mga mamamayan ng Kamaynilaan ay nagpadama na hindi siya nag-iisa sa pamamagitan ng isang “noise barrage.”

Marami siyang pagkakataon na piliin ang kalayaan mula sa piitan kung papayag siya na itigil ang pakikibaka laban sa diktadura, ngunit isa siya sa pinakamatagal na naging detenidong pulitikal noong Batas Militar.  At dahil sinamahan niya ang bayan sa paghihirap at pakikibaka, ang hero na si Ninoy ay naging isang bayani.

Nang pinahintulutan si Ninoy na tumungo sa Estados Unidos upang magpagamot ng kanyang sakit sa puso, naglibot siya upang ipalaganap sa mga Pinoy ang “non-violent resistance,” na ang isang madugong rebolusyon ang huli lamang na opsyon kapag nagawa na ang lahat ng mapayapang paraan.  Dahil ayon sa kanya ang paggamit ng dahas ay magbibigay lang ng dahilan sa rehimen na gumamit din ng dahas; na dapat maniwala tayo na si Kristo ay nasa kaibuturan ng puso ng bawat tao, na ang Anak ng Diyos ay maaaring lumabas kay Marcos upang itaguyod ang “genuine national reconciliation founded on justice.” (Benigno 1989; Aquino 1983, 253).  Naniwala siya na “the Filipino is worth dying for….  Because he is the nation’s greatest resource.” (Aquino 1980, 251) Ayon sa kanya, “While it’s true Mr. Marcos…that after eight years in prison I have lost appetite for office.  I’m no longer seeking the presidency of this land…But believe me…when I tell you that while I have vowed never to enter the political arena again, I shall dedicate the last drop of my blood to the restoration of freedom and the dismantlement of your Martial Law!”  (Aquino 1981)

At iyon nga ang kanyang ginawa.  Sa pagnanais niya na muling samahan ang mga mamamayan sa kanilang pagdurusa at gumawa ng paraan para dito, inangkin siya ng bayan at tinanggap nila ang pagkabayani niya.  10 araw matapos siyang mapaslang, dalawang milyon ang lumabas upang makipaglibing, at dalawang taon ang nakalipas, dalawang milyon ang muling sumama sa kanyang kabayanihan at mapayapang pinatalsik ang diktadura bilang pagpupugay sa kanyang mga sakripisyo.  Ang kadalisayan ng kanyang hangarin para sa bayan ay kanyang pinatunayan na tulad ng sinasabi ng kanyang paboritong awitin na “Impossible Dream,” “…willing to march into hell for a heavenly cause.”  At sinamahan siya sa martsang ito ng sambayanan.

Orohinal na poster na ibinigay ni Linggoy Alcuaz kay Xiao Chua noong 25 Pebrero 2009

Kung Bakit May Saysay Pa Rin Si Ninoy Aquino Matapos Ang 26 Na Taon 

Noong nasa Baitang 5 ako, nakipag-away ako sa isang kaklase ko nang sabihin niyang walang naging silbi ang Kapangyarihang Bayan sa EDSA, na nasayang lang ang mga sakripisyo ni Ninoy.  Hindi pa rin nagbabago ang aking pananaw.  Ang EDSA 1986 ang isa sa pinakadakilang tagpo ng ating pagka-Pilipino, nang lahat ng maganda sa atin ay lumabas sa loob ng apat na araw noong Pebrero 1986—pananampalataya, pakikipagkapwa, pakikirama, pagiging masiyahin, bayanihan, pagiging mapayapa, pagiging malikhain, at iba pa (Jocano at de Leon 2000).  Isa pang mahalagang naidulot ng Kapangyarihang Bayan ay ang pagkakaroon ko nang kalayaan na matalakay ang kahit anong nais ko sa aking klase nang walang takot, o maisulat ang akdang ito nang walang panunupil.  Ang mga iyon pa lamang ay nararapat nang ipagdiwang.  Subalit, ang malungkot na katotohanan ay hindi pa rin naisasakatuparan ang mga pag-asa at pangako ng EDSA dahil nagpalit lamang ng mga tauhan ang pamahalaan, ngunit walang pagwawaksi sa mga masasamang gawi at pagbabago ng puso.  Hindi madalian ang himagsikan.  Hindi pa ito tapos.  At maraming aral ang mapupulot sa halimbawa at buhay ni Ninoy.

Ninoy Aquino, ni Caloy Gabuco, 1988

Sa mundong pulitikal na ginagalawan ng mga trapo, ipinakita ni Ninoy na maaaring magbago ang mga ito.  At kung sila ay magbabago, makikita ito ng tao at gagantimpalaan sila ng pagmamahal ng mga ito.

Lagi niyang sinasabi na hindi na siya papasok sa pulitika muli.  Kung nabuhay kaya siya, nakatulong kaya siya sa pagpapayo at pagtatanod sa pamahalaan?  Mayroon talaga siyang plano para sa Pilipinas na nakabatay sa Christian Democratic Socialism (Aquino 1984, 44-50;  Aquino 1981).  At ayon sa manunulat na si Frankie Sionil José, binanggit sa kanya ni Ninoy na nais talaga niyang ipatupad ang isang tunay na repormang pang-agraryo at ipamahagi ang Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng angkan ng kanyang asawa (José 2007).

Ngunit hindi tayo maaaring mabuhay sa panghihinayang.  Ang maaari nating gawin ay ipagpatuloy ang laban na sinimulan ni Ninoy.  Sa aking paghahanap kay Ninoy, natuklasan ko ang mga pananalita at mga sulatin na iniwan niya sa atin upang basahin.  Ako ay nabuhayan ng loob dahil siya mismo ay naniniwala sa kanyang hiraya/tanaw at pananampalataya sa mga Pilipino.  Tila sinasabi niya sa akin na naniniwala siya sa aking mga kakayahan, na ako ay “worth dying for.”  Kung nabuhay siya, siguro patuloy rin siyang magkakamali, tulad ng iba pang mga pinuno na nabuhay matapos ang diktadura. Ngunit tao tayo, ang mahalaga ay malampasan ang mga pagkukulang na ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng ating buhay sa isang hangarin na mas dakila kaysa sa ating sarili.  Ayon nga sa Kartilya ng Katipunan noong Himagsikang 1896, “Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi man damong makamandag” (Jacinto w.p.)  Para sa akin, iyon ang tunay na katapangan ng loob at pagkatao!

Sa bansang nasa krisis at bansang nakalugmok, si Ninoy ay naging tanglaw ng pag-asa sapagkat siya mismo ay may pag-asa sa kanyang kalooban.  Minsan nang sinabi ni José Rizal na ang kabataang Pilipino ang pag-asa ni Inang Bayan (Rizal 1879, 98).  Ngayon, higit kailanman, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang kabataan.  Hindi dapat makalimutan ng kabataan na naging dakila ang buhay ni Ninoy sapagkat ginawa niya ang lahat ng makakaya.  At sa pagiging pinakamagaling na siya, nakapag-ambag siya sa kasaysayan ng ating bansa.  Inspirasyon siya upang tayo ay magsumikap na maging kakaiba, maging bayani, para sa bayan.  At mas mainam, baguhin at lumikha rin ng kasaysayan.  At magsisimula ang lahat ng ito sa pagbabago ng ating mga kalooban at puso.  Tulad nang minsang ibinilin sa amin ni Tita Cory mula sa isang panayam, “I hope that all of us Filipinos will try to look within ourselves and find out what it is that we are asked to do or we feel we can do for our country.” (Cory Aquino 2003)



SANGGUNIAN

Aquino, Benigno “Ninoy” S., Jr.  1973a.  “Thy Will Be Done,” sa Testament from a Prison Cell, second edition.  Makati:  The Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, Inc., 2000, 136-145.

__________.  1973b.  “I Will Not Participate,” sa Testament from a Prison Cell, second edition.  Makati:  The Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, Inc., 2000, 148-151.

__________.  1980.  “The Filipino Is Worth Dying For,” sa Asuncion David Maramba, ed.  Ninoy Aquino:  The Man, The Legend.  Mandaluyong:  Cacho Hermanos, Inc., 1984, 251-252

__________.  1981.  “Movement for a Free Philippines Los Angeles Chapters Freedom Rally with Ninoy Aquino, Wilshire Ebell Theater Los Angeles, February 15, 1981.”  Ninoy Aquino TV.

__________.  1983.  “The Undelivered Arrival Statement,” sa Asuncion David Maramba, ed.  Ninoy Aquino:  The Man, The Legend.  Mandaluyong:  Cacho Hermanos, Inc., 1984, 253-255.

__________.  1984.  “A Christian Democratic Vision,” sa Testament from a Prison Cell, second

edition.  Makati:  The Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, Inc., 2000, 52-58.

__________.  1985.  A Garrison State In The Make and Other Speeches.  Makati:  The Benigno S. Aquino, Jr. Foundation.

Aquino, Benigno Simeon III “Noynoy.” 2004, 8 Disyembre.  Panayam kay Rep. Noynoy Aquino ni Michael Charleston B. Chua.  Gusali ng Batasang Pambansa, Lungsod Quezon.

Aquino, Maria Corazon “Cory.” 2003, 12 Marso.  Panayam kay Pang. Cory Aquino nina Michael Charleston B. Chua, Henderson T. Gercio, Bryan Clark B. Hernandez at Emmalyn C. Sagun.  Ika-7 Palapag, Gusaling Jose Cojuangco and Sons, Dela Rosa St., Lungsod ng Makati.

Benigno, Teodoro C., manunulat.  1989.  Ninoy:  The Heart and the Soul (dokumentaryo).

Chua, Michael Charleston B.  2005.  “Liwanag sa Dilim:  Ang Paglaban ni Ninoy Aquino Sa Rehimeng Marcos mula sa Piitan (1972 – 1980),” sa Bernie S. de Vera, Rizal P. Valenzuela at Michael Charleston B.

Chua, Mga Dakilang Tarlakin.  Diliman, Lungsod Quezon:  Bahay Saliksikan ng Tarlakin (BaTak) at Balanghay Kalinangan (BangKa), 2007, 4-88.

__________.  2006. “Commentary:  Hero or Trapo—Thoughts and Assesment on a Kapampangan National Hero,” Alaya:  The Kapampangan Resesarch Journal 4, Disyembre 2006.  Lungsod ng Angeles:  The Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies, Holy Angel University, 215-226.

__________.  2009.  “Si Ninoy Naman:  Ang Trapo na Hero, ang Hero na naging Bayani,” Mabuhay:  Lingguhang Pilipino Mula Pa Noong 1980, 21-27 August 2009, 1, 6.

Jacinto, Emilio.  Walang petsa.  “Ang Kartilya ng Katipunan,” sa Encarnacion, Emmanuel, Ang Pamana ni Andres Bonifacio.  Lungsod Quezon:  Aklat Adarna, 1997, w. ph.

Joaquin, Nick.  1983.  The Aquinos of Tarlac:  An Essay on History as Three Generations.  Mandaluyong:  Cacho Hermanos, Inc.

__________.  1985.  “Before The Blow:  Ninoy’s Senate Years,” sa Benigno S. Aquino, Jr., A Garrison State In The Make And Other Speeches.  Makati:  The Benigno S. Aquino, Jr. Foundation.

Jocano, Felipe Landa at Felipe de Leon, Jr.  2000.  Panayam sa EDSA 2000:  Landas ng Pagbabago.  Maynila:  People Power Commission.

José, Francisco Sionil.  2007, 7 Hunyo.  Panayam kay F. Sionil José ni Michael Charleston B. Chua.  Solidaridad Bookshop, Padre Faura, Lungsod ng Maynila.

Mercado, Monina Allarey, ed.  1986.  People Power:  The Greatest Democracy Ever Told, An Eyewitness History.  Maynila:  The James B. Reuter, S.J., Foundation.

Paterson, James Hamilton.  1998.  America’s Boy:  The Marcoses and The Philippines.  London:  Granta Books.

Policarpio, Alfonso Jr. P. 1986.  Ninoy Aquino:  The Willing Martyr.  Lungsod Quezon:  Isaiah Books.

Rizal, José.  1879.  “To The Philippine Youth,” sa Rizal’s Poems.  Maynila:  Pambansang Suriang Pangkasaysayan, 2002, 98-99.

Rizal, José.  1886.  Noli Me Tangere, Virgilio S. Almario, tagapagsalin.  Lungsod Quezon:  Adarna House, Inc., 1998.

Salazar, Zeus A.  1997.  “Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino,” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas Lathalain Blg. 2.  Lungsod ng Mandaluyong:  Palimbagang Kalawakan.

The Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, Inc. (BSAF, ngayo’y Ninoy and Cory Aquino Foundation).  1993.  “Ninoy’s Bio-Data,” sa Ninoy:  Ideals & Ideologies (1932-1983).  Makati:  Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, 138-139.

Tiongson, Lito, manunulat.  1997.  Batas Militar:  A Documentary About Martial Law in the Philippines.  Lungsod ng Pasig:  Foundation for World Wide People Power.


Para kay Dr. Dante Lacsamana Ambrosio (1951-2011), aking guro sa Kontemporanyong Kasaysayan at kasama sa Philippine Historical Association na nagpakadalubhasa sa sinaunang konsepto ng kalangitan at mga bituwin ng mga Pilipino bilang Ama ng Etnoastronomiya.  Kayo ay bahagi na ng mga bituwin.