1983 ULIT

by xiaochua

Si Xiao Chua (may hawak ng dyaryo, sa kaliwa) kasama ang ilang kaibigan sa funeral march para kay Cory Aquino, 5 Agosto 2009 (Sa kagandahang loob ng Studio 23)

Ang mga sumusunod ay isang pagmumuni-muni ng isang batang historyador, isang guro ng kasaysayan sa Pamantasang De La Salle Maynila, Pangalawang Pangulo ng Philippine Historical Association, at isang 25-taong gulang na batang Tarlakin sa kanyang pagtapak sa kasaysayan bilang nakibahagi sa paghahatid ng bayan kay Tita Cory noong 5 Agosto 2009.  Unang nailathala sa pahayagang Mabuhay:  Lingguhang Pilipino Mula Pa Noong 1980, 7-13 Agosto 2009, 5, 6:

 

 “They came to me with one cry—DEMOCRACY.”

-Cory Aquino

Lagi kong sinasabi na nagsisisi ako na hindi pa ako naipanganak upang makimartsa para sa libing ni Ninoy Aquino noong 31 Agosto 1983 kung saan dalawang milyong tao ang nakipaglibing (mas malaki pa kaysa kay Mahatma Gandhi).  Nagsisisi rin ako na masyado pa akong bata para sumama sa Kapangyarihang Bayan sa EDSA noong Pebrero 1986 kung saan dalawang milyon din ang masayang nakibaka para sa demokrasya sa kabila ng panganib.  Naging panalangin ko na sana malasap ko man lang kahit kaunti ang karanasang “People Power.”

Hindi ko inaasahan na matutupad ito noong 5 Agosto 2009, sa paghahatid sa huling hantungan sa dating pangulong Maria Corazon Sumulong Cojuangco Aquino.

Nagsimula ang araw ko bilang isang panauhin sa Umagang Kay Ganda sa ABS-CBN 2.  Kinapanayam ako ni Winnie Cordero ukol sa aking pangongolekta ng Cory at Ninoy memorabilia sa kabila nang hindi pa ako naipapanganak nang mapaslang si Ninoy.  Doon ko ipinakita na bata pa lamang ako, inspirasyon na sa akin si Tita Cory.  Na simula nang mamatay si Tita Cory ay disoriented ako at kulang sa tulog kaya kailangan kong pumila ng tatlong oras sa La Salle Greenhills (kasama sina Tita Honey at Ivana Guevara) upang masulyapan siya kahit sandali noong madaling araw ng 3 Agosto.  Bumata siya ng tatlumpung taon at napakapayapa ng kanyang mukha.  Naikwento ko rin ang aking pakikiramay sa dalawa niyang anak, si Noynoy at Pinky at ang pagkabuhay ng aking diwa nang makita ko ang libo-libong tao sa telebisyon ilang oras ang nakalipas sa paglilipat sa kanyang mga labi patungong Katedral ng Maynila.  Na liban sa pagpapanatili ng demokrasya, ang kanyang pangunahing kontribusyon sa atin ay ang pagbabalik ng tiwala ng Pilipino sa kanyang sarili.

Sa mga nakaraang taon akala ko, nakalimutan na siya.  Kakaunti na lamang ang dumidinig sa kanya sa tuwing nagpapatawag siya ng suporta laban sa mga pagbabanta sa demokrasya bagama’t nananatili siyang tinitingala.  Sa isa sa kanyang mga huling text message, nadama niyang sa kanyang karamdaman, nag-iisa lamang siya sa pananalangin para sa bayan.  Hindi ko inaasahan ang mga sumunod kong makikita.

Sa paghatid sa akin sa Katedral, nakita kong may iilan nang tao ang naroroon.  Kasama ko sa bandang COMELEC sina Ayshia Kunting at Kerby Alvarez, mga kasama sa UP Lipunang Pangkasaysayan. Ang huli ay may tiket sana sa loob ng Katedral ngunit sia ay nahuli kaya hindi na nakapasok.  Halos maluha na siya dahil doon.  Nakita namin ang galaw ng bayan.  May mga nabigyan ng trabaho dahil sa pagkamatay ni Tita Cory, nagbebenta ng samu’t saring mga pins (Php 20.00), mga t-shirt (Php 100.00), mga dilaw na laso (Php 20.00) at mga payong (Php 120.00).  Ang mga VIP na dumadaan ay maayos na pinapapasok, tumabi nang magmartsa ang militar.  Bagama’t tumili nang  makita si Piolo Pascual at iba pang mga artista, sa mga bulong-bulungan, hindi si Kris Aquino o James Yap ang kanilang ipinunta doon kundi ang magpasalamat kay Tita Cory.  Alam ng bayan kung bakit sila nandoon.

Nagsimula ang misa ng 9:00 NU, hindi namin naririnig sa labas ang mga nangyayari sa loob.

Nang mamatay si Tita Cory, makulimlim ang langit.  Nang saluduhan ang labi niya sa LSGH ng militar biglang umulan, at tumigil matapos ang pagsaludo.  Nang pumuwesto kami malapit sa Ayuntamiento, umulan muli nang malakas.  Nabasa ang ilang libro ko sa loob ng aking bag pero ayos lang.  Nakita kong hindi natinag ang bayan.  Kahit may mga payong, kami ay nabasa, pero ok lang.  Bahagi kami ng kasaysayan, at para ito kay Tita Cory.  Noong 1983, sa paghahatid kay Ninoy, ang ulan at baha ay hindi pumigil sa mga tao.

Sa wakas, narinig namin ang pasasalamat at pamamaalam ni Kris Aquino, napaluha kami.  Wika niya sa mamamayang Pilipino, hiniram ang mga kataga ng kanyang bayaning ama, “You have given our family honor beyond anything we could ever have hoped to receive, that no matter how great the sacrifices of my parents, I can honestly say to all of you that for my family, the Filipinos are worth it….  Paano po ba kami makakapagpasalamat sa inyong lahat sa effort ninyong pumila sa gitna ng matinding init at malakas na pagbuhos ng ulan para po masulyapan ang mommy namin, magbigay respeto at maipagdasal siya sa huling pagkakataon?”  Ngunit pinalakpakan ng lahat ang kanyang deklarasyon na ipagpatuloy ang laban ng kanilang ama’t ina, “Noy, ikaw at ako ang nasa posisyon para ipagpatuloy ang lahat ng kanilang nasimulan.”  Bumuhos lalo ang emosyon sa pagsabay namin kay Lea Salonga sa pag-awit ng “Bayan Ko.”

Sa mga oras na iyon, nakita naman namin na gumagawa ng pelikula ang Kapampangan na si Brillante Mendoza, unang Pilipinong nagwagi bilang pinakamahusay na direktor sa Cannes Film Festival ngayong taon, ukol sa isang batang mahirap sa gitna ng pagluluksa ng bayan ay hindi pinapansin ng mga tao.  Siyempre todo “acting” naman ako sa kanyang pagdaan, kino-Coree ko lang yung bata.

Inaasahan ko na motorcade lamang ang mangyayari.  Nang makausap ko si Margie Juico, dating sekretarya ni Tita Cory, masyadong malayo ang Manila Memorial kung martsa ang gagawin.  Nakita ko na sa pagtatapos ng misa, kinordonan na ng pulis ang mga tao.

Sa paglabas ni Tita Cory ng Katedral mga bandang 11:45 NU, tumigil ang tubig-ulan.  Napalitan nang pag-ulan ng confetti mula sa helikopter, at sa taas ng Katedral at Palacio del Gobernador.

Nagsigawan ng “Coree!  Coree!” at ginawa ng bayan ang Laban sign sa kamay sa pagdaan ni Tita Cory sa kanilang harapan.  Nagsimula na ang kalbaryo at kagitingan ng apat na honor guard—Navy Petty Officer 2 Edgardo Rodriguez, Army Pfc. Antonio Cadiente, Airman 2nd Class Gener Laguindan, at Police Officer 1 Danilo Malab, Jr., na inasahan na dalawang oras lamang tatayo at hindi gagalaw.  Sa kanilang pagtayo ng siyam na oras, nagbigay sila ng malaking karangalan, hindi lamang sa kanilang dating commander-in-chief, kundi sa kanilang uniporme na rin.

Nang makadaan ang coaster ng pamilya Aquino, nakakapangilabot ang aking nakita.  Hindi na napigilan ng mga awtoridad ang pagsunod ng mga tao sa prusisyon.  Nais samahan ng bayan si Tita Cory at ang kanyang pamilya sa huling sandali.  Sumama na rin kaming tatlo sa paglakad.  Ang aming mga kasama, isinisigaw ang pangalan ni Tita Cory.  Sumasagot ang mga taong nakatayo sa tabi ng kalsada.  Mga matatanda, maging ang mga bata.  May mga gawa sa bahay na mga plakard na nagpapasalamat sa dating pangulo.  Nang makarating ako sa Anda Circle at sa A. Bonifacio Drive, sa paglingon ko sa likod, ang daming taong nakasunod, isang dagat ng dilaw.  Dilaw ang kulay ni Tita Cory, ang bagong pula, ang bagong kulay ng kagitingan at kalayaan.

Naluha ako.  Lagi kong sinasabing ang nakararaming Pilipino ay wala nang pakialam sa bansa, na nakalimutan na nilang magtiwala sa kanilang sarili.  Ngunit sa sandaling iyon, nakita ko na ang dami pa palang nagmamahal sa bansa natin. Hindi pa pala namatay ang diwa ng Kapangyarihang Bayan sa atin, natutulog lang pala ito.  Nakita kong natuwa si Kerby na kasama niya ang bayan sa mga oras na iyon.  Hindi hamak na mas matindi ang pagpupugay sa labas ng Katedral kaysa ng mga elit na nasa loob.

Nakita ko ang aming punong-lungsod sa Tarlac, Alkalde Aro Mendoza, na pinangunahan ang batalyon ng mga bus ng mga cabalen namin ni Tita Cory.  Kasama naming lumalakad ang mga inspirasyon ng bayan sa ngayon, si Gobernador Among Ed Panlilio ng Pampanga, at si Jun Lozada, na nagbigay ng maikling panahon upang makipagkwentuhan sa akin.

Napaka-cute ng mga bata na sumisigaw ng “Coree!”  Isinigaw ko bilang palaala sa kanila, “1983 ulit!” habang hawak-hawak ang dala-dala kong Mr. and Ms. Special Edition, “Ulitin natin ang kasaysayan!”  Noong 1983, sa kabila ng pagkukubli ng medyang pambalana na maka-Marcos noon sa pagbabalitang may isang namatay dahil tinamaan ng kidlat, ang Mr. and Ms. Special Edition, at ang pahayagang Mabuhay ang nagpakita ng mga larawan na milyon-milyong tao ang nakipaglibing kay Ninoy.

May mga ilang nakakilala sa akin dahil napanood nila ako noong umaga at binati ako ng masaya at nakipagkodakan pa.  Nakapanayam pa ako ng maikli sa Newswatch ng RPN-9 kung saan sinabi ko na kahalintulad noong 1983, walang nag-organisa at spontaneous ang kilos ng mga tao noong araw na iyon.

Mayroon lang isang presidentiable na kinamayan ang mga tao habang nasa loob ng kanyang kotse, tahasang inaagaw ang atensyon na para lang sana kay Tita Cory.  Mayroong sumigaw, “Bawal mangampanya dito !” “Lumakad ka!”

Hindi natinag ang mga tao sa kabila ng lakas ng alon sa Look ng Maynila.  Liban sa mga bayaning bumberong nakalinya upang magpugay sa isang Dakilang Pilipina, naroroon ang mga magkakapamilya, magkakaibigan, magkakaklase na nakalinya sa daan.  Sa bawat pagsigaw ko sa kanila ng “Tuloy ang Laban!” habang itinataas ang Laban sign, sumasagot sila, at nakikita ko ang kanilang mga mata, puno ng pagmamahal sa bayan.  Naramdaman ko ang pagtanggap nila sa akin bilang kababayan.  Mga kapatid ko sila.  Nalasap ko rin sa wakas ang diwa ng EDSA, na nasasalamin sa mga kataga ng awitin ni Jim Paredes, “Kay sarap palang maging Pilipino,” “Naging langit itong bahagi ng mundo!”

Hindi matatapatan ng mga karaniwang rally ang aking naranasan.  Sa mga pagkilos man ng kaliwa o kanan, kadalasa’y galit at hinaing ang kanilang ipinapakita.  Noong 1983, pinagsamang galit sa diktadura at pagmamahal sa bayan ang nakita.  Sa mga sandaling iyon sa libing ni Tita Cory, pagmamahal sa bayan at pasasalamat kay Tita Cory ang nasa mga mata ng mga tao.  Hindi sapat ang makita ito sa telebisyon.  Nakita at nadama ko ang katotohanan ng mga damdaming ito nang samahan ko ang bayan noong araw na iyon.

Lumakad pa kami hanggang sa Quirino-Taft.  Bagama’t ang itaas na kalahati ng aking katawan ay nalulunod sa pagmamahal ng bayan at gusto pang sumama, dinama ko ang aking mga tuhod at pagod na ang mga ito.  Nagpasya kaming kumalas sa prusisyon mga 2:00 NH.  Pero pauwi sakay sa bus, nagpakita kami ng Laban sign, tinitingnan namin kung may sasagot sa amin tulad kanina, isa man lang masaya na kami.  Liban sa isa na nagbigay sa amin ng gitnang daliri, sampu ang sumagot sa amin ng Laban!  Ito ang aming simbolikong paraan upang ipaalala sa aming sarili na baon namin pauwi ang laban nina Ninoy at Cory.

Samantala, sa telebisyon na namin nasundan ang pagpapatuloy ng paghahatid kay Tita Cory sa huling hantungan, hanggang matapos ang 22.8 kilometro mula Katedral ng Maynila, dumating ang mga labi ng dating pangulo sa Manila Memorial Park.  Nais ng pamilya Aquino na maging pribado ang paglilibing.  Ngunit nais ng taumbayan na ihatid ang kanilang Tita Cory hanggang sa huli.

Mas malayo ang distansya ng prusisyon ng dalawang milyong katao para kay Ninoy noong 1983 mula sa Simbahan ng Sto. Domingo sa Lungsod Quezon, 12 oras ang inabot.  Sa halos kalahati ng distansya mula Katedral ng Maynila (kung saan mga matataas na kaparian lamang ang ibinuburol), ang prusisyon ng 300,000 tao ay umabot na nang 9 na oras.  Higit pa ito sa karangalan ng isang state funeral (na gagastusan sana ng pamahalaan).  Ayon kay Manolo Quezon, ang desisyon ng pamilya ay konsistent sa buhay ni Tita Cory na hindi ninais ang kahit anong karangyaan at karangalan na inasam-asam ng iba, “But as Cory Aquino lived, so she remains in death: having accepted only the barest minimum in terms of the honors of state, because she only held the position to accomplish the transition back to democracy, and doing so with a scrupulous regard not to burden the public purse with fuss over her person. / For Cory,  the presidency had always been a means to an end, not a means in itself; so it is truly fitting she will be laid to rest with nothing more than what she’d started out with, as a widow: a nation by her side, united in grief, and in a manner that ultimately manifests the power of the people and not of whoever happens to comprise today’s officialdom.”

Sa ganap na 8:35 NG, humimlay sa pagmamahal ng kanyang pamilya at mga kababayan ang unang inang pangulo ng Pilipinas, muling nakatabi ang kaisa-isang lalaking kanyang minahal, si Ninoy.

Nang hapon na iyon, ako ay dinala sa ABS-CBN upang kapanayamin para sa programang Y-Speak.  Doon aking sinabi, “She may not be the best president, but she did her best as president.”  Si Tita Cory mismo ang nagsabi sa kanyang huling State of the Nation Address noong 1991, “I hope that history will judge me as favorably as our people still regard me, because, as God is my witness, I honestly did the best I could. No more can be asked of any man.”

Sa pagkamatay ni Tita Cory, bagama’t inaalala natin ang kanyang pangunahing papel sa kasaysayan ng Pilipinas bilang Ina ng Demokrasya, hindi ibig sabihin na kinakalimutan natin ang kanyang mga naging pagkukulang, sapagkat dapat itong gawing balon ng aral.  Bagama’t hindi nabahiran ng alegasyon ng personal na pangungurakot, hindi siya naligtas sa kontrobersya:  ang hindi pagpapatupad ng CARP sa sariling lupa ng kanilang pamilya sa Tarlac, ang trahedya ng pagbaril sa mga magsasaka sa Mendiola noong 1987 (na sinasabi ng administrasyong Aquino na may nanggulo kaya nangyari), ang tinatawag na “Kamag-anak, Inc.,” ang pagmamalabis ng ilan sa mga kasapi ng itinaguyod niyang civilian defense, ang pagsang-ayon sa pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa bansa.

Ayon pa sa mga kritiko, hindi naman daw siya naging instrumental sa pagbabalik ng demokrasya, sa halip nagtago sa isang kumbento sa Cebu kasama ng mga Pink Sisters nang sumiklab ang Kapangyarihang Bayan noong 22 Pebrero 1986.  Hindi nalalaman na bumalik siya kinabukasan sa Maynila at sakay ng isang kotse, naglakbay pa sa kalagitnaan ng mga tangke ng diktadura.  Hindi rin siya nagpapigil na magsalita sa harapan ng gusali ng POEA upang samahan ang mga tao.  Bagama’t sina Min. Juan Ponce Enrile, Hen. Fidel Ramos, Butz Aquino at Jaime Cardinal Sin ang naging tagapanguna ng Kapangyarihang Bayan sa EDSA, ang damdamin ng mga mamamayan ay naihanda na ni Tita Cory nang magpatawag ito ng boykot ilang araw ang lumipas, at muntik nang bumagsak ang ekonomiya bilang pakikibaka laban sa diktadura.  Tulad ni Rizal na inspirasyon nina Bonifacio at ng Himagsikang 1896, si Tita Cory ang inspirasyon ng Kapangyarihang Bayan noong 1986, ang isinigaw ng bayan upang pamunuan sila.

Maging ang hindi paghingi ng bansa ng debt moratorium o debt repudiation na nagpanatili ng utang ng diktadura para ating bayaran ay isinisisi ng mga kritiko kay Tita Cory.  Kung alam lamang nila na dahil dito napanatili ang ating dangal sa harap ng mundo, na nagtiwala siya sa mga Pilipino na muli nilang itatanghal ang kanilang bansa upang maging dakila ito at mababayaran din natin ang ating mga utang.  Mukhang ang dapat itanong ay hindi kung binigo ba tayo ni Tita Cory kundi, “Binigo ba natin siya at ang ating mga sarili?”

Ayon nga sa isang panayam na ibinigay niya sa Philippine Star noong 2007, “People used to compare me to the ideal president, but he doesn’t exist and never existed. He has never lived.”

Hindi santa si Tita Cory, bagama’t madasalin siya, alam kong sa kanyang kababaang loob hindi niya tatanggapin na dakilain siya bilang ganoon.  Sa aking opinyon, hindi rin siya pambansang bayani tulad nina Rizal at Bonifacio na namatay para sa bayan, ngunit bayani siya tulad ng lahat ng nabubuhay para sa bayan ay bayani.  Halimbawa na maging ang mga pinakasimple sa atin ay maaaring maging bayani.  Hindi siya perpekto, ngunit ang kanyang puso ay nasa tamang lugar sa panahon ng mga mahihirap na pagpapasya.  Ito ang nakita ng mga tao.  Ang gusto nating gunitain ay ang mga sakripisyo na ibinigay ni Tita Cory para sa bayan—ang kanyang asawa, at ang kanyang buhay; ang kanyang determinasyong mistulang bakal laban sa siyam na bantang coup d’etat na nagpanganib sa ating demokrasya (Maging ang isa sa mga nanguna sa mga pagtatangkang ito na si Comm. Rex Robles ay mangiyak-ngiyak pang humingi ng tawad at inalala ang katapangan ng babaeng pangulo); at ang pagbabalik ng mga institusyong demokratiko—ang kongreso, ang malayang korte, malayang pamamahayag, nagsasariling pulisya, ang Saligang Batas ng 1987; at marami pang ibang mga tagumpay, sa kabila ng mga panggugulo, lindol, bagyo, at pagsabog ng Bundok Pinatubo.  Pinatunayan niyang wala nga siyang alam tulad ng ipinaratang sa kanya, “I admit that I have had no experience in cheating, stealing, lying or assassinating political opponents!”  Modelo sa bawat lingkod-bayan at kawani.

Ang ibinigay na parangal ng militar, pagpapaputok ng kanyon sa mga kampo ay isang vindication sa ginawang pang-aapi ng instutusyong militar sa kaniya at kay Ninoy noong Batas Militar.

Kapag namamatay ang isang sikat na tao, ginugunita ang mga magagandang bagay lamang ukol sa namatay, ngunit kadalasa’y hindi pag-aaksayahan ng labis na panahon ng mamamayan.  Ang mahabang pamamaalam ng bayan, ang mga taong lumabas sa kalsada, at nagpupugay sa buong daigdig ng Cyberspace, ay nagpapatunay na sa lahat ng kanyang nagawa, ang naaalala natin ay ang maybahay na pinakiusapan nating pamunuan tayo.  Kinailangan natin siya, at dininig/tinanggap naman niya ang mabigat na pakiusap na ito.  Ayon sa kanyang talumpati sa Kongreso ng Estados Unidos noong 18 Setyembre 1986, “Wherever I went in the campaign, slum area or impoverished village. They came to me with one cry, DEMOCRACY.  Not food although they clearly needed it but DEMOCRACY. Not work, although they surely wanted it but DEMOCRACY. Not money, for they gave what little they had to my campaign. They didn’t expect me to work a miracle that would instantly put food into their mouths, clothes on their back, education in their children and give them work that will put dignity in their lives. But I feel the pressing obligation to respond quickly as the leader of the people so deserving of all these things.”

Kung noong 1983, nagsimulang bumagsak ang diktadura, ang fearless forecast ko ay sa 2009 ay magdudulot, hindi ng pagbagsak ng isang rehimen, kundi nang pagmulat ng Pilipino na pumili ng tamang lider sa 2010, pagpigil nila sa makasariling kilos sa pagbabago ng Saligang Batas, at gawin ang makakaya upang sa sariling paraan, ituloy ang laban nina Ninoy at Cory sa loob ng marami pang taon.

Pero sa aking palagay, ito na ang huling manipestayson ng “People Power” na makikita natin sa mahabang panahon.  Isang lider sa kalibre lamang ni Cory ang makapagbubuklod noon.  Si Tita Cory rin mismo ang nagpahiwatig maraming beses na hindi na dapat maulit ang EDSA.  Dapat hindi tumigil sa ilang araw na pagpapakita ng pag-kakaisa ang mga tao.  Kailangang kumilos para sa totoong “People empowerment.”  Ipinakita ito ni Tita Cory sa pagtataguyod ng micro-finance at edukasyon noong siya ay nabubuhay pa.

Para sa akin, ang tunay na Kapangyarihang Bayan ay magsisimula sa pagbabago ng kalooban tungo sa kaginhawaang inadhika ng ating mga bayani mula Himagsikang 1896, hanggang sa Kapangyarihang Bayan 1986.  Sa pagsisimula nating bigyang kahulugan ang ating pag-iral na mas malaki pa sa ating mga hangarin para sa sarili tulad ng sinabi ni Tita Cory, “I would rather die a meaningful death than to live a meaningless life.

Nang makapanayam ko siya sa kanyang opisina sa Makati noong 2003, sa kabila ng kanyang pagiging pormal, hindi ko napigilan na sabihin sa kanya na fan niya ako, at dahil sa kanya ipinagmamalaki kong Pilipino ako, na mahal ko siya.  Hindi ako nagsisisi na sinabi ko yun noong buhay pa siya.

Sa paghahatid natin sa kanya sa huling hantungan, muli nating sinasabi sa kanya, “Hindi ka namin iiwan sa laban dahil hindi mo kami iniwan.  Mahal ka namin”

Tuloy ang laban!

11 Agosto 2009, 11:08 NU, Silid 304A, Bulwagang Gokongwei, Pamantasan ng De La Salle sa Maynila

Xiao Chua at Gobernador Ed Panlilio sa Luneta noong funeral march para kay Cory Aquino, 5 Agosto 2009 (Sa kagandahang loob ng Studio 23)