AN ANDRES BONIFACIO TIMELINE (In commemoration of the month of the 150th birth anniversary of the Father of the Filipino Nation, updated and edited November 2017)

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan. Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.
- 30 Nobyembre 1863—Isinilang si Andres Bonifacio sa Tondo, Maynila. Panganay sa anim na magkakapatid. Nag-aral sa ilalim ni Guillermo Osmeña na taga Cebu. Naghanap-buhay kasama ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagbenta ng mga baston at abaniko. Naging clerk-messenger sa Fleming and Co. at Fressel and Co. Itinuturing ni Dr. Milagros Guerrero na isang young urban professional noong mga panahong iyon. Naulila ng lubos sa edad na 22. Aktor siya sa Teatro Porvenir kasama nina Aurelio Tolentino at Macario Sakay at paborito niyang karakter si Bernardo Carpio, ang itinuturing na tagapagligtas ng mga Tagalog. Naging bihasa siya sa Wikang Tagalog at nagbasa rin ng mga salin sa Espanyol ng mga aklat ni Alexandre Dumas, Les Miserables ni Victor Hugo, Las Ruinas de Palmyra, ukol sa Himagsikang Pranses, Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos, Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, Ang Bibliya, maging mga aklat ukol sa medisina at batas.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.
Ang Katipunan
- Enero 1892—May dokumento na natagpuan sa Archivo Militar sa Espanya na isinulat mismo ng Katipunan ukol sa plano ng pagtatatag at istruktura ng Kataas-taasang Katipunan bago pa man ito pormal na maitatag noong Hulyo 7, 1892.

Unang pahina ng “Casaysayan; Pinagcasunduan; Manga daquilang cautosan,” Enero 1892. Mula sa Archivo General Militar de Madrid sa pamamagitan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
- 3 Hulyo 1892—Itinatag ni Rizal ang La Liga Filipina sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Ang Liga ay naglalayong pagsama-samahin ang kapuluan sa isang katawan, proteksyon para sa lahat, pagtatanggol laban sa kaguluhan at kawalan ng katarungan, pagpapaunlad ng edukasyon, agrikultura, at pangangalakal, at pag-aaral at pagsasagawa ng mga reporma. Naging kasapi nito sina Andres Bonifacio, Deodato Arellano at Apolinario Mabini.

Unang pahina ng orihinal na manuskrito ng saligang batas ng La Liga Filipina na isinulat ni Rizal sa Hongkong, 1892.
- 6 Hulyo 1892—Inaresto si Rizal at ikinulong sa Fuerza Santiago, at matapos ang ilang araw, 17 Hulyo 1892, dumating si Rizal sa Dapitan bilang isang destiero.
- 7 Hulyo 1892—Sa Kalye Azcarraga (ngayo’y CM Recto), itinatag ni Andres Bonifacio ang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), kasama sina Ladislao Diwa, Teodoro Plata (nang hasik o triangolo), Valentin Diaz, Deodato Arellano, Briccio Pantas at iba pang kasama.
- Oktubre 1892—Dahil sa kabagalan ng metodong triangolo sa pagkuha ng mga kasapi, napagkayarian na ibasura ito tungo sa inisasyon. Nang umabot ng isandaan ang kasapi ng Katipunan, nagkaroon ng halalan para sa Kataas-taasang Sanggunian at naging Kataas-taasang Pangulo (Supremo) si Deodato Arellano.
- Pebrero 1893—Naging Kataas-taasang Pangulo si Roman Basa.
- Maagang 1895—Nahalal na Kataas-taasang Pangulo si Andres Bonifacio. Muli siyang mahahalal sa 31 Disyembre 1895 at Agosto 1896 bago mabunyag ang lihim na samahan.
- 12 Abril 1895—Tumungo si Andres Bonifacio at mga kasama sa Kweba ng Pamitinan, Bundok Tapusi, sa Montalban, tila sumusunod sa yapak ng maalamat na Tagapagligtas ng mga Tagalog, si Bernardo Carpio, at sinasabing isinigaw at isinulat sa mga pader ng kweba ng Makarok sa pamamagitan ng uling, “Naparito ang mga Anak ng Bayan, Hinahanap ang Kalayaan. Mabuhay ang Kalayaan!”

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan. Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.
- Marso 1896—Lumabas ang una at huling edisyon ng pahayagan ng Katipunan, ang Kalayaan. Mula 300 kasapi, dumami ang kasapian sa tinatayang 30,000 miyembro. Sa mga sulatin dito, sa Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto at iba pang akdang Katipunan makikita ang konsepto nila ng tunay na Kalayaan ng Katipunan na nakabatay sa kaginhawaan at matuwid at mabuting kalooban. Gayundin, ang konsepto ng bansa na nakabatay sa pagkakaisa, kapatiran at pagmamahalan ng mga Tagalog (Taga-Ilog) tungo sa katuwiran at kaliwanagan.
- 21 Hunyo 1896—Binisita ni Dr. Pio Valenzuela, bahagi ng pamunuan ng Katipunan, si Rizal sa Dapitan at pinaalam ng una sa huli ang binabalak na Himagsikan. Inalok ni Valenzuela si Rizal na maging Pangulo ng Katipunan. Tumanggi si Rizal at pinayuhan na kailangan ng armas, maghanda bago mag-alsa, humingi ng tulong sa mga mayayaman, at gawing heneral si Antonio Luna.
Pagkabunyag ng Katipunan at Unang Sigaw ng Himagsikan
- 19 Agosto 1896—Sinalakay ang Diario de Manila at natuklasan ang Katipunan matapos na isumbong ni Teodoro Patiño sa cura parroco ng Tondo na si P. Mariano Gil ang lihim na samahan. Buong gabing nanghuli ang mga Espanyol ng mga pinaghihinalaang kasapi.
- 24 Agosto 1896—Ayon sa mga historyador na sina Guerrero, Encarnacion at Villegas, naganap ang unang sigaw ng Himagsikan at punitan ng sedula (pagsira ng dokumento bilang simbolo ng paghiwalay sa Espanya–Grito de Balintawak, ang iba’t ibang lugar na binanggit sa mga tila magkakasalungat na tala–Balintawak, Kangkong, Bahay Toro, Pugad Lawin—ang unang tatlo ay mga lugar sa Balintawak). Ayon kay Aurelio Tolentino, ang tunay na sinigaw ni Bonifacio sa “Unang Sigaw” ay: “Kalayaan o kaalipinan? Kabuhayan o kamatayan? Mga kapatid: Halina’t ating kalabanin ang mga baril at kanyon upang kamtin ang sariling kalayaan!” At sa pulong sa araw na iyon sa kamalig ni Tandang Sora sa Sitio Gulod, Barrio Banlat, Kalookan, itinatag ang Rebolusyunaryong Pamahalaan at si Andres Bonifacio ang naging pangulo nito. Napagkasunduan rin ang magaganap na pagsalakay sa Maynila sa hatinggabi ng 29-30 Agosto 1896.

Letterhead ni Andres Bonifacio, dokumento na nagtatalaga kay Emilio Jacinto bilang Pinunong Hukbo ng Hilaga ng Maynila kung saan binabanggit na si andres Bonifacio ang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan–ang unang pamahalaang pambansa at mapanghimagsik (Mula sa Koleksyon ni Emmanuel Encarnacion).
- 25 Agosto 1896—Sagupaan ng KKK at ng mga Espanyol sa Pasong Tamo malapit sa Bahay ni Tandang Sora, talunan ang mga Espanyol.
- 26 Agosto 1896—Sagupaan ng KKK at ng mga Espanyol sa Caloocan at Malabon, talunan ang mga Espanyol.
- 30 Agosto 1896—Madaling araw nang pangunahan ni Bonifacio ang pag-atake sa Polvorín, San Juan del Monte (Ngayo’y Pinaglabanan). Nagkaroon ng sabay-sabay na pagsalakay sa buong lalawigan ng Maynila. Hindi sumipot ang hukbo ng Cavite sa napagkasunduang pag-aalsa. Ipinailalim ni Gob. Hen. Ramon Blanco ang walong lalawigan—Maynila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Cavite, at Batangas, sa ilalim ng Batas Militar (Sinasagisag ng walong sinag ng araw sa ating bandila).

Ang Pagsalakay ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan sa madaling araw ng August 30, 1896. Kung gayon, paano siya nakatulog at hindi nakapaghudyat kung naroon nga sila sa San Juan? Mula sa “Filipino Struggles Through History,” mural ni Carlos V. Francisco, na nasa City Hall ng Maynila.
Katipunan sa Cavite
- 31 Agosto 1896—Nagapi ni Hen. Artemio Ricarte ang mga Espanyol sa San Francisco de Malabon, Cavite. Sinimulan ang pag-aalsa sa Cavite sa pangunguna ni Hen. Emilio Aguinaldo.
- 9-11 Nobyembre 1896—Pagtatagumpay ng Cavite laban sa mga Espanyol sa labanan sa Binakayan. Gamit ng mga taga-Cavite ang Giyerang Pantrintsera sa Zapote at Cavite Viejo sa pangangasiwa ng inhinyero na nagtapos sa Ghent, Belgium na si Edilberto Evangelista na namatay sa Labanan sa Zapote noong 17 Pebrero 1897 .

Ang mga trintsera ng Cavite na itinayo ni Edilberto Evangelista habang epektibong ginagamit… ng mga Amerikano. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
- 30 Disyembre 1896—Bahagi ng serye ng mga pagbitay na may kinalaman sa himagsikan, binaril si Rizal sa Bagumbayan. Nasa Cavite na noong mga panahon na iyon si Bonifacio na inanyayahan upang uyusin ang sigalot ng mga paksyon ng Katipunan sa lalawigang iyon—ang Magdiwang, Magdalo at Mapagtiis.

Aktwal na larawan ng pagbaril kay Gat Dr. Jose Rizal noong 30 December 1986 sa ganap na 7:03 ng umaga.
Kumbensyon ng Tejeros, Pacto de Tejeros at Naic Military Agreement
- 22 Marso 1897—Sa kanyang kaarawan, nahalal in absentia si Emilio Aguinaldo bilang pangulo ng pamahalaang rebolusyunaryo sa Kumbensyon sa Casa Hacienda ng Tejeros (Binalaan ni Diego Mojica si Bonifacio na maraming mga balota ang napunan na bago pa man ang halalan, ang ispekulasyon ay hindi pinansin ni Bonifacio). Nauna nang pumayag si Bonifacio na palitan ang Katipunan bilang pamahalaan sa pagkumbinsi ng kumbensyon basta anumang mapagkayarian ng kapulungan ay igagalang. Ngunit nang tutulan ni Daniel Tirona ang pagkakahalal ni Bonifacio sa consuelo de bobong posisyon ng Direktor ng Interyor dahil siya ay walang pinag-aralan at hindi abogado ay nainsulto si Bonifacio, tinutukan ng baril si Tirona, pinawalang-bisa ang konseho bilang tagapangulo nito, at lumisan.

Ang pagbunot ng baril ni Andres Bonifacio upang hamunin ng duwelo ang uminsulto sa kanyang pagkatao na si Daniel Tirona sa Kumbensyon ng Tejeros, 22 March 1897.
- 23 Marso 1897—Bumalik sa Casa Hacienda ng Tejeros sina Bonifacio at mga tagapanalig upang tutulan ang naganap na halalan sa pamamagitan ng Acta de Tejeros. Habang nanumpa bilang Pangulo si Aguinaldo sa harapan ni P. Villfranca sa Tanza. Nang ipahayag ang bagong mga opisyales ng pamahalaan noong 17 Abril 1897, kapwa mga Magdiwang at Magdalo ay kabilang na dito.

Huling pahina at mga lagda sa Acta de Tejeros, March 23, 1897. Mula sa Tragedy of the Revolution, Studio 5 Designs.
- 19 Abril 1897—Pagpupulong sa Casa Hacienda ng Naic ng pangkat ni Bonifacio. Nang masabihan ni Lazaro Makapagal, napasugod ang namalariang si Aguinaldo sa nasabing pulong at muntik nang magkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng mga hukbo ni Aguinaldo at Bonifacio. Nagulat pa si Aguinaldo na ang kanyang dalawang tapat na kawal na sina Mariano Noriel at Pio del Pilar ay kasama ng Supremo. Muling bumalik kay Aguinaldo ang dalawang heneral at nanguna sa pag-uusig sa mga Bonifacio.

Huling pahina at mga lagda sa Acta de Naic, April 19, 1897. Mula sa Tragedy of the Revolution, Studio 5 Designs.
Paglilitis at Pagpaslang kay Bonifacio
- 28 Abril 1897—Ang sugatang sina Andres at Procopio Bonifacio ay inaresto at dinala sa Naic. Nasawi si Ciriaco Bonifacio sa pataksil na paglusob ng sariling kababayan sa Limbon, Indang sa pangnguna ni Kol. Agapito Bonzon, na nagtangka ring gahasain ang asawa ng Supremo at Lakambini ng Katipunan Gregoria de Jesus. Sa Casa Hacienda ng Naic, ikinulong sa bartolina sa ilalim ng hagdanan sa loob ng tatlong araw ang Supremo, dalawang beses lamang pinakain pagkaing hindi na dapat banggitin.
- 1 Mayo 1897—Sa pagbagsak ng Naic sa mga Espanyol, lumipat sina Aguinaldo at ang kanilang mga bihag sa Maragondon, Cavite kung saan ipinagpatuloy ang paglilitis sa magkapatid na Bonifacio. Hindi naisakatuparan ang pagliligtas sana sa Supremo na gagawin ng pangkat nina Diego Mojica.

Ang matandang bahay sa Maragondon kung saan nilitis ang Supremo Andres Bonifacio. Mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
- 10 Mayo 1897—Isinakatuparan ng pangkat ni Lazaro Macapagal ang kautusan ng Consejo de Guerra na barilin at patayin ang magkapatid na Bonifacio sa mga kabundukan ng Maragondon. Ngunit ayon sa testimonya kay Guillermo Masangkay ng dalawa raw sa mga Katipunerong pumatay kay Bonifacio, binaril si Procopio pero tinaga raw hanggang mamatay si Andres Bonifacio.

“The Verdict,” obra ni Rody Herrera. Ayon sa testimonya ni Lazaro Makapagal. Makikita sa aklat na Fine Artists of the Philippines 1999 ni Marlene Aguilar at Larry Bortles.