IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: japanese

XIAOTIME, 26 December 2012: ANG PASKO NG MGA BAYANI SA KASAYSAYAN

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 26 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Rizal habang nagsusulat sa loob ng kanyang kulungan sa Fort Santiago.  Estatwang wax ni Guillermo Tolentino.  Dambanang Rizal sa Fort Santiago, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.

Rizal habang nagsusulat sa loob ng kanyang kulungan sa Fort Santiago. Estatwang wax ni Guillermo Tolentino. Dambanang Rizal sa Fort Santiago, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.

26 December 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=mBmQe-yPb0I

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati po si Ate Gie Averia, regular na manonood ng News@1 at News@6 mula sa Vigan, para sa kanyang kaarawan noong isang linggo.  Sa kanyang pangalawang nobela na El Filibusterismo, pinansin ni Dr. José Rizal na bagama’t sinasabing ang pasko ay para sa mga bata, ang mga bata ay maaaring hindi naman natutuwa dito.

Mula sa Philippine Almanac ng Filway

Mula sa Philippine Almanac ng Filway

Pinagbibihis ng mga bagong damit at sapatos upang pawisan at pagtyagaan ang ritwal ng misa, at kapag marumihan ang kanilang damit, ay mapapagalitan at makukurot lamang.  Matapos nito ay papupuntahin daw ang mga bata sa iba’t ibang bahay, magmano sa mga nakatatanda at gagawin ang pinagagawa sa kanila—kumanta, sumayaw, at gumawa ng mga nakatutuwang bagay.  Kung hindi nila gawin ito mapapagalitan at makukurot lamang sila.  Bibigyan sila ng pera ngunit kukunin lang naman ito ng kanilang mga magulang at hindi na ibabalik sa kanila.  Ano ang nakukuha nila sa pasko, mga pasa ng pangungurot, at masakit na tiyan sa sobrang pagkain ng mga keyk? Para sa kanya, “baptism of fire,” Hanep talaga si Rizal, tila isang anthropologist na tahimik palang pinagmamasdan ang mga bata tuwing pasko, o hindi kaya sarili niyang karanasan ito noong bata pa siya?  Anuman, sinasabing ang pinakamalungkot na pasko niya ay nangyari 116years ago, December 25, 1896.  Nakakulong si Rizal sa Fort Santiago, malayo sa piling ng mga mahal sa buhay, mga magulang at sa mahal niyang si Josephine dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan.  Pinaghahandaan ang kanyang depensa sa isang paglilitis kinabukasan na malamang sa malamang ay magpapataw sa kanya ng parusang kamatayan.

Teodora Alonso sa kanyang katandaan.

Teodora Alonso sa kanyang katandaan.

Nang ipataw sa kanya ang sentensya sa salang rebelyon, sedisyon at pagtatag ng ilegal na organisasyon tulad ng La Liga Filipina at Katipunan noong December 29, 1896, sinasabing nagdala ng sulat ang kanyang inang si Doña Teodora Alonso sa Malacañan at sa hagdan ng palasyo ay nagsumamo sa Gobernador Heneral Camilo de Polavieja na huwag patayin ang kanyang anak.

Gobernador Heneral Camilo G. de Polavieja

Gobernador Heneral Camilo G. de Polavieja

Kaya sinimulan ni Pangulong Manuel Quezon ang pag-akyat sa mga hagdan ng palasyo sa unang araw ng isang president ng Pilipinas, kumbaga upang ibawi ang nangyari kay Doña Teodora, kung saan aakyat na ang Pilipino sa palasyo ng taas no at hindi alipin.

Manuel Quezon na umaakyat ng taas noo sa mga hagdan ng Palasyo ng Malacanan bilang pangulo ng Pilipinas, 15 November 1935.

Manuel Quezon na umaakyat ng taas noo sa mga hagdan ng Palasyo ng Malacanan bilang pangulo ng Pilipinas, 15 November 1935.

Noong mga panahon na iyon, nagpapasko sa larangan ng labanan ang mga kasapi ng Katipunan.

At Alangan River, The Last Stand (Limay, Bataan)41363_1446144466847_7433404_n

Noong 1941, ang mga lolo at lola natin na beterano ay nagsisimula nang lumaban noon sa mga mananakop na Hapones, Disyembre kasi nang magsimula ang digmaan sa Pilipinas.

Ang pagkabulbos ng Maynila noong Liberasyon bilang ikalawang pinakagumuhong Allied na lungsod sa diagdig noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Marso 1945.  Mula sa kolkesyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Ang pagkabulbos ng Maynila noong Liberasyon bilang ikalawang pinakagumuhong Allied na lungsod sa diagdig noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Marso 1945. Mula sa kolkesyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Noong Marso 1945, matapos mapulbos ang Maynila at maging second most destroyed Allied city in the world, nakita ng kompositor na si Felipe de Leon ang pagkawasak at isinulat ang isa sa pinakamagandang awiting pamasko sa Pilipinas, ang “Payapang Daigidig”:  “Payapang panahon / Ay diwa ng buhay / Biyaya ng Diyos / Sa sangkatauhan / Ang gabi’y payapa / Lahat ay tahimik / Pati mga tala / Sa bughaw na langit.”

Felipe de Leon

Felipe de Leon

Ang mga maliligayang pasko at mapapayapang gabi natin at ng ating mga anak ay hindi lamang biyaya ng Diyos, kundi dulot din ng mga Paskong isinakripisyo ng ating mga bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Lulan ng fx taxi, Maynila, 19 December 2012)

XIAOTIME, 11 December 2012: SIMULA NG WORLD WAR 2 SA PILIPINAS

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 11 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Manila: Open City

Manila: Open City

11 December 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=tdD5CEZWgQE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ito sa isa sa aking mentor at kuya sa disiplina ng Kasaysayan, ang aking thesis adviser na si Dr. Ricardo Trota José ng Unibersidad ng Pilipinas na eksperto sa kasaysayang pang-militar ng bansa, at sa kaibigan kong matalik na nais na sumunod sa kanyang yapak, si John Ray Ramos.  71 years ago sa mga araw na ito nagsisimula na ang World War 2 sa Pilipinas.  Nakilala rin ito bilang Digmaang Pasipiko sa pagitan ng Estados Unidos at ng Hapon.  Nagsimula ito noong December 7, 1941, 7:55 ng umaga sa Hawaii nang sorpresang sinalakay ng Hukbong Hapones ang base militar ng hukbong dagat ng Estados Unidos sa Pearl Harbor.

Pagsalakay sa Pearl Harbor

Pagsalakay sa Pearl Harbor

Madaling araw na noon ng December 8 sa Pilipinas.  Ayon sa aklat na “American Caesar” ni William Manchester, ang kinabibiliban natin at dini-diyos na si Heneral Douglas MacArthur ay hindi mahagilap sa mga mahahalagang unang oras na iyon at hindi naging mapagpasya ang kanyang mga kilos.  Tila natameme siya at nasorpresa tulad ng iba.  Nasa Baguio noon ang Pangulong Manuel Quezon at kanyang ipinroklama sa isang radio address, “The Zero Hour has arrived.  Every man and woman must be at his post to do the duty assigned to him and her, Let us place out trust in God who never forsakes our people.”  Buong umaga na lumipad ang mga modernong eroplanong Amerikano sa Clarkfield, Pampanga bilang paghahanda sa pag-atake ng mga Hapones.  Nang bumaba sila upang muling magkarga ng gasolina, sumalakay ang mga Hapones bandang tanghali at nawasak ang lahat ng kanilang mga eroplano.  Planadong-planado ang paglusob.  Lubos na pinaghandaan ng mga Hapones ang digmaan at ilan taon nang may mga spies o tiktik sila dito at nagkaroon sila ng mga mahahalagang trabaho sa mga istratehikong maaaring pagkunan ng impormasyon bilang mga hardinero, barbero, tindero, potograpo, atbp.  Marami ang nakabalita sa mga Pilipino na nagsimula na ang digmaan matapos ang misa ng pista para sa Inmaculada Concepcion.  Paglabas nila ng simbahan, tumambad na sa kanila ang mga ekstra ng diyaryo na nagbabalita na dahil nasa ilalim tayo ng Estados Unidos, ipaglalaban natin ang seguridad ng ating bansa laban sa mga Hapones.

Pagkalabas ng simbahan matapos ang misa para sa Inmaculada Concepcion, tumambad ang balita ng digmaan, December 8, 1941.  Paglalarawan mula sa Childcraft ng World Book.

Pagkalabas ng simbahan matapos ang misa para sa Inmaculada Concepcion, tumambad ang balita ng digmaan, December 8, 1941. Paglalarawan mula sa Childcraft ng World Book.

Noong December 10, 1941, binomba ng mga Hapones ang Maynila.  Kahit kulang sa training at mga gamit, maraming nagnais na ipagtanggol ang bayan.  Akala ng iba “picnic” lang ang digmaan.  Akala rin ng iba, dalawang linggo lamang magtatagal ang digmaan dahil maliliit naman sila at hindi matibay ang mga produktong Hapones.  May mga kabataang nais na pumasok bilang sundalo ngunit pinauwi dahil hindi sila sumapat sa gulang.  Kahit ganoon, marami sa kanila ang nagtuloy at dumiretso sa Bataan.  Panahon ng Kapaskuhan noon ngunit handing lumaban ang mga Lolo at Lola natin na beterano.  Sinalubong ng mga sundalong Pilipino ang malaking pwersang Hapones sa Lingayen, Pangasinan noong December 22 karga ang mahigit kumulang 12 bala bawat isa!  Malakas pala ang mga Hapones!  Kinailangang lumikas!  Lumikas ang pamahalaan ni Quezon at tumungo sa Corregidor, Cavite.  Noong December 26, ipinroklama ni MacArthur ang Maynila bilang “Open City,” ibig sabihin kung sakaling sakupin ng mga Hapones ang Maynila, huwag nang mambomba at walang lalaban sa kanila.  Sa kabila ng proklamasyong ito, binomba pa rin ang Maynila.  Kulit.  Kailangan liwanagin, kahit na ang Pilipinas ay hindi bahagi ng America, lulusubin pa rin ito dahil sa istratehikong lokasyon ng Pilipinas sa puso ng Timog Silangang Asya.  Nilalagay na nila ang Pilipinas sa kanilang mga mapa sa kanilang pagtatatag ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere na may tagline na “Asya Para sa Mga Asyano, Pilipinas Para sa mga Pilipino!”

21 nagtungo sa mga mobilization centers sa simula ng digmaan

Ang kagyat at napakaraming mga tao na nagtungo sa mga mobilization centers sa simula ng digmaan ang nagsasabi na handa talaga ang Pinoy na ipaglaban ang kalayaan kapag tinawagan na ng Inang Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 5 December 2012)

22 ang nagsasabi na handa talaga ang Pinoy

XIAOTIME, 17 October 2012: JOSÉ P. LAUREL, TAKSIL O BAYANI?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 17 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

17 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=uE-vz-f63R4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong araw ng Linggo ang ika-69 na anibersaryo ng proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas at pagtatatag ng Ikalawang Republika sa ilalim ni Pangulong José P. Laurel, October 14, 1943.  Sa isang sentimental na tagpo sa gusali ng lehislatura, itinaas ang bandilang Pilipino nina Hen. Artemio Ricarte at Hen. Emilio Aguinaldo.  Nakilala ang pamahalaang iyon bilang “Papet na Republika” at inakala ng marami na papet rin at sipsip sa mga Hapones si Laurel.  Tinatawag siyang kolaboreytor at taksil ng ibang tao ngayon, wala nang punang hindi karapat-dapat!  Liwanagin natin.  Nang umalis si Pang. Manuel Quezon ng Maynila noong 1941 sa pagdating ng mga Hapones, si Laurel na noon ay mahistrado ng Korte Suprema ang pinagbilinan na maiwan at makipagtulungan sa Hapones upang hindi maging mas masama ang sitwasyon.  Nang buuin ng mga Hapones ang isang kapulungan at siya ang hinalal nilang pangulo, inilipad siya sa Tokyo upang kausapin ng Primer Ministro ng Hapon na si Hideki Tojo upang magdeklara ng “State of War” laban sa Estados Unidos na nangangahulugan na tatawagan ang mga ang mga Pilipino para lumaban sa panig ng mga Hapones laban sa mga Amerikano.  Nagulat si Laurel sa kahilingang ito at napadasal ng “Pater Noster.”  Matapos noon ay sinabi sa pinunong Hapon na hindi niya magagawa ang kahilingan nila sapagkat hindi siya popular na pinuno at walang susunod sa kanya.  Sinabi rin niyang hindi papayag ang mga Pilipino dito dahil hindi magiging maganda para sa kanila na kalabanin ang dati nilang kaibigan.  Matapos ang ilang beses na pangungulit at pag-aalok ng pera para sa itatag na bansa, sumuko si Tojo at tinanong kung ano bang tulong ang kailangan ng mga bisitang Pinoy.  Kahit anong kahilingan.  Sabi ni Laurel, “Isang eroplanong pabalik ng Maynila.”  At binigay nga ito sa kanya.  Matapos ang inagurasyon, pagtungo niya sa Palasyo ng Malacañang, nagpakita ang isang opisyal na Hapones at nagpapakilalang magiging tagapayo siya ni Laurel, sabi ng bagong pangulo ayon kay Dr Ricardo Trota José, “I don’t need an adviser.  I could be your adviser, Kihara, but you cannot be my adviser.  You had better get out!”  Inireklamo niya sa mga heneral na Hapones ang opisyal at hiniling na paalisin ang mga guwardiyang Hapones.  Naging bastion ng republika ang palasyo.  May mga kwento rin na nakikipagpulong mismo si Laurel sa mga gerilya sa mismong palasyo kahit na delikado.  Nang iproklama niya na “a state of war exists,” kinilala niya lang ito at hindi na tinawagan ang mga Pilipino na kumampi sa mga Hapones, imagine baka natulad tayo sa Indonesia na ang daming namatay para sa mga Hapones!  Hindi nagpayaman sa puwesto at kahit sa loob ng palasyo ay kinakain ang pagkain din ng mga mahihirap noong digmaan—mga metal foods, metalbos ng kamote, monggo, tuyo at gulay.  Kahit na pinaratangan siyang kolaboreytor ng mga Amerikano, pinagkatiwalaan siya ng bayan bilang number one senator noong 1951 at isinulong ang Rizal Law kasama ni Sen. Claro Recto, kaya may Rizal course tayo.  Itinatag niya ang Lyceum of the Philippines at namatay noong Nobyembre 1959.  Hindi taksil at hindi lamang pulitiko si José P. Laurel.  Si José P. Laurel ay isang bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 11 October 2012)

Ang pagpapasinaya sa Ikalawang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapones, 14 Oktubre 1943 sa Legislative Bldg. sa Maynila (Larawan mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People).