XIAO TIME, 24 October 2013: MGA INTERPRETASYON NG “PARISIAN LIFE” NI JUAN LUNA Part 1
by xiaochua
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang “Parisian Life” ni Juan Luna. Nasa Koleksyong GSIS sa Pambansang Tipunan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Kuha ni John Ray Ramos.
24 October 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=BCcxiUaXSxk
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! I56 years ago, October 23, 1857, isinilang sa Badoc, Ilocos Norte si Johnny Moon? Huh? Who’s that Pokemon? Hindi ba sikat na restaurant iyon sa Ilocos Norte??? Salin pala ito sa Ingles ng pangalan ni Juan Luna y Novicio, bayani at pintor.
Sa panahon na ang mga indio ay minamaliit ng mga Espanyol bilang mga mababang uri ng tao, ang mga obra ni Juan Luna na tulad ng Spoliarium, La Batalla de Lepanto, at Pacto de Sangre ang nagpakita na maaaring makipagsabayan ang mga indio kung sining ang pag-uusapan.

Pacto de Sangre. Ang modelo para kay Legazpi ay ang bayaw ng pintor na si Trinidad Pardo de Tavera. Si Sikatuna si Jose Rizal. Obra maestra ni Juan Luna.
Kamakailan, noong October 5 lamang, isang naunang bersyon ng kanyang obra maestra na “España y Filipinas” ang nabili sa auction sa Sotheby’s Hongkong sa halagang US$ 3.5 million o PHP 150 million. Ganoon kahalaga ang mga Luna ngayon.

Maagang bersyon ng “España y Filipinas” na nabili sa Sotheby’s sa Hong Kong. Mula sa fb page ni Dr. Ambeth R, Ocampo.
Maaalala na nagkaroon din ng usapin noong Oktubre 2002 nang bilhin ng Government Service Insurance System ang “Parisian Life” ni Juan Luna sa halagang isang milyong dolyar o PHP 46 Million! Marami ang nagprotesta sa sinasabing pagwaldas ng pera ng mga empleyado ng gobyerno nang dahil lamang sa isang painting. Hindi naman daw nakakain ang Juan Luna kahit na ito ay isang asset ng ating kaban ng bayan na hindi bumababa ang halaga, pero mahabang usapin yan.

Ang dating Pangulo ng GSIS WInston Garcia matapos na mabili para sa GSIS ang obra maestrang “Parisian Life” ni Juan Luna. Mula sa Philippine Daily Inquirer.
Nang mapakinggan ko sa mga lektura ni Dr. Eric Zerrudo, dating director ng GSIS Museum of Art nang bilhin ang painting, nakita ko ang halaga ng pagpapakahulugan natin sa kasalukuyan sa sining, kahit na hindi naman talaga ito mga interpretasyon ni Juan Luna. Magagamit pa rin natin ito bilang interesanteng tuntungan sa pagtuturo ng kasaysayan, isang bagong lapit sa pagtuturo ng isang itinuturing na “boring subject.” Ang ehersisyo ay tinawag kong THE JVAN LVNA CODE, parang Da Vinci Code lang ang peg.

Si Xiao Chua at si Dr. Eric Zerrudo, March 9, 2007, History and Destiny Room (Juan Luna Room), GSIS Museo ng Sining.
Ayon kay Zerrudo, may tatlong popular na interpretasyon ang “Parisian Life.” Una ay ang literal na interpretasyon na tinatawag kong kwentong barbero interpretation. May isang coquette o prostitute ang pumasok sa isang kapihan sa Paris na nagpatipo, napansin ng tatlong lalaki na nag-uusap. Sabi ng nasa dulong kanan, “Uy pare, chicks!” Sabi ng nasa gitna, “Pare, pustahan tayo, mamaya kateybol ko na yan!” Tiningnan sila ng ikatlong lalaki at sinabing, “Hindi niyo ba alam na kasama ko na siya kagabi.”
Bagama’t parang kalokohan lang, repleksyon pala ang mga linyang binitawan sa personalidad ng tatlong aktwal na modelo ni Luna sa painting—ang may-ari ng painting Dr. Ariston Bautista Lin, kilalang may hilig sa magaganda, si Juan Luna mismo na kumukuha ng mga prostitute bilang modelo para sa kanyang mga paintings, at siyempre ang pangatlong lalaki, ang bida sa lahat, si Jose Rizal na kilala na international ang taste sa kababaihan.
Ang pangalawang interpretasyon naman ay ang biographical at tragic interpretation ni Santiago Albano-Pilar. 1892 nang ipinta ni Juan Luna ang painting sa Paris, hindi kaya sinasabi ni Juan Luna sa mga kaibigan, “Mga pare, may problema ako, ang asawa ko ay pinaghihinalaan kong may kalaguyong Pranses, si Mssr Dussaq”? Sa taong ding iyon, dahil sa selos, mapapatay ni Juan Luna ang kanyang biyenan at asawa. May pangatlo pang popular na interpretasyon. Abangan bukas. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 12 October 2013)
Reblogged this on myhistoryandpsychology and commented:
Parisian Life is an amazing painting done by Juan Luna. When I heard Mr. Xiao Chua explained the interpretation behind Juan Luna’s painting, way back on my freshman year, I was just succumbed to the ingenuity of such an endeavor.
[…] Credit: [pixshark.com, pixgood.com, silartetaitconte.hautetfort.com, www.artbylt.com, xiaochua.net, stationarypilgrim.wordpress.com, www.gopixpic.com, dt1087.deviantart.com, Featured […]