XIAOTIME, 31 January 2013: JOSEFA LLANES ESCODA AT ANG MGA PASAWAY NA BABAE NOONG DIGMAAN
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 31 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
31 January 2013, Thursday:
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 68 years ago ngayong araw, January 31, 1945, naging martir si Josefa Llanes Escoda sa ilalim ng mga Hapones. Siya ang guro na pangunahing social worker ng kanyang panahon. Itinatag niya ang Girls Scouts of the Philippines noong 1940 at naging pangulo ng Women’s Clubs of the Philippines noong panahon ng digmaan.
Ngunit bakit siya pinatay ng mga Hapones??? Siya kasi at ang kanyang mister na si Col. Antonio Yangzon Escoda ay nagpapasaway sa mga Hapones na pulis na tinatawag na Kempei-tai. Nagpupuslit sila ng mga tulong na salapi, gamot at mga liham sa mga taong sumama sa Death March at sa mga detenido ng mga prisoner-of-war camps ng mga Hapones sa Capas at Cabanatuan.
Nahuli sila ng mga Hapones ilang buwan bago matapos ang digmaan. Ang gerileyero niyang asawa ay tinortyur at binitay noong November 1944. 46 years old lamang si Josefa nang makulong. Sinasabing sa Fort Santiago, sa Lumang Bilibid at sa Far Eastern University. Huli siyang nakitang sumasakay sa isang trak kasama ng iba pang bihag na matindi ang kasalanan sa Hapones. Tatlong araw bago dumating ang mga Amerikano sa Maynila, January 31, 1945, pinaniniwalaang pinugutan siya ng ulo ng mga Hapones sa North Cemetery sa La Loma sa pamamagitan ng katana, ang kanilang espada.

Jose Abad Santos, Vicente Lim at Josefa Llanes Escoda sa ating new generation bills na isanlibong piso.
Dahil sa kanyang dakilang kabayanihan, isinama siya sa tatlong bayani ng digmaan na nasa ating isanlibong perang papel kasama ng gerilyerong si Vicente Lim na pinaniniwalaang pinugutan kasama niya, at si Chief Justice José Abad Santos na pinatay ng mga Hapones sa pagtanggi na makipagtulungan sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay hindi na natagpuan. Kinatawan din ni Josefa Llanes Escoda ang iba’t ibang papel ng babae sa digmaan. Ang 1935 Miss Philippines na si Conchita “Tita Conching” Sunico at Helena Benitez ng Maynila, at Josefa Capistrano ng Mindanao, katulad ni Escoda, ay tumulong sa mga sundalong Pilipino at Amerikano sa pagbibigay ng pagkain at kalinga sa kabila na ito ay ipinagbabawal ng mga Hapones.
Habang ang mga katulad naman nina Magdalena Leones, Remedios Gomez Paraiso alias Commander Liwayway ng Tarlac at Pampanga, Celia Mariano-Pomeroy, Yay Panlilio-Agustin, at si Simeona Punzalan, ang six-footer na babaeng amasona na may alias na Kumander Guerrero.
Ang food technologist na nag-imbento ng banana ketchup na si Maria Orosa ay nag-imbento pa ng pagkain para sa mga bihag at nag-ambag pa sa gawaing gerilya. Maging ang Haponesang nakapangasawa ng Pinoy, na si Masay Masuda Almazan, ay tumulong na mailigtas ang napakaraming buhay mula sa kalupitan ng mga Hapones sa San Narciso, Zambales.
Ang mga pasaway na babae na katulad nila ang nagpapakita na walang pinipiling kasarian ang pagmamahal sa bayan. Mabuhay kayong lahat na mga Lola Beterana!!! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 26 January 2013)