XIAOTIME, 5 December 2012: TUNAY NA SAWSAWANG PINOY
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment last Wednesday, 5 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Maria Y. Orosa, kinikilalang imbentor ng banana ketchup. Sa kanya ipinangalan ang Orosa St. na pumapagitna sa Rizal Park, Luneta sa Maynila. Larawan mula sa dreamcatcherrye.blogspot.com.
5 December 2012, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=OPtdTiaKmEY
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay po ang episode na ito sa ating “Bisig ng Batas,” ang aking kaibigan na si Atty. Jennifer Jimeno Atienza na sa unang linggo pa lamang ng Xiao Time ay itinanong na sa akin, ano nga ba ang tunay na sawsawang Pinoy? Patis ba? Toyo? Bagoong? E nagkalat ito sa ibang bansa. Mayroon na akong kasagutan.
Ayon sa yumaong food historian na si Doreen Fernandez, ang mga inasinan at finerment na mga isda sa mga tapayan o banga ang lumilikha ng sabaw na nagiging maalat na patis, hindi ito malansa, kundi mabango ang amoy nito. Ngunit, nuoc mam rin ito sa Vietnam, nam pla sa Thailand, at petis sa Indonesia! Petis-Patis?
Ang tawag sa mga salitang ganito ay cognates. Ang wika at kultura naman kasi natin sa Southeast Asia ay nagmula sa ating iisang ninuno, ang mga Austronesians! Ang maalat din na toyo naman o soy sauce na gawa sa balatong ay pinaniniwalaang nagmula sa Tsina at Hapon. Sa Pilipinas, kung saan malaganap din ito, tawag ito sa mga weng-weng, “taong nababaliw o mali-mali ang pinag-gagawa.”
Ang maasim na suka naman o vinegar ay malaganap sa buong mundo ngunit sa Pilipinas kadalasan itong gawa sa niyog, tubo at nipa. Pinanggagamot din ito sa lagnat at sakit ng ulo.
Sa aklat na Sucesos de las Islas Filipinas o Events in the Philippine Islands, pinansin ni Dr. Antonio de Morga noong 1609 ang pagkain ng mga indio ng mga isdang sarap na sarap lamang sila kung nabubulok na ito at mabaho. Sabi niya siguro noon “Yuck! So kadiri!” Kaya ilang siglo ang lilipas ipagtatanggol naman tayo ni José Rizal, “Heto na naman ang Espanyol, pinandidirihan ang mga pagkaing hindi nila alam o kinasanayan. Ang isdang binabanggit ni Morga, na hindi masarap kung hindi bulok at mabaho ay ang bagoong, at alam ng mga nakakain at nakatikim na nito na hindi ito at hindi dapat ito bulok.” Kung nais ng sagot para sa sawsawang sa Pilipinas nagmula, pinaniniwalaang bagoong ito. Gawa ito sa mga isda at lamang-dagat na inapak-apakan ng mga mangingisda at pinalo ng mga sagwan matapos noon ay kanilang aasinan upang ma-ferment.
Nang dumating ang mga Amerikano, nahilig din tayo sa tomato ketchup. Ngunit nang sakupin tayo ng mga Hapones noong World War II, nagkaroon ng kakulangan sa suplay nito. Kaya naimbento ng Pinoy ang banana ketchup, at ang unang brand nito ayon kay Dr. Ricardo José ay ang “Mafran.”
Ito ay isang ring orihinal na sawsawang Pinoy na mas matamis pa sa tomato ketchup. Sinasabing ang imbentor ng banana ketchup ay ang food technologist, chemist at pharmacist na si Maria Y. Orosa ng Batangas na sumama sa Marking’s Guerillas at naging kapitan pa, nagpakain ng kanyang imbensyong “magic food” na soyalac sa mga nasa concentration camps. Natamaan siya ng shrapnel ng bomba habang nagtatrabaho sa Bureau of Plant Industry noong Battle for the Liberation of Manila noong 1945. Sa ospital, muli siyang nabomba at tinamaan ng shrapnel sa puso na kanyang dagling ikinamatay. Hindi lang ang talento at masarap na panlasa ng mga Pilipino ang makikita natin sa ating mga sawsawan, nagtataglay din ito ng mga saysay ng kabayanihan ng mga nauna sa atin. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 November 2012)