XIAOTIME, 7 December 2012: ‘Love Story’ ng mag-asawang JUAN LUNA AT PAZ PARDO DE TAVERA
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 7 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

“A Portrait of Paz Pardo de Tavera” ni Juan Luna. Ang misteryosong wangis raw ng asawa ni Juan Luna. Di nga? Ang sinasabing pinakamalas na painting sa kasaysayan ng bansa.
7 December 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=NgkVRQzVbyY
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 126 years ago bukas, December 8, 1886, pista ng Inmaculada Concepcion, nagpakasal ang bayaning pintor na si Juan Luna at si Paz Pardo de Tavera na noon ay 21 years-old lamang.
Ang mga Pardo de Tavera ay prominenteng mga Espanyol sa Pilipinas kaya noong una hindi payag ang ina ni Paz na si Juliana Gorricho na ipakasal ang unica hija sa isang indiong pintor.

Ang tanging larawan ni Rizal na nakangiti ay larawan niya kasama sina Feliz R. Hidalgo, ang pintor, si Nelly Boustead na kanyang niligawan, at ang mga Pardo de Tavera: Katabi ni Nelly si Paz Pardo de Tavera at nakaupo si Juliana Gorricho kalong-kalong ang apong si Andres Luna.
Ngunit ipinakita ni Juan na karapat-dapat siya sa kanyang anak, pumayag na rin ito kalaunan. Nagpulot-gata sila sa Italya at nanirahan matapos nito sa Pransiya. Ang tiyuhin ng sopistikada at outspoken na si Paz ay si Joaquin Pardo de Tavera, na kapatid ng kanyang ina na si Juliana Gorricho. Kapatid niya ang mga doktor at propagandista na sina Trinindad at Felix Pardo de Tavera.
Sa pagdating ng mga Amerikano, si Trinidad Pardo de Tavera ay naging tagapagtaguyod ng Partido Federalista, na nag-adhika ng pagiging estado ng Pilipinas. Sina Luna at Paz ay nagka-anak, si Andres o Luling at si Maria de la Paz o Bibi.

Andres Luna de San Pedro o Luling, obra ni Juan Luna, nasa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Maria de la Paz Luna o Bibi, obra ni Juan Luna, nasa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.
Ngunit si Bibi ay mamamatay wala pa siyang dalawang taong gulang noong 1892. Nalungkot ang mag-asawa. Sa taon ding iyon, nagselos si Juan Luna kaya noong September 23, 1892, binaril ni Juan Luna ang kanyang biyenan at ang kanyang asawa at napatay ang mga ito.
Hanggang ngayon, itinatanggi ng mga Pardo de Tavera na nagtaksil si Paz kay Luna at sa galit ng mga ito sa kanya, ang kanyang mga larawan sa mga photo album nila ay binura ng kulay itim ng pamilya.
Sa Pambansang Sinupan ng Sining, may isang obra si Juan Luna doon na ang pangalan ay, “Portrait of Paz Pardo de Tavera” na nagpapakita ng isang babaeng may hawak na rosaryo at may katabing aklat-dasalan habang nakalitaw ang isa sa kanyang dibdib. Ang painting raw na ito ang sinasabing pinakamalas na pintura sa Pilipinas. Lahat diumano ng nagmay-ari nito nito ay minalas. Ang unang may-ari raw nito na si Manuel Garcia ay nalugi. Si Betty Bantug Benitez naman na siyang nangasiwa sa pagpapatayo ng Manila Film Center at sa nangyaring trahedya ay namatay sa isang aksidente sa auto sa Tagaytay. Si Tony Nazareno naman ay biglaang nagkasakit. Naibenta rin ito kay Imee Marcos na nakunan naman.
Sa katalogo ng Oro-Plata na eksibisyon para sa mga gawa nina Luna at Hidalgo, hindi nakalista sa mga, may-ari si Imee kundi si Gng. Imelda Romualdez Marcos, ang Unang Ginang na napatalsik ng Himagsikang EDSA.

Gobernador Imelda Remedios Visitación Romuáldez Marcos noong Unang Ginang pa ng Pilipinas. Larawan mula sa Marcos Presidential Center.
Ibinigay niya ang obra sa Pambansang Museo. Nang ipahiram ito sa Metropolitan Museum of Manila para sa eksibisyong Oro-Plata, ang bubong sa taas ng obra ay natuluan ng tubig-ulan. Hanggang ngayon, ayon sa mga nakakikita nito sa Pambansang Museo, tila buhay at nangunguasap ang mga mata nito.
Ngunit sa isang artikulo ni Dr. Ambeth Ocampo noon pang 1989, kung titingnan ang mga totoong larawan ni Paz, malayo ang hugis ng mukha nito sa babae sa obra.
Baka kaya ito minalas dahil hindi nga siya si Paz. Dati na itong pinalitan ng pangalan na “Portrait of a Lady” ngunit ngayon, muli itong ibinalik sa dating pangalan nito. Naku! Baka malasin ulit yan haha. Ang kwento ng mag-asawang Luna ay nagtuturo sa atin una, na hindi ka man perpekto maari ka pa ring makatulong sa bayan, at pangalawa, na may malaking bahagi ang hinahon ng loob at lamig ng ulo upang magtagumpay ang isang relasyon. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(McDo Philcoa, 27 November 2012)