XIAOTIME, 2 November 2012: ANG PAGBITAY KAY HERMANO PULE

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment last Friday, 2 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Apolinario de la Cruz a.k.a. Hermano Pule, larawan sa kagandahang loob ni G. Ryan Palad

2 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=4GCg7HOks04&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang episode na ito kay G. Ryan Palad, Direktor ng GSIS Museum at ng Tayabas Studies Center.  171 years ago sa Linggo, November 4, 1841, binitay ng mga Espanyol ang relihiyosong si Apolinario de la Cruz a.k.a Hermano Pule.  Paano nangyari ito?  Si Hermano Pule ay isang lay brother ng Ospital ng San Juan de Dios na nagpakita ng kagustuhan na maging isang pari.

Ospital ng San Juan de Dios sa loob ng Intramuros, ngayon ay nasa sayt ng Lyceum of the Philippines.

Hindi siya pinahintulutan at tinanggal pa sa ospital.  Kaya noong 1832, itinatag niya ang Cofradia de San José, isang “kapatiran” na indio lang ang puwedeng sumali.  Karamihan ng mga kasapi nito ay mga magsasaka at naging alternatibo sa relihiyong Espanyol, na madalas mang-api sa kanila.  Mula sa headquarters nito sa Bundok Banahaw, nagkaroon sila ng malawak na ng kasapian sa Tayabas, Laguna at Batangas.  Sa paglakas ng samahan napraning ang mga Espanyol sa kabila ng paghiling niya na kilalanin ng pamahalaan at simbahan ang kanyang kasapian sa tulong ng Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas na si Domingo Roxas, ang nagtatag ng Roxas y Cia na ngayon ay Ayala Corporation.

Domingo Roxas

Itong si Domingo ay isang pasaway na creole, sinuportahan ang Andres Novales Revolt at sila ni Pule ang dalawa sa unang nagsulong ng nasyunalismo sa Pilipinas, nauna pa kay Rizal!  Ang chaplain o capellan ni Hermano Pule ay pari din ni Roxas!  Noong Oktubre 1841, sinalakay ng mga Espanyol ang Cofradia.  Inipon ni Pule ang apat na libong mga kasapi sa Alitao at matagumpay na nakipaglaban sa mga Espanyol, ngunit nang dumating ang mga reinforcements na Espanyol, walang awa nilang minasaker ang mga matatanda, mga babae at mga bata na kasama nila Pule.  Nahuli si Pule sa Barrio Guibanga at hinatulang mamatay sa Casa Tribunal ng Tayabas.

Casa Tribunal ng Tayabas, pinaglitisan kay Hermano Pule.

Matapos siyang barilin sa edad na 26, ang katawan niya ay kinwarter o pinaghati-hati, inilagay sa mga kawayan at ibinandera sa mga lugar na madaling makita upang maging warning sa mga nag-iisip na mag-alsa.

Quartering, paghahati-hati ng katawan. Paglalarawan ng ginawa sa mga pinuno ng Basi Revolt noong 1807 na ipininta ni Esteban Pichay Villanueva, ngayon ay nakasabit sa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Nakulong naman si Domingo Roxas dahil sa pag-aalsa ni Pule at noong 1843 sumalakay naman ang rehimiyentong Tayabas sa Fort Santiago, sinasabing may kinalaman din siya dito.  Ang kaibigan ni Pule na si Domingo Roxas ay namatay sa Fort Santiago noong 1843, hindi na inabutan ang perdon na naihingi para sa kanya sa Espanya ng kanyang panganay na anak na si Doña Margarita Roxas de Ayala.  Ilang bagay ang ipinapakita sa atin ng pag-aalsa ni Hermano Pule:  Hindi natulog ang mga Pilipino sa dilim ng 333 years na pananakop ng mga Espanyol, isa lang ang pag-aalsa ni Pule sa kulang-kulang 200 pag-aalsa na naganap.  At sa ating mga pakikibaka para sa kalayaan, magmula sa pag-aalsa ng mga babaylan sa Visayas, pag-aalsa ni Pule, sa Katipunan, at sa Rebolusyong EDSA, hindi nawawala ang ating ugaliu na kumapit sa Maykapal upang ipaglaban ang ating bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 25 October 2012)