XIAOTIME, 5 November 2012: CESAR CLIMACO, Isang Makulay na Personalidad sa Ating Makabagong Kasaysayan
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 5 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
5 November 2012, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=4YxTr7vnO6s&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay po ang episode na ito sa isang bagong History organization sa Western Mindanao State University sa Zamboanga City, ang Histourists. Sana huwag kayong magpaawat sa pagtataguyod ng kasaysayan! Tungkol sa bayan ninyo ang episode na ito. Ngayon, wala nang hindi nakakakilala kay Jesse Manalastas Robredo, ang malinis at simpleng dating Secretary ng Department of Interior and Local Government na nag-angat sa Naga upang maging isa sa mga pinakamaunlad na lungsod sa Pilipinas habang nagwawalis mismo ng kalsada at naglalaro ng basketball kasama ng mga kabataan. Para sa kanyang “new brand of leadership that privileges accountability, transparency, effective city management and governance” ginawaran siya ng Ateneo de Zamboanga University noong 2008 ng Mayor Cesar Climaco Award. Cesar Cortez Climaco, huh??? Who’s that Pokemón??? Siya ang maituturing na Jesse Robredo ng kanyang panahon. Si Cesar ay isinilang noong 1916 at nagtapos ng pag-aabogasya sa Unibersidad ng Pilipinas bago magsimula ang digmaan. Habang nag-aaral, umekstra rin na naging janitor ng Court of Appeals. Unang inatasang maging mayor ng Zamboanga City noong 1951 at nahalal ng maraming beses sa iba’t ibang panahon. Sumama siya sa Operation Brotherhood ng Jaycees at tumulong sa mga sinasalanta ng Digmaang Vietnam, naging Komisyunado rin siya ng Customs. Nang ipataw ang Batas Militar noong 1972, nagpatapon ng Amerika at sinabi niya na hindi magpapagupit hangga’t hindi nagtatapos ang diktadurang Marcos, ala Macario Sakay! Bumalik sa Pilipinas noong 1976 at nagbalik bilang alkalde ng Zamboanga noong 1980. Hindi suhol kundi kendi ang bigay niya sa mga bata na sasalubungin siya habang sakay ng kanyang motorsiklo. Laging isinisigaw at kinakanta ng mga bata ang kanyang pangalan. Naging maganda rin ang pakikitungo niya sa mga kapatid nating Muslim. Ngunit tinuligsa niya kawalang aksyon ng mga pulis at militar, may scorecard siya sa labas ng City Hall ng mga hindi nalulutas na krimen at siya mismo ang rumeresponde sa mga mararahas na pangyayari, tinatakot ang mga siga, dinidis-armahan ang mga pulis na natutulog on duty. Pero ayaw niyang magdala ng baril at at mga bodyguard. Sa kabila ng pagiging kritiko niya kay Marcos, naaanyayahan pa siya sa Palasyo sapagkat napapatawa niya ang presidente. Ngunit noong mapaslang ang kaibigan niyang si Ninoy Aquino, nagpatayo siya ng monumento sa pader para dito na may nakalagay na si Ninoy ay pinaslang sa ilalim ng panguluhan ni Ferdinand E. Marcos—Son of Batac (SOB).

Monumento ni Ninoy Aquino na itinatag ni Mayor Cesar Climaco, mula sa mga koleksyon ng larawan ni John L. Shinn, III ng LA Zamboanga Times.
28 years ago sa susunod na linggo, Nobyembre 14, 1984, bago rumisponde sa isang sunog, nakita niya ang ilang kabaong sa isang punerarya at sinabing, “Ireserba niyo ang isa para sa akin.” Sa pook ng sunog, pauwi na si Climaco at sumakay na ng kanyang motorsiklo nang bigla na lamang siyang binaril.

Si Cesar Climaco sa loob ng kanyang kabaong, mula sa mga koleksyon ng larawan ni John L. Shinn, III ng LA Zamboanga Times.
Namatay si Cesar Climaco na naglilingkod sa bayan, inilibing na bayani ng kanyang mga kababayan. Sana hindi natin makalimutan si Cesar Climaco, bayani na, cool pa. “Ai si Cesar, ai si Cesar, ai si Cesar Climaco, maskin byeho pero macho, ai si Cesar Climaco!” Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(North Conserve, DLSU Manila, 29 October 2012)

Nilibing na bayani sa Mayor Climaco, mula sa mga koleksyon ng larawan ni John L. Shinn, III ng LA Zamboanga Times.