KA ERDY

by xiaochua

ALAY SA ISANG DAKILANG PINUNO: Ang may-akda habang nag-aalay ng saludo sa harap ng mga labi ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo Eraño “Ka Erdy” Manalo sa Templo Sentral ng INC, gabi ng 3 Setyembre 2009 (TV grab mula sa Net25 sa kagandahang loob ni Charlemagne John Chua).

Akin muling inilalabas ang sanaysay ko na ito bilang paggunita sa ika-3 taong anibersaryo ng pagpapahayag ng opisyal na kamatayan ng Ka Erdy Manalo isang araw matapos siyang pumanaw noong 31 Agosto 2009:

Pag-uwi ko sa bahay sa hapon ng 1 Setyembre 2009 upang magpahinga, narinig ko sa ulo ng mga balita ng Radyo Patrol Balita ng 4:00 NH  na sumakabilang buhay na ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Eraño “Ka Erdy” G. Manalo noong nakalipas na hapon sa ganap na 3:53 NH sa kanyang tahanan sa Diliman sa edad na 84 sanhi ng cardiopulmunary arrest.  Ang pabatid ay ginawa ng tagapagsalita ng INC, Bienvenido Santiago, “Ikinalulungkot naming ipabatid sa buong Iglesia at sa buong sambayanan na ang tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, ang kapatid na Eraño G. Manalo ay ipinagpahinga na ng Diyos.” Humabol pa sa makasaysayang mga pangayari ng huling araw ng Agosto tulad ng kapanganakan ni Ramon Magsaysay noong 1907 at ng pagkamatay ni Princess Diana noong 1997.

 

Kahit hindi ako kaanib ng kapatiran, binabasa ko na ang kanilang magasin naPasugo bata pa lamang ako sapagkat ang mga pamilya ng mga kapatid ng aking ama ay mga kapanalig ng Iglesia.  Kaya napaigkas ako sa aking pagkakahiga nang marinig ang balita.

Sampung taon bago pa man pumanaw ang tagapagtipon ng INC at itinuturing ng samahan na huling sugo ng Diyos sa mga huling araw na si Felix Ysagun Manalo noong 1963, napili na ang Ka Erdy na tagapagmana ng pamunuan.  Nang humalili siya sa kanyang ama,  maraming kritiko ang nagsabi na hihina na simbahan na pinalago ng Ka Felix sa buong Pilipinas.  Subalit pinatunayan niya ang kanyang kakayahan bilang pinuno dahil lalo lamang naging matatag at prominente ang Iglesia sa kanyang pamamahala.  Noong 1968, pinasinayaan niya ang pinakaunang lokal sa labas ng bansa, sa Honolulu, Hawaii at matapos lamang ang ilang linggo, sa San Francisco, California, ang pinakaunang lokal sa kontinental na Amerika.  Ngayon, dahil sa paglago ng pamayanang Pilipino sa daigdig, 90 dayuhang bansa na ang may lokal ng INC kasama na ang bansang nagbigay sa atin ng Katolisismo, Espanya, at sa mahahalagang lugar sa Kasaysayan ng Kristiyanismo—Roma (1994), Herusalem (1996) at Atenas (1997).

Ang Templo Sentral ng INC sa panahon ng dalamhati (Kuha ni Michael Chua)

Sa bansang ito, ang INC sa kanyang pangangasiwa ay nakapagtatag ng mas marami pang lokal at mga kapilya, maging sa mga pinakamalalayong barangay sa Pilipinas.  Nailipat ang pangasiwaan sa isang malaking lupain sa Diliman, Lungsod Quezon at naipatayo niya ang Central Offices, ang Tabernakulo, ang Pamantasang New Era at noong 1984, matapos ang dalawang taong konstruksyon, ang Templo Sentral.  Nagpatayo rin ng mga pabahay para sa kanilang mahihirap na kapatiran sa iba’t ibang dako, pinakamahalagang banggitin ang Barrio Maligaya, sa Laur, Nueva Ecija.  Dito inilipat ang mga kapatid na umalis sa Hacienda Luisita dahil sa persekusyon noong 1965.  Sa kabila ng iba’t ibang krisis sa bansa, tulad ng diktadura (ayon sa aklat na “The Conjugal Dictatorship” ni Primitivo Mijares, nang ipatupad ang Batas Militar noong madaling araw ng 23 Setyembre 1972, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga gwardiya ng INC sa Diliman at ng mga militar na nagnais ipasara ang Eagle Broadcasting Network—DZEC), at pagkakahati sa mga panahon matapos ang Kapangyarihang Bayan sa EDSA noong 1986 (Noong Abril 2001, ipinaglaban ng mga kasapi ng INC ang pangulong hinalal ng bayan, Joseph Ejercito Estrada noong EDSA 3 at ang Net 25 ang naging tanging istasyon ng telebisyon na patuloy na nagpalabas ng mga pangyayari, subalit bago pa man sumiklab ang karahasan, pinayuhan ng pamamahala ang kanilang mga kaanib na lumisan na sa EDSA), patuloy na naging buo at matatag ang INC at nagpatuloy sa kanilang mga gawain ng paglilingkod sa bayan (sa pamamagitan ng mga misyong medikal at mga pamamahayag, pagiging disiplinado sa pamumuhay ng kapatiran, pagdadamayan sa isa’t isa, at pagtataguyod ng Wikang Pambansa sa pakikipagtalastasan).  Ang doktrina ng kaisahan ng kilos at pasya maging sa pagboto ang nagseguro ng respeto ng mga lider pulitikal sa kapatiran na tinatayang may dalawang milyong kasapi sa Pilipinas.  Lahat ng ito at higit pa sa ilalim ng tahimik, subalit masikan at karismatikong pangangasiwa ni Ka Erdy.  Kamakailan lamang, noong 27 Hulyo 2009, pinangunahan ng kanyang tinig ang pagdiriwang ng ika-95 taon ng Iglesia.  Ang tagumpay ng kanyang pangangasiwa ay konkretong nakaukit sa bato at semento ng bawat kapilya ng INC sa buong Pilipinas.

Kaya naman hindi lubos na maaarok ang naging pagdadalamhati ng kapatiran sa pagpanaw ng kanilang pinuno.  Sa Lungsod ng Tarlac, ang magkakapatid na sina Charley Anthony, Charlotte Anjanette at Charlemagne John Chua at ang kanilang mga pamilya ay nakadama ng matinding kalungkutan at dalamhati nang marinig ang balita.  Nang matanggap ni Prop. Vic Villan ng UP Departamento ng Kasaysayan ang balita sa pamamagitan ng text messaging noong umaga ng 1 Setyembre habang nagkaklase, nagpigil siya na maging emosyunal at ibinaba sa mesa ang kanyang telepono.  At kahit hindi na siya mapakali, ipinagpatuloy niya ang pagtuturo sa klase at pagkatapos nito ay tumungo na agad sa Templo Sentral.  Si Prop. Jaimar Dan C. Orosa ng New Era University ay pumasok sa kanyang silid-aralan kung saan nag-iiyakan ang mga kabataan.  Hindi siya makapagturo sa kalungkutan kaya inudyok niya ang kanyang mga estudyante na isulat na lamang ng kanilang mga naiisip at nadarama sa sandaling iyon at sinabing, “That would be your history!”  Bago pa man dalhin ang mga labi ni Ka Erdy doon, tumungo agad noong 3:00 NH sa Templo Sentral si Carmela Dy, isang kabataan nagtapos sa Pamantasang Miriam, dahil sa lubos na dalamhati.  Ayon sa kanya, balewala ang inip at hirap ng siyam at kalahating oras na pagpila nang makita niya ang mga labi ni Ka Erdy sa loob ng tatlong segundo.  Ilan lamang ito sa milyong kwento ng hapis noong araw na iyon.  Bagama’t kinabiglaan ang balita, tanggap ng mga kaanib ang pamamahinga ng kanilang pinuno.  Binanggit ni Prop. Villan sa kanyang mensahe sa akin, “Nahahapis ang kapatiran pero tinatanggap naming maluwag sa aming loob. Napapagod na rin ang Ka Erdy.”

Noong pangatlong gabi ng lamay, 3 Setyembre 2009, nagtungo ako sa Templo Sentral upang maging bahagi man lang ng istadistika ng nakiramay bilang pakikiisa sa INC sa kanilang pagdadalamhati.  Nang masilayan ko ang labi ni Ka Erdy tinatayang 8:30 NG, ako ay nagbigay ng isang saludo.  Sa aking pananatili ng dalawang oras sa loob ng templo, at ilang oras pa sa labas, nakita ko ang ilang personalidad sa pulitika at showbiz na tumungo noong gabing iyon upang makiramay—sina Sen. Panfilo Lacson, si Alkalde Sonny Belmonte ng Lungsod Quezon, Kalihim Joselito Atienza ng DENR, ang mag-asawang Sen. Francis Pangilinan at Megastar Sharon Cuneta na personal na kaibigan ng pamilya Manalo, magkapatid na mga senador Pia at Alan Peter Cayetano, Amay Bisaya, Konsehal Lou Veloso ng Maynila, Angelica Jones, at dating Gobernador Roberto Pagdanganan ng Bulacan.  Nauna nang bumisita ang pamilya Aquino, dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada, at Pang. Gloria Macapagal-Arroyo mula sa kanyang pagbisita sa Libya. Nakakita rin ako noong gabing iyon ng mga pari mula sa ibang samahang panrelihiyon.  Ang pagpupugay na ito ay tanda ng impak ni Ka Erdie sa labas ng bayang Iglesia. Ngunit walang makahihigit sa tagpo ng marami sa mga kaanib ng INC, bata man o matanda, na masakit na lumuluha sa tuwing masisilayan ang bangkay ng Ka Erdy, matapos ang maraming oras ng disiplinadong pagpila kasama ang libo-libo, kundi man milyong mga kapatid.

Ang may-akda kasama si Prop. Vic Villan sa harapan ng Templo Sentral ng INC (Sariling-kuha ni Michael Chua).

Sa tulong ni Prop. Villan, nakapag-abot rin ako ng aking personal na pakikiramay sa panganay na anak ni Ka Erdy na si Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang inaasahang humalili sa pamumuno ng INC.  Sa aking paglapit, tumayo ang pamilya Manalo at habang kinakamayan si Ka Eduardo ako ay nagpakilala bilang Pangalawang Pangulo ng Philippine Historical Association.  At winika na sa ngalan ng mga historyador nakikiramay ako at nagpapasalamat sa naging ambag ni Ka Erdy hindi lamang sa bayang Iglesia kundi maging sa sambayanan.  Nadama ko ang kanilang dalamhati at ang pakikinig at pagtanggap nila sa aking pakikiramay, nagpigil ako sa pagluha.  Nagpaunlak din siya na pirmahan ang aking magasing Philippines Free Press noong 1 Agosto 2009 na ang pabalat ay ang Ka Erdy.  Sa huli, ipinangako kong susulat ako ng artikulo ukol sa mga ambag ni Ka Erdy at nagtapos sa mga katagang, “Tayo po ay nasa Kasaysayan na!”

Si Ka Erdy ay inilibing noong tanghali ng 7 Setyembre 2009.  Ang araw na iyon ay idineklarang pista opisyal ng pamahalaan, pagkilala sa “ginagalang, huwaran at mapagmalasakit na pinuno,” ayon na rin sa mga pananalitang ginamit ni Prop. Villan.  Dagdag pa niya na simula noon, “mangungulila na kami….  Naghihinagpis kami sa kanyang pagyao.”  Sa mensahe sa akin ni Spyl Balangatan, isang kaibigang kaanib ng INC, “Kung gawi lang ng Ka Erdy ang ginagawa ng ating gobyerno ngayon, sana niluluwalhati rin ang bayan.”

Hindi lang makasaysayan ang Agosto 2009, paalala rin ito na sa pagkamatay nina Cory, Ka Erdy, maging ni Sen. Ted Kennedy ng Estados Unidos, ipinapasa na ng lumang tanod sa bagong henerasyon ang sulô ng pamumuno.  At sa pagpapatuloy ng bagong henerasyon sa pamamayani sa lipunan at kalikasan, nararapat lamang na gawing huwaran ang kanilang ehemplo, mga simpleng mamamayan na may hiraya (imahinasyon at bisyon) na mas malaki kaysa sa kanilang sarili at namuno.  Paalala na tayong lahat ay dapat maging mga pinuno. Ayon nga kay Ninoy Aquino, “We should not depend on one man. We should depend on all of us. All of us are expendable in the cause for freedom, and therefore I say, ‘Stand up now and be a leader, and when all of us are leaders, we will expedite the cause of freedom.’”

7 Setyembre 2009, 8:41 NU, Pook Amorsolo, UP Diliman, Lungsod Quezon