TAGUMPAY: Ang Imahe ng mga Beterano at Bayaning Pilipino noong Digmaang Pasipiko

by xiaochua

Poster na “The Fighting Filipinos” na likha ni Michael Rey Isip na ginamit upang humingi ng suporta para sa mga sundalong Pilipino.

Upang gunitain ang ika-67 taon ng pagsuko ng Hapones na si Hen. Tomoyuki Yamashita sa mga pwersang Pilipino sa USAFIP-Northern Luzon sa Kiangan, Ifugao noong 2 Setyembre 1945 na dapat lamang na ipagdiwang bilang isang special working holiday na tinatawag na VICTORY DAY, aking muling pinapaskil ang script ng aking dokumentaryo ukol sa TAGUMPAY ng Pilipino noong World War II.  Ito ang aking unang dokumentaryo bilang direktor, manunulat at mananalaysay.

Unang ipinalabas sa“Images of Valor and Victory:  A Conference on World War II and Filipino Heroism.”  Isinagawa ng Philippine Historical Association sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, Philippine Veterans Affairs Office at ng Multi-Agency Task Force for the 2010 Observance of Araw ng Kagitingan and Philippine Veterans Week.  Ginanap noong 5 Marso 2010 sa National Defense College of the Philippines Auditorium, Kampo Hen. Emilio Aguinaldo, Lungsod Quezon:

[English translation:  https://xiaochua.wordpress.com/2012/09/02/victory-the-heroic-image-of-philippine-veterans-during-the-pacific-war-english-translation/]

Ang pagsuko ni Hen. Tomoyuki Yamashita sa mga pwersang Pilipino sa Kiangan, Ifugao noong 2 Setyembre 1945, hudyat ng tagumpay ng mga Pilipino sa digmaan (Kuha ni Capt. Morris B. Haskell).

TAGUMPAY:

Ang Imahe ng mga Beterano at Bayaning Pilipino

noong Digmaang Pasipiko

Script na isinulat ni

Michael Charleston “Xiao” B. Chua

Mapapanood sa:  http://www.youtube.com/watch?v=CcEXplOTLrc

SA MATAGAL NA PANAHON NAGING PANANAW NG MGA AKLAT AT BIDYO ANG IMAHE NG KASAWIAN AT KABIGUAN NG MGA PILIPINO NOONG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG.  NA ANG TANGING NAGWASAK SA ATING BAYAN

AY ANG MGA HAPONES, NA ANG TUNAY NA NAGPALAYA SA MGA PILIPINO AY ANG MGA AMERIKANO.  NGUNIT KUNG TITINGNAN ANG KASAYSAYAN SA ATING SARILING PANANAW MAKIKITA ANG TUNAY NA KAGITINGAN AT TAGUMPAY, SA KABILA NG SAKRIPISYO, PAGKAWASAK AT KAMATAYAN, NG BAYANING PILIPINO NOONG DIGMAANG PASIPIKO (1941-1945)

Ang Pilipinas sa pagpasok ng Dekada 1940:

Larawan ng katahimikan sa kabila ng panganib.

Binubuo ang nasyon at estadong Pilipino sa ilalim ng mga Amerikano sa pamamagitan ng sampung taong Komonwelt ng Pilipinas na nagsimula noong 1935.  Si Manuel Luis Quezon ang pangulo.

Habang sa ibang mga bansa sa daigdig, ang banta ng diktadura at pasismo ay umiiral.  Sa Europa, namayani sina Adolf Hitler ng Alemanya at Benito Mussolini ng Italya, habang ang mga Hapones naman ay nasakop na ang Tsina, at naisagawa ang tinaguriang “Rape of Nanking.”

Upang tugunan ang bantang ito, inilabas ang pinakaunang “Commonwealth Act,” na tinawag na Philippines Defense Act.  Tinawagan ang mga mamamayan na magsanay upang ipagtanggol ang bayan sa mga bantang ito.  Sa mga paaralan, ipinatupad ang ROTC.

Sa mga pagsasanay na ito, upang makatipid, gumamit ng mga lumang riple mula pa noong Unang Digmaang Pandaigdig, mga unipormeng surplus ng mga Amerikano (kaya nagging malalaki sa atin), at helmet na gawa sa niyog.

Sa kabila ng mga balakid na ito, ayon sa tagapayo ni Pang. Quezon, ang dating pinuno ng Hukbong Katihang Amerikano na si Hen. Douglas MacArthur, magiging handa ang Pilipinas upang ipagtanggol ang kanilang bansa pagdating ng Abril 1942.

Samantala, bilang paghahanda sa kanilang mithiing “Asya Para sa Mga Asyano,” naging malawakan ang pagtiktik ng mga Hapones sa Pilipinas.  Ang mga Hapones kasi sa mga panahong ito ay namamayani sa mga mahahalagang industriya sa bansa bilang mga hardinero, barbero, tindero, potograpo, atbp.

7 DISYEMBRE 1941, 7:55 NU

Sorpresang sinalakay ng Hukbong Hapones ang base militar ng hukbong dagat ng Estados Unidos sa Pearl Harbor, Hawaii.  Madaling araw ng 8 Disyembre sa Pilipinas.

Nang mabalitaan ang pagsalakay, ayon kay William Manchester, hindi naging mapagpasya ang mga kilos ni MacArthur sa mga mahahalagang unang oras na iyon, na tulad ng iba, ay lubhang nasorpresa.

Buong umaga na lumipad ang mga modernong eroplanong Amerikano sa Clarkfield, Pampanga bilang paghahanda sa pag-atake ng mga Hapones.  Nang bumaba sila upang muling magkarga ng gasolina, sumalakay ang mga Hapones bandang tanghali at nawasak ang lahat ng kanilang mga eroplano.

10 DISYEMBRE 1941

Binomba ang Maynila.

Sa kabila ng kakulangan sa gamit at pagsasanay, at sa pag-aakalang ang digmaan ay isang “picnic,” maraming Pilipino ang nagpatala upang labanan ang mga Hapones at ipagtanggol ang bayan.

Dahil na rin sa kanilang mga produkto at tangkad, minaliit ng mga Pilipino ang mga Hapones at inakalang dalawang linggo lamang magtatagal ang digmaan.

22 DISYEMBRE 1941

12 bala bawat tao ang ibinigay sa mga sundalong haharap sa pwersang Hapones sa Lingayen, Pangasinan.  Sa pagdating ng mas malaking pwersang Hapones, kinailangang umurong ng mga sundalong Pilipino.

Lumikas sina Quezon, MacArthur at ang Pamahalaang Komonwelt patungo sa isla ng Corregidor, Cavite.  Upang hindi mawasak ng pagbomba ng mga Hapones ang Maynila, idineklara ito ni MacArthur na “Open City” noong 26 Disyembre.  Binomba pa rin ito ng mga Hapones.

Nang makita ang lakas ng pwersang Hapones, ipinatupad ni MacArthur ang War Plan Orange 3 noong Enero 1942.  Dito, ang kalat-kalat ng mga pwersang Pilipino-Amerikano sa Luzon ay tinipon upang ipagtanggol ang iisang lugar, ang tangway ng Bataan at ang kalapit na isla ng Corregidor, habang naghihintay ng suportang pagkain, gamot at karagdagang pwersa mula sa pamahalaan ng Estados Unidos.

Sa kabila ng masigasig na pakikipaglaban ng mga Hapones upang makuha ang Bataan, matagumpay itong ipinagtanggol ng mga Pilipino:

LAYAC JUNCTION, 2-6 Enero 1942

ORION-BAGAC LINE

BATTLE OF THE POINTS, 19 Enero – 16 Pebrero 1942

BATTLE OF THE POCKETS, 28 Enero – 17 Pebrero 1942

Maging ang mga Igorot, at ang iba pang mga katutubo, ay sumama sa laban.

Naging mataas ang moral ng mga kawal Pilipino-Amerikano, na umasa sa paparating na suportang Amerikano.  Ang “Voice of Freedom” mula sa Corregidor ang naging tinig ng tagumpay ng mga tagapagtanggol ng Bataan.

Upang sirain ang moral ng mga tagapagtanggol ng Bataan, nagpakalat ng mga propaganda ang mga Hapones upang pasabikin sila na umuwi na lamang at iwan na ang labanan.

Mga larawan ng mga magagandang dilag at ng kanilang mga pamilya ang ipinakita ng mga Hapones.

Nilabanan ito ng mga tagapagtanggol at inalala ang babaeng ginahasa at pinatay ng mga Hapones, “Remember Erlinda”

9 PEBRERO 1942

Matapos ang matinding pagkabigo na gapiin ang Bataan at dahil sa mataas na bilang ng mga namamatay na kawal, umatras ang mga Hapones sa ilalim ni Hen. Masaharu Homma habang naghihintay ng panibagong suporta mula sa Hapon.

Samantala, hawak na ng Hapones ang halos buong Timog Silangang Asya

…MALIBAN SA BATAAN AT CORREGIDOR.

Ayon kay Winston Churchill, Punong Ministro ng Gran Britanya, ang kawal Pilipino ay

THE BEST WARRIOR IN THE WORLD.

Ngunit lingid sa kaalaman ng mga tagapagtanggol ng Bataan, nagpasya na pala si Pang. Franklin Delano Roosevelt na hindi kayang magpokus sa dalawang teatro ng digmaan (sa Atlantiko at Pasipiko) ang mga Amerikano.

Kaya ipinatupad ang War Plan Rainbow 5, na nagtakda na kailangang unahing magapi ang pinakamasamang kalaban.  Sa makatuwid, si Adolf Hitler muna, “Europe First.”

Lahat ng mga tulong-suporta para sa mga tagapagtanggol ng Bataan ay ipinadala na lamang upang tulungan ang mga Europeo at ang mga Briton upang magapi ang Alemanya at Italya.

Sinabi ni Quezon kay MacArthur:

How typically American to anguish over the fate of a distant cousin (Britain) while a daughter (the Philippines) is being raped in the back room.”

Lumisan si Quezon sa Corregidor upang sa Estados Unidos ay patuloy na manungkulan bilang Pangulo ng Komonwelt.

Si MacArthur ay lumisan ng Pilipinas at nangakong, “I SHALL RETURN.”

ABRIL 1942

Nagpanibagong-lakas ang mga Hapones at muling nilusob ang Bataan.  Dahil sa gutom at sakit, madaling nagapi ang tagapagtanggol.

3 ABRIL 1942:  Nakuha ang Bundok Samat.

9 ABRIL 1942

Narinig ang brodkast ng “Voice of Freedom” na binasa ni Norman Reyes at sinulat ni Salvador P. Lopez:

Bataan has fallen, but the spirit that made it stands—a beacon to all the liberty-loving peoples of the world cannot fail.”

Kung hindi raw sumuko ang mga pinunong Amerikano, lalaban ang mga Pilipino hanggang kamatayan.

Tinipon ang mga natitirang 60-70 libong mga kawal Pilipino, at 11,000 mga Amerikano at sa kabila ng pangakong magandang pagtrato, ay pinalakad ng 120 km. mula Mariveles, Bataan patungong San Fernando, Pampanga; isinakay sa masisikip at mababahong tren patungong Capas Tarlac; at muling pinalakad ng 13 km. patungong Kampo O’Donnell.

Ito ang tinawag na “Death March.”

Sa kabila ng walang awang pagpatay ng mga Hapones sa mga sundalong tumatakas o nagpapabagal sa prusisyon, ang mga bayaning sibilyan ay patagong nagpamigay ng tubig, pagkain, at nagpatakas pa sa kabila ng panganib ng kamatayan.

May tagumpay pa rin na natamo ang mga tagapagtanggol ng Bataan:

The end of formal resistance, however, saw the birth of a strong, nationwide, guerilla resistance against the Japanese—a struggle for freedom which sustained the ideals of Filipinos throughout their colonial history.

…the heroic struggle brought out the best in the Filipino character in the face of adversity and served as a beacon to freedom loving peoples everywhere.” –Ricardo Trota Jose

6 MAYO 1942

Matapos ang isang matagumpay na pagsalakay, sa kabila ng halos isang buwan na pakikipaglaban, ang isla ng Corregidor ay bumagsak sa mga Hapones.

Pinakahuli ang Corregidor sa mga bumagsak sa mga Hapones.  Naging inspirasyon ng daigdig ang kagitingan ng mga manananggol upang ipagpatuloy ang laban, “Remember Bataan and Corregidor.”

Sa kabila ng kabiguan, may tagumpay na pamana ang Corregidor sa Kasaysayan ng Digmaang Pasipiko:

The Monkey Point radio intercept station had a very key role in providing intelligence on Japanese naval victories in Coral Sea and Midway… 

 “Had Corregidor fallen sooner, had the intercept station been destroyed, the vital information would not have been relayed.  The victories at Coral Sea and Midway would not have been possible, and the war would have taken a turn for the worse.  Thus was Corregidor’s important role in the Pacific War.” –Ricardo Trota Jose

Marami sa mga sundalo na mula sa Bataan at Corregidor ay nagtipon pa ng mga kasama at lumaban bilang mga gerilyero hanggang matapos ang digmaan.

May mga bayaning Pilipino na hindi nakipagtulungan sa mga Hapones.  Nang mahuli si Punong Mahistrado Jose Abad Santos ng mga Hapones, hindi siya pumayag na makipagtulungan sa mga Hapones.

Nasaksihan ng kanyang anak na si Pepito ang kanyang mga huling sandal.

May mga bayani rin na sinasabing nakipagtulungan sa mga Hapones, itinuring na papet.  Subalit maraming nailigtas na buhay.

Nang lisanin ni Quezon ang Maynila, iniwan niya kay Jose P. Laurel ang bilin na makipagtulungan sa mga Hapones upang maging maayos ang sitwasyon sa Pilipinas.

6 MAYO 1943

Binisita ni Punong Ministro Hideki Tojo ang Maynila.  Tila, “Banzai!”  ang isinisigaw ng maraming Pilipino.  Iyon pala ay “Bangkay!”

1 OKTUBRE 1943

Sa isang pagpupulong sa Tokyo, hiniling ni Ministro Tojo kay Laurel na ideklara na ang pakikidigma ng mga Pilipino laban sa Estados Unidos at mga kakampi.

AV:

Laurel: I, Jose P. Laurel, …do hereby proclaim that a state of war exist between the Republic of the Philippines and the United States of America and Great Britain!”

VO:

It was a shock to all three of us; we did not expect this instruction and we were not prepared to meet it on the spot.  I silently prayed and said the Pater Noster.

“…I got up to say as politely as I could that I could not comply with the request.  I said that my people would not approve of it; that I could not carry them; that I have never been a popular leader;

…that even if I should be willing to do what they wanted me to do would be a leader without following because the Filipinos were opposed to such a step; and that it would not be ‘decent’ for the Filipinos to declare war against the United States that was their benefactor and ally and that only unworthy people could be expected to do that.” – Jose P. Laurel

He then offered the party sums of money ‘necessary for the achievement of independence.’  Laurel turned down the offer.  Tojo, again unprepared for rejection, told Laurel that he was ready to assist them in any way.  Laurel asked for an airplane to take them home.  Tojo gave it to them.” – Ricardo Trota Jose

Nang siya ay maupo bilang pangulo, kanya lamang kinilala na mayroon nang digmaan sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at Estados Unidos.  Hindi katulad sa Indonesia, kung saan maraming Indones ang namatay sa iba’t ibang bansa para sa mga Hapones, walang ginawa si Laurel upang magpatala ng mga Pilipino upang lumaban para sa mga Hapones.

14 OKTUBRE 1943—Idineklara ng mga Hapones ang Kasarinlan ng mga Pilipino.  Itinaas nina Hen. Artemio Ricarte at Hen. Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas sa Legislative Building.

Kihara Jitaro appeared at Malacañang, stating that he was to be Laurel’s adviser.  Laurel told him:  ‘I don’t need an adviser.  I could be your adviser, Kihara, but you cannot be my adviser.  You had better get out!’

When Kihara refused, Laurel saw General Kuroda about this and also complained about the Japanese guards.  Malacañang became the bastion of the Philippine Republic.” – Ricardo Trota Jose

Ayon pa sa kwento ng mga gerilyero, mismong si Laurel ang nakikipagkita sa kanila sa pangpang ng Ilog Pasig sa Palasyo ng Malacañang!

Sa kabila ng bangis ng mga pagpaparusa at pagpatay ng mga Hapones, marami nailigtas na mga buhay dahil sa kanyang pakikisangkot.

Matapos ang pinakamalaking digmaang pandagat sa Kasaysayan ng Daigdig, nagapi ng mga Amerikano ang mga Hapones at muling nakadaong si MacArthur sa Red Beach, Palo, Leyte noong 20 Oktubre 1944 kasama ang bagong pangulo ng Komonwelt Sergio Osmeña, at si Hen. Carlos P. Romulo.

Sa pagdaong ng hukbo ni MacArthur sa Lingayen, Pangasinan noong Enero 1945, inihanda ang muling pagbawi sa Lungsod ng Maynila.

3 PEBRERO 1945

Nakapasok ang mga Amerikano sa Maynila at noong gabi ay kagyat na napalaya ang civilian internment camp sa Unibersidad ng Sto. Tomas nang hindi masyadong manlaban ang mga bantay na karamihan ay taga-Formosa na nasa ilalim ng opisyal na Hapones.

Noong araw na iyon ng pagpasok ng mga Amerikano, may pagkakahati nang naganap sa Hukbong Hapones.  Inatasan na ni Heneral Tomoyuki Yamashita (14th Area Army), Pangkalahatang Tagapamuno ng Lahat ng Hukbong Hapones sa Pilipinas, na lumisan ang mga Hapones sa Maynila at tumungo sa kabundukan upang doon na lamang ipagpatuloy ang pakikibaka.

Ang Hukbong Katihan (army) ay lumilisan na noon palayo ng Maynila.

Samantala, hindi sumang-ayon sa pag-alis si Rear Admiral Sanji Iwabuchi ng Manila Naval Defence Force na naniwalang kaya pa niyang ipagtanggol ang Maynila.  Dali-daling pinakalat ni Iwabuchi ang 17,000 mga kawal mula sa Hukbong Pandagat, na walang kasanayan sa pakikipagdigma sa lupa.

Nahirapan ang mga Amerikano na makausad patimog sapagkat lahat ng mga tulay ay pinabagsak na mismo ng mga Hapones.

23-25 PEBRERO 1945

Pagbomba sa pamamagitan ng artillery shelling at pagsalakay ang naging taktika ng mga Amerikano sa pagkubkob ng Intramuros sapagkat tumanggi si MacArthur na aerial bombardment ang gamitin upang mabawasan ang pagkawasak na idudulot nito sa lungsod.  Sa huling araw, napasakamay ng mga Amerikano ang Fort Santiago.

26-28 PEBRERO 1945

Naaagaw mula sa mga Hapones ang mga gusaling Legislative at Agriculture.

3 MARSO 1945—Sa pagsuko ng mga nalalabing mga sundalong Hapones sa gusali ng Finance, “napalaya” ang Maynila.

Ang halaga ng “Liberasyon” ng Maynila:

16,665 mula sa Hukbong Hapones

1,010 mula sa Hukbong Amerikano

100,000 MGA SIBILYAN.

Ang lubos na nagbaka ng kasawian ay ang mga Manileño, bunga ng walang habas na pagbomba ng mga Amerikano subalit mas marami dito ay idinulot ng mga Hapones na sistematikong nangmasaker ng mga sibilyan sa isang buwan na iyon.  Pinaniniwalaang may basbas ng Tokyo.

Ang Maynila ang naging IKALAWANG PINAKAGUMUHONG “ALLIED” NA LUNGSOD SA DAIGDIG, pangalawa lamang sa Warsaw, Poland.  Isang buwan kung kailan nagahasa ang Maynila ng brutalidad ng mga Amerikano at mga Hapones.

Ayon sa mga historyador, hindi lamang mga Amerikano ang nagpalaya ng bayan, kundi ang mga gerilyero at beteranong Pilipino sa buong bansa:

In fact, by the time ‘liberation day’ came in October 1944, large parts of the archipelago had already been cleared of Japanese, thus making the American efforts less costly.  And yet, the contribution of the Filipino to the war has not been justly recognized.” –Samuel K. Tan

Ibinalik ng mga Amerikano ang Kasarinlan ng Pilipinas noong 4 Hulyo 1946.

Muling itinatag ng mga Pilipino ang kanilang bansa tungo sa minimithing kaginhawaan ng lahat.

At matapos ang kalahating siglo:  Ang mga bakas ng kagitingan at tagumpay na iniwan sa iba’t ibang pook sa buong Pilipinas…Sa pangangalaga ng pribadong sektor at ng pamahalaan …patuloy sana nating ingatan at pahalagahan…

Ang mga bayaning beterano at mga kawal …patuloy sana nating alagaan.

Sapagkat nang tawagan sila upang ipagtanggol tayo, hindi sila umurong at umuwi sa kanilang tahanan, bagkus sila ay nahirapan, marami ang namatay, hindi para sa kanilang sarili, kundi para sa kanilang mga anak at kanilang mga apo.

Dahil sa kanila, kaya ka nabubuhay ngayon.  Bilang pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo NASA SA ATIN ANG PAGPAPATULOY NG KABAYANIHAN.

PILIPINONG KONSEPTO NG BAYANI:

Isang nagkukusang makipagtulungan nang walang anumang bayad sa mga gawaing pangkomunidad.”—Zeus A. Salazar

IKAW YON, PINOY!

Credits:

MULTI-AGENCY TASK FORCE FOR THE

2010 OBSERVANCE OF ARAW NG KAGITINGAN

AND PHILIPPINE VETERANS’ WEEK

KAGAWARAN NG TANGGULANG PAMBANSA

PHILIPPINE VETERANS AFFAIRS OFFICE

PHILIPPINE HISTORICAL ASSOCIATION

at ng

UNIBERSIDAD NG SANTO TOMAS

(mga prodyuser)

Sa panulat, pagsasalaysay at direksyon ni

MICHAEL CHARLESTON B. CHUA

Video Editing

IRINEO HERNANDEZ III

Direktor ng Produksyon

ROMMEL RIVERA

Creative Consultants

DR. EVELYN A. SONGCO, Ph.D.

Pangulo, Philippine Historical Association

ASSOC. PROF. NINIA I. CALACA

Direktor, UST Educational Technology Center

Post Production

EDUCATIONAL TECHNOLOGY CENTER

University of Santo Tomas

Iniaalay sa lahat ng mga Beteranong Pilipino sa lahat ng digmaan

At kay Dr. Ricardo Trota José, kung kanino utang ng sambayanan ang pagpapanatiling buhay ng kanilang mga kwento