IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: fqs

PARA SA BAYAN: Sino si Isko/Iska? (Mula kay 2001-59378)

Reaksyon sa pag-aaral na Sino Si Isko/Iska?:  A Descriptive Study on the Self-Assesment of UP Diliman Students na binigkas sa Alternative Classroom Learning Experience ng UP Communication Research Society, Palma Hall 228A, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon, 14 Agosto 2008:

Pagbati sa isang napapanahong pag-aaral lalo na’t panahon ng Sentenaryo ng Unibersidad ng Pilipinas.  Pinapakita nito ang positibong pagtanaw sa sarili ng mga mag-aaral ng pangunahing pamantasan sa Pilipinas.

UP ANG GALING MO:  Si Xiao Chua kasama ang mga dakilang makata na sina Joey Baquiran at Vim Nadera at mga kasama sa UP Sentro ng Malikhaing Pagsulat noong araw ng pagdiriwang ng ika-100 taon ng UP, June 18, 2008, kakapatalsik ko lang sa UP bilang guro noon.  Mula sa Koleksyong Vim Nadera.

UP ANG GALING MO: Si Xiao Chua kasama ang mga dakilang makata na sina Joey Baquiran at Vim Nadera at mga kasama sa UP Sentro ng Malikhaing Pagsulat noong araw ng pagdiriwang ng ika-100 taon ng UP, June 18, 2008, kakapatalsik ko lang sa UP bilang guro noon. Mula sa Koleksyong Vim Nadera.

Bilang pagsusog sa inyong mga nasumpungan sa pag-aaral, nais kong magmungkahi ng isang uri ng pagtingin upang malaman ang mentalité ng mga mag-aaral ng UP.

Nakita natin sa mga akda nina Reynaldo Clemeña Ileto at ni Teresita Gimenez Maceda na maaring masalamin ang kaisipan ng mamamayan sa kulturang popular/bayan.[1]  Kung iipunin ang mga text messages na ipinapakalat ng mga UP students, makikita ang kanilang pagtataya sa sarili.  Ilang halimbawa:

_naked man _brilliant students _brain-whacking terms _liberal culture _lyf long pride _rushing l8 nyt wrk _ugly eye-bags _notorious professors _hell weeks _toxic lifestyles _constant lack of sleep _nose-bleed final exams _heart-stopping results _die-hard friendships

Pipol call it “University of the Philippines”…we call it life… ö[2]

Presenting the universities in the country!

  1. 1.    UP – University of the Philippines
  2. 2.    PNU – Para Ngang UP
  3. 3.    UST – UP Sana Tayo!
  4. 4.    ADMU – Ayaw Daw Mag-UP
  5. 5.    DLSU – Di Lumusot Sa UPCAT
  6. 6.    FEU – Failed To Enter UP
  7. 7.    MAPUA – Meron Akong Panaginip, UP ako
  8. 8.    SLU – Sana Lang UP
  9. 9.    CEU – Cannot Enter UP

10. PUP – Pekeng UP hehe

11. NU – Negative sa UPCAT

12. St. Paul – Sana Talaga Pumasa Ako ng UPCAT, Lord

Happy UP Centennial![3]

Quote of the day:  You can’t spell S__ERIOR without UP. :-* Oo nga naman. :-p Hahaha.[4]

Sa tatlong halimbawa, makikita na hindi lang magandang pananaw sa sarili kung hindi yabang mayroon ang mga taga-UP, na umaabot pa sa pagbubukod nito sa sarili na makikita sa ekspresyong, “UP and Others.”

Kung babasahin naman ang mga akda ukol sa Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas,[5] makikita naman ang paglalakbay ng mga mag-aaral ng UP mula sa kolonyal na edukasyon tungo sa pagbabalik sa bayan.  Mula kolonyal na pamantasan tungo sa pagiging Unibersidad para sa mga Pilipino.

Ang konteksto ng pagsilang ng pamantasan noong ika-18 ng Hunyo, 1908 ay ang pagpapatatag ng imahe ng Estados Unidos bilang daluyan ng ginhawa ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pampublikong edukasyon:

The government of the Philippine Islands through the University undertakes to furnish to everyone who desires it in various branches …a Liberal Education and also in the technical branches of medicine, engineering, agriculture, law, pharmacy, commerce, economics and art.  It also aims to produce… scholars and to do its share in contributing to the advancement of knowledge.[6]

Maglikha ng mga iskolar sa kanilang wangis, ito ang tunguhin ng kolonisasyon.  Ngunit, in fairness sa unang pangulo nito na si Murray S. Bartlett, nakita na niya na hindi maaaring maging kopya lamang sa Amerika ang UP, kundi dapat itong mag-ugat sa bayan:

This university should not be a reproduction of the American University.  If it is to blossom into real fruit, it must grow on Philippine soil.  It must not be transplanted from foreign shores.  It can serve the world best by serving best the Filipino.[7]

Pangulo ng UP Murray S. Bartlett.  Mula sa At the Helm of UP.

Pangulo ng UP Murray S. Bartlett. Mula sa At the Helm of UP.

At iyon na nga ang ginawa ng mga taga-UP mula noon.  Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga estudyante ng UP ay nakipaglaban sa mga Hapones, kabilang ang mga kasapi ng UP Vanguard.  Nanatili rin ang mga doktor ng UP sa kabila ng panganib noong Liberasyon ng Maynila noong 1945, patuloy na ginagamot ang mga maysakit.

Ang campus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Padre Faura noong panahon ng mga Amerikano.  Mula sa Philippine Picture Postcards:  1900-1920.

Ang campus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Padre Faura noong panahon ng mga Amerikano. Mula sa Philippine Picture Postcards: 1900-1920.

Ang mga guho ng UP Manila matapos ang digmaan.

Ang mga guho ng UP Manila matapos ang digmaan.

Kabilang ang mga taga-UP sa pandaigdigang pagkilos ng mga kabataan na humihiling na pagbabago sa lipunan noong Dekada 60.  Kasabay ng pagkakalimbag ng aklat ng dalawang guro sa UP Departamento ng Kasaysayan, Teodoro Agoncillo at Oscar Alfonso, na History of the Filipino People noong 1967 na ibinabalik ang pokus ng pag-aaral ng kasaysayan sa tao,[8] ang radikalisasyon ng mga kabataang aktibista sa mga pamantasan kung saan magmumula ang mga naging pinuno ng armadong pakikibaka.  Naging malaganap sa mga estudyante at gabay sa mga aktibista ang Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero noong 1970, na isinulat ng isang instruktor sa Ingles na nagngangalang José Ma. Sison.  Naganap din ang Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 at Diliman Commune noong 1971.  Sa kabila ng pagtatangkang supilin ang pagkilos na ito ng kabataan nang ipataw ni Pang. Ferdinand Marcos (UP Alumnus) ang Batas Militar noong 1972, patuloy ang pagkilos ng mga taga-UP.  Higit isang buwan lamang ang makakaraan, sa pagbubukas ng klase, magkakaroon ng mga pagkilos tulad ng pag-awit at noise barrage sa mga kantina at pambublikong lugar sa UP Diliman.

Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero, a.k.a. Jose Maria Sison.  Mula sa Aklatang Xiao Chua.

Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero, a.k.a. Jose Maria Sison. Mula sa Aklatang Xiao Chua.

Ikalawang edisyon ng History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo kasama si Oscar Alfonso.  Mula sa Aklatang Xiao Chua.

Ikalawang edisyon ng History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo kasama si Oscar Alfonso. Mula sa Aklatang Xiao Chua.

Pagbarikada sa University Avenue malapit sa Checkpoint (Gateway to the University ni Napoleon Abueva).  Ngayon, sa gitna ng kalsada may marker para sa Diliman Commune.  Mula kay Susan Quimpo.

Pagbarikada sa University Avenue malapit sa Checkpoint (Gateway to the University ni Napoleon Abueva). Ngayon, sa gitna ng kalsada may marker para sa Diliman Commune. Mula kay Susan Quimpo.

Nang maging patnugot ng Philippine Collegian si Abraham ”Ditto” Sarmiento, Jr. noong 1975, pinasikat niya ang ekspresyong  “ Kung di tayo kikibo, sino ang kikibo?  Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos?  Kung hindi ngayon, kalian pa?”[9]  Sinasabing ito ang naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto na nagbunsod sa kanyang maagang kamatayan.[10]  Isa pang naging prominenteng lider-estudyante na si Leandro Alejandro ang naging martir noong Dekada 80, sa matinding biro ng panahon, nakaligtas sa diktadura pero hindi sa bagong demokrasya.[11]

Mula sa Bantayog ng mga Bayani.

Mula sa Bantayog ng mga Bayani.

Mula sa Koleksyong Dante Ambrosio sa Aklatang Xiao Chua.

Mula sa Koleksyong Dante Ambrosio sa Aklatang Xiao Chua.

Lean Alejandro, UP student leader and martyr.  Photo by Kim Komenich.

Lean Alejandro, UP student leader and martyr. Photo by Kim Komenich.

Nagtanong ang ilang nasa akademya ng Agham Panlipunan ng UP, “Para kanino ba ang aming ginagawa?”  At umusbong ang Sikolohiyang Pilipino na pinasimulan ni Virgilio Enriquez, Pilipinolohiya na pinasimulan ni Prospero Covar, at Pantayong Pananaw na pinasimulan ni Zeus Salazar, na nag-aadhika ng maka-Pilipinong pananaw sa akademya.[12]  Sa kabila ng paglaganap nito sa loob at labas ng pamantasan, marami pa rin sa UP ang tumutuligsa at ayaw tanggapin ang mga pagtatangkang ito.

Xiao Chua kasama sina Dr. Prospero Covar at Dr. Zeus A. Salazar, February 13, 2008, Faculty Lounge, Facultu Center, Bulwagang Rizal, UP Diliman.  Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Xiao Chua kasama sina Dr. Prospero Covar at Dr. Zeus A. Salazar, February 13, 2008, Faculty Lounge, Facultu Center, Bulwagang Rizal, UP Diliman. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Kahit sa kasuotan sa graduation, mula sa toga, ninais nating isuot ang mas katutubong sablay mula sa Iloilo katuwang ng barong tagalog at ng saya noong Dekada 1990.

Ito si Iskolar ng Bayan.  Mukhang may karapatan namang magyabang.

Ang mga "sablay" na estudyante ng UP.  Mula sa katalogo ng Unibersidad ng Pilipinas.

Ang mga “sablay” na estudyante ng UP. Mula sa katalogo ng Unibersidad ng Pilipinas.

Sa kabila nito, bakit marami ang nagsasabi na apathetic o walang pakialam na sa bayan ang mga taga-UP?  Kumonti na raw ang mga nagpo-protesta.  May mga nagsasabi rin na ang UP ang breeding ground ng mga trapo. Marami na ring taga-UP na nasa pamahalaan, pero bakit ngayon, ganito  pa rin ang bayan natin?

Hindi kaya napasok na rin ang UP ng mga may masamang loob at pangit na kaluluwa, na sa kanilang pagiging makasarili at sakim ay nagtatanggal pa ng walang katwiran sa mga taong nais manatili sa unibersidad, at masakrispisyo ang mas pangmatagalang interes ng unibersidad, sa harap ng katotohanang may ilang guro na nais nang umalis dahil mas maginhawa ang magiging buhay nila sa ibang unibersidad?  Hindi kaya labis ang paghingi natin ng kalidad ng pagtuturo, lathalain at asal sa mga nakababatang guro (ayon kay Vicente Rafael ay over-professionalization) gayong hindi natin ito hinihingi sa mas nakatatandang guro dahil sa sila ay may tenyur na!

Hindi kaya may epekto ang pagkakatanggal ng Kasaysayan 1 subject sa mga dapat kunin ng mga estudyante dahil sa Revitalized General Education Program.

Hindi kaya dahil sa pagtaas ng tuition fee noong 2007, at ang pagbagsak ng bilang ng mga nag-enroll, kakaunti na lamang ang mga mahihirap na nasa UP at ang mga maykaya na lamang ang tumuloy?

Hindi kaya tulad ng estado na may pagka-schizophrenic (global o pambansang interes ang susundin), gayon din ang ating pamantasan.  Hindi pa ganap na laganap ang pagtuturo ng mga kurso sa wikang Filipino.  Patuloy na nakatali ang marami sa akademya sa kaisipang banyaga na hindi man lamang inaangkop sa karanasang Pilipino.  Mas binibigyan ng kahalagahan ang mga akdang nailathala sa mga pandaigdigang jornal gayong nararapat lamang na bigyan din natin ng pansin ang mga akdang isinulat para sa ating sariling kababayan (Sinasabi ng ilan na ang dayuhang rating ng mga pamantasan sa daigdig kung saan bumaba ang ating ranggo ay sukatan lamang ng pandaigdigang persepsyon at dahil dito ay mayroong alas ang mga Ingleserong pamantasan).

Salamain nito ang katatapos lamang na pagtatanghal ng Pamantasang Hirang noong Sentenaryo ng UP noong ika-18 hanggang ika-20 ng Hunyo 2008.   Climax ang pagpapasa ng pagbubuo ng bansa sa susunod na henerasyon sa pamamagitan ng tula ni Bienvenido Lumbera sa wikang Filipino, ngunit tinapos ito sa awiting Next In Line.[13]

Hindi kaya kulang pang maging iskolar lamang ng bayan.  Ayon kay Prop. Patricio Abinales:

Ayon sa ilang nasa UP, tila inaangkin na ngayon ng mga batang Stalinista ang pariralang [Iskolar ng Bayan].  Kung tutuusin, hindi radikal ang may-akda nito kundi si Ditto Sarmiento, Punong Patnugot ng Philippine Collegian noong bandang 1976 na isang kilalang liberal.  Sinakyan lamang ito ng mga aktibista noong naging tanyag na ito.  Mukhang ang pag-ako ng mga Stalinista sa iskolar ng bayan ay isang resulta rin ng away ng Kaliwa noong 1992.  May bagong islogan na ipinahiwatig ang mga anti-Stalinista, ang iskolar para sa bayan.  Sa tingin ko, mas ‘politically correct’ ito: dapat lamang igiit o salungguhitan ang paglilingkod (iskolar para sa bayan), hindi iyong mensahe lamang na pinag-aaral ka ng bayan (iskolar ng bayan), na nagkukumpirma lamang sa obhektibong katayuan ng mga estudyante bilang isang parasitikong sektor.[14]

Tinuruan ako ng pamantasan na magtanong?  Nagtatanong lamang po ang isang kapwa niyo estudyante ng UP…

Sa aking pananaw, marami naman sa mga estudyante ng UP, anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan, ay patuloy na nagnanais na magbahagi sa pagbubuo ng bayan.  Alam nila na hindi lamang mga magulang nila ang nagpapaaral sa kanila, kundi ang mga nagbabayad ng buwis at VAT tulad ng mga manggagawa, manininda ng pisbol, drayber, janitor, atbp.  Ang direktang nagpapaaral sa kanila ay ang sambayanan.  Ang pagiging mulat sa isyu ay ang unang hakbang sa pagkilos, na hindi na lamang nila nililimita sa pagmamartsa, bagama’t mahalagang bahagi pa rin ito ng pakikibaka.  Makikita ang pagsabog ng partisipasyon ng mga taga-UP sa mga blogs at fora na hindi lamang nagnanais na magpahayag, kundi alisin at hablutin ang mga takip-matang pilit na lumalambong sa ating mga kaisipan.[15]  Sa kanilang pakikisangkot sa konsultasyon sa pamahalaan.

Hindi lamang positibong pagtanaw mayroon dapat ang taga-UP.  Alam dapat niyang hindi ito sapat.  Patuloy siyang kumikilos sa anumang paraang kaya niya para sa bayan sapagkat alam niyang hindi pa tapos ang sinimulan na at patuloy na gawain sa pagpapatatag ng bansa tungo sa tunay na kaginhawaan para sa lahat ng mamamayang Pilipino.  Ayon kay Andres Bonifacio, maipapakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagsisipag, “Ang kasipagan sa paghahanap buhay ay pagmamahal din sa sarili, sa asawa, sa anak at kapatid o kababayan.”[16]  Ang pag-aaral ng mabuti at hindi pagsasayang ng pera ng sambayanan ay isa nang hakbang ng pagmamahal sa bayan.  Kaya tayo nasa pamantasan para mag-aral, tapos ay kumilos.  Ang diwa ng UP ay ang pagiging da best.

Sino si Isko?  Da best.  Para sa bayan.


[1]               Reynaldo C. Ileto, Pasyon and Revolution, Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Pamantasang Ateneo de Manila, 1979); at Teresita G. Maceda, Mga Tinig Mula sa Ibaba:  Kasaysayan ng Partido Komunista at Partido Sosialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955 (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1996.

[2]               Tinanggap mula kay Rani Parangan, 2 Nobyembre 2007, 21:00:22.

[3]               Tinanggap mula kay Dr. Maria Luisa Bolinao at Janina Santos, Agosto 2007.

[4]               Tinanggap mula kay Janina Santos, 10 Agosto 2008, 21:18:59.  Nang ipasa ko it okay Prop. Benjamin Mangubat ng UP Maynila nasabi niya “I chk d dictionary n my golly ur ryt!” (16 Agosto 2008, 08:12:53), at idinagdag, “A suppository can’t also b had f UP isnt around.  Mabuhay!” (16 Agosto 2008, 08:23:41) Ibinalita sa akin ni Prop. Victor Immanuel Carmelo “Vim” D. Nadera, Jr. na nang maipasa ang mensahe sa Pang. Emerlinda Roman nasabi niya, “That’s witty!” (16 Agosto 2008, 21:44:05)

[5]               Oscar M. Alfonso, ed, The University of the Philippines—The First 75 Years (1908-1983) (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1983); Gloria D. Feliciano, ed, The University of the Philippines:  A University for Filipinos (Kalakhang Maynila:  Kyodo Printing Co., 1984); Belinda A. Aquino, ed, The University Experience:  Essays on the 82nd Anniversary of the University of the Philippines (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1991); at Cristino Jamias, The University of the Philippines, the First Half Century (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1962).

[6]               “University of the Philippines Bulletin No. 1 Catalogue 1910-1911” (Manila:  Bureau of Printing).

[7]               “The Role of the University:  Quotes from the UP Presidents” sa Belinda A. Aquino, ed, The University Experience:  Essays on the 82nd Anniversary of the University of the Philippines (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1991), 198.

[8]               Teodoro A. Agoncillo at Oscar M. Alfonso, History of the Filipino People (Lungsod Quezon:  Malaya Books, 1967).

[9]               “Uphold Campus Press Freedom!” Pangulong Tudling ng Philippine Collegian, ika-12 ng Enero, 1976.

[10]             Domini M. Torrevillas, “Abraham Sarmiento, Jr.:  Vanguard of Campus Press Freedom,” sa Asuncion David Maramba, ed, Six Young Filipino Martyrs (Lungsod ng Pasig:  Anvil Publishing Inc, 1997), 228-276.

[11]             Marotes Danguilan Vitug, “Lean Alejandro:  Thinker, Activist,” sa Asuncion David Maramba, ed, Six Young Filipino Martyrs (Lungsod ng Pasig:  Anvil Publishing Inc, 1997), xvi-41.

[12]             Atoy M. Navarro at Flordeliza Lagbao-Bolante, eds, Mga Babasahin sa Agham Panlipunang Pilipino:  Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya at Pantayong Pananaw (Lungsod Quezon:  C&E Publishing, Inc., 2007); at Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez (Tatel) at Vicente Villan, Pantayong Pananaw:  Ugat at Kabuluhan (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 2000).

[13]             “Pamantasang Hirang The Centennial Concert:  100 Years of Excellence, Leadership and Service,” ika-18 hanggang ika-20 ng Hunyo, 2008, Pangunahing Teatro ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

[14]             Patricio N. Abinales, “Paunang Salita” sa Atoy M. Navarro, Alvin D. Campomanes, John Lee P. Candelaria, eds, Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan (Lungsod Quezon:  UP Lipunang Pangkasaysayan, 2008), vii.

[15]             Tingnan ang mga talaban ng iba’t ibang pananaw ng mga estudyante ng UP ukol sa iba’t ibang isyu sa Peyups.com.

[16]             Andres Bonifacio, “Katungkulang Gagawin ng mga Z.Ll.B.” (Dekalogo ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan) sa Teodoro A. Agoncillo at S.V. Epistola, eds, The Trial and Writings of Andres Bonifacio (Maynila:  Manila Bonifacio Centennial Commission at ng Unibersidad ng Pilipinas, 1963)

XIAOTIME, 1 February 2013: DILIMAN COMMUNE

Mga tagpo ng konprontasyon sa pagitan ng mga pulis at raliyista noong Diliman Commune sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas, February 1, 1970.  Mula kay Susan Quimpo.

Mga tagpo ng konprontasyon sa pagitan ng mga pulis at raliyista noong Diliman Commune sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas, February 1, 1970. Mula kay Susan Quimpo.

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 1 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

1 February 2013, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=P7dNjBga2WI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang aking mga tito at tita, sina Gavino Jr. at Mercy Manlutac ng Balibago Primero, Tarlac City.  Sa kanilang sabay na birthday at sa anibersaryo ng kasal nila noong 1976 sa parehong araw na ito, February 1.

Xiao BrionesChua kasama si Tita Mercy Briones-Manlutac at Uncle Jun Manlutac, mag-asawang may parehong birthday at anibersaryo ng kasal, February 1.

Xiao BrionesChua kasama si Tita Mercy Briones-Manlutac at Uncle Jun Manlutac, mag-asawang may parehong birthday at anibersaryo ng kasal, February 1.

Parehong simpleng kawani ng pamahalaan ang dalawa, si Uncle Jun sa DTI at si Tita Mercy bilang health worker.  Salamat po sa pagmamahal niyo.   42 years ago rin ngayong araw, February 1, 1971, nagsimula ang Diliman Commune kung saan sa loob ng siyam na araw ang kampus ng Unibersdad ng Pilipinas ay binarikadahan ng mga estudyante at ginawang pinalayang pook mula sa mga awtoridad.

Pagbarikada sa University Avenue malapit sa Checkpoint (Gateway to the University ni Napoleon Abueva).  Ngayon, sa gitna ng kalsada may marker para sa Diliman Commune.  Mula kay Susan Quimpo.

Pagbarikada sa University Avenue malapit sa Checkpoint (Gateway to the University ni Napoleon Abueva). Ngayon, sa gitna ng kalsada may marker para sa Diliman Commune. Mula kay Susan Quimpo.

Noong araw na iyon, gumawa ng barikadang tao ang mga iskolar ng bayan sa bukana ng pamantasan sa University Avenue at sa likod sa Katipunan bilang pakikiisa sa strike ng mga drayber ng dyipni laban sa pagtaas ng presyo ng langis.

Ang barikadang tao sa University Ave.  Mula sa Not On Our Watch.

Ang barikadang tao sa University Ave. Mula sa Not On Our Watch.

Isang propesor sa Mathematics na may pagka-eccentric, nagdadala ng baril, hindi sumasama sa boykot ng mga klase at kilalang pro-Marcos na si Inocente Campos ang nagtatangkang pumasok ngunit hinagisan ng pill box ng mga estudyante.  Dahil nabutas ang gulong ng kotse niya, bumaba siya, kinuha ang shotgun sa likod ng kanyang sasakyan at pinaputukuan ang mga estudyante.

Ang asar talong si Campo sa aktong pinapaputukan ang mga estudyante.  Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang asar talong si Campo sa aktong pinapaputukan ang mga estudyante. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Natamaan sa kaliwang pisngi ang isang Leo Alto habang bumagsak ang freshie na si Pastor “Sonny” Mesina, Jr. at namatay matapos ang apat na araw.  Inaresto si Campos ng mga estudyante at dinala sa Quezon City Police at sinunog nila ang kanyang kotse.

Ang nasusunod na kotse ni Campo sa University Avenue.  Mula kay Susan Quimpo.

Ang nasusunod na kotse ni Campo sa University Avenue. Mula kay Susan Quimpo.

Binaklas ng mga pulis sa pangunguna ni QC Police Chief Tomas Karingal ang mga barikadang tao at ni-raid ang mga dormitoryo ng Kamia at Sampaguita ng walang pahintulot.  Tineargas pa ang Arts and Science o ang AS Building.  Maraming estudyante ang naaresto at nabaril nila si Reynaldo Bello sa balikat.

Labanan ng mga pulis at mga iskolar ng bayan.  Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Labanan ng mga pulis at mga iskolar ng bayan. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang pagbarikada sa Palma Hall o AS Bldg,  Mula kay Susan Quimpo.

Ang pagbarikada sa Palma Hall o AS Bldg, Mula kay Susan Quimpo.

Frontpage ng Philippine Collegian noong Diliman Commune.  Mula sa Serve the People.

Frontpage ng Philippine Collegian noong Diliman Commune. Mula sa Serve the People.

Ikinagalit ng mga estudyante ng UP ang kanilang panghihimasok at inilabas nila ang mga upuan at iba pang mga maihaharang upang magtatag ng isang pisikal na barikada inspired ng Paris Commune ng 1871, parang yung napanood natin sa Les Miserables.  Ginawa nila ang kampus na “liberated zone,” at tinawag ang kanilang aksyon na “Diliman Commune.”  Tinawag din nila ang mga sarili na mga Communards.

Ang barikada sa pelikulang Les Miserables (2012)

Ang barikada sa pelikulang Les Miserables (2012)

Ang pagbarikada ng University Ave.  Makikitaa sa background ang Plaridel Hall o Mass Comm.  Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang pagbarikada ng University Ave. Makikitaa sa background ang Plaridel Hall o Mass Comm. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang pagbarikada sa Faculty Center.  Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang pagbarikada sa Faculty Center. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang loob ng Faculty Center noong Commune.  Ang silid ngayon ang Balanghay Room ng UP Departamento ng Kasaysayan.  Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang loob ng Faculty Center noong Commune. Ang silid ngayon ang Balanghay Room ng UP Departamento ng Kasaysayan. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Hindi pumasok ang mga estudyante at siyam na araw na lumahok sa protesta, pinangalanan ang mga gusali sa mga bayani at mga pinunong Kaliwa tulad ng Amado Guerrero Hall at Bernabe Buscayno Hall, pinalaya ang UP Press at mula sa pasilidad nito inilabas ang pahayagan ng komyun, ang Bandilang Pula, at naging tinig nila ng protesta ang DZUP kung saan mula dito, sa tuwing magsisikap pumasok ng mga pulis, patutugtugin ang sex audio tape ng pagtatalik ng pangulo at ng Amerikanong artistang si Dovie Beams.

Bandilang Pula, ang pahayagan ng Commune.  Mula sa Serve the People.  Mula sa Serve the People.

Bandilang Pula, ang pahayagan ng Commune. Mula sa Serve the People. Mula sa Serve the People.

Dovie Beams.  Mula sa Philippines Free Press.

Dovie Beams. Mula sa Philippines Free Press.

Magtatawanan maging ang mga pulis.  Gumawa din ang mga estudyante ng kanilang tinatawag na “long range missiles” na sa katotohanan pala ay mga kuwitis.  Panakot nila ito sa mga helikopter na ikot ng ikot sa kampus.  May mga kwento pa na muntik na silang makapagbagsak ng isang helikopter.  Nagkaroon sila ng malawak na suporta mula sa mga estudyante, propesor at mga residente ng UP.

If you can't beat them, join them:  Nang hindi niya mapigilan ang mga communards, sinuportahan niya na rin ito.  Mula sa Not on Our Watch.

If you can’t beat them, join them: Nang hindi niya mapigilan ang mga communards, sinuportahan niya na rin ito. Mula sa Not on Our Watch.

Noong February 9, 1971, ang mga estudyante mismo ang bumaklas ng barikada nila nang mapagtanto na bagama’t malaya nga sila sa Diliman, ang buong bayan ay alipin pa rin ng sistema.  Pamana ng Commune ang pagkakaroon ng sariling pulisya ng UP Campus, na nagseguro na magiging malaya ang kanilang kaisipan mula sa anumang paniniil ng estado.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 26 January 2013)

XIAOTIME, 30 January 2013: ANG BATTLE OF MENDIOLA NOONG REHIMENG MARCOS

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 30 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang mga aktibista sa mismong bukana ng Palasyo ng Malacanan noong Battle of Mendiola, January 30, 1970.  Mula sa Delusions of a Dictator.

Ang mga aktibista sa mismong bukana ng Palasyo ng Malacanan noong Battle of Mendiola, January 30, 1970. Mula sa Delusions of a Dictator.

30 January 2013, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=GXatwgaeX3Q

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  43 years ago, January 30, 1970, apat na araw matapos ang madugong pagbaklas sa rally ng kabataan sa lumang Kongreso matapos ang SONA ng Pangulong Ferdinand Marcos, naganap ang tinatawag na “Battle of Mendiola,” bahagi ng tinatawag na First Quarter Storm.  Isa sa pinakamadugong demonstrasyon na nangyari sa Pilipinas.  Mababasa ang kwento ng First Quarter Storm sa aklat na Days of Disquiet, Nights of Rage ni Jose “Pete” Lacaba.

Jose "Pete" Lacaba a.k.a. Ruben Cuevas kasama si Xiao Chua

Jose “Pete” Lacaba a.k.a. Ruben Cuevas kasama si Xiao Chua

Noong araw na iyon, inimbitahan ni Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malacañan sina Edgar Jopson, ang pinuno ng moderatong aktibistang National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Portia ilagan ng National Students’ League (NSL) para sa isang dayalogo.

Edgar Jopson.  Mula sa U.G.

Edgar Jopson. Mula sa U.G.

Ayon sa pangulo, may karapatan raw ang mga estudyante na magpahayag ng kanilang mga hinaing sa publiko at sa totoo lang suportado niya ang kanilang mga makatwirang mga kahilingan.  Ngunit, nang himukin ni Edjop ang pangulo na pumirma ng isang nakasulat na kasunduan na hindi na siya tatakbo para sa ikatlong termino kahit na mabago ang Saligang Batas, na kanyang iwinasiwas sa harapan ng pangulo, sumagot si Marcos, “Who are you tell me what to do! You’re only a son of a grocer!”

Ang pagpupulong nina Marcos at Edjop at mga kasama.  Mula sa U.G.

Ang pagpupulong nina Marcos at Edjop at mga kasama. Mula sa U.G.

Si Edgar Jopson habang iwinawasiwas sa harapan ng pangulo ang kasunduan.  Mula sa Batas Militar.

Si Edgar Jopson habang iwinawasiwas sa harapan ng pangulo ang kasunduan. Mula sa Batas Militar.

Upang hupain ang tensyon, sumabat si Portia, “Tingling!  Ops, break muna!  Break!”  Bago magpatuloy ang pulong, sinabihan si Marcos na kailangan na nilang lumisan dahil may nangyayari na sa labas.  Alas seis na noon ng gabi.  Matapos na mapayapang magwakas ang demonstrasyon sa harap ng lumang kongreso upang iprotesta ang mga naganap apat na araw ang nakalilipas, ang mga radikal ay hindi umuwi, bagkus dumiretso sa Mendiola patungo sa mismong Gate [6] ng Palasyo ng Malacañan, sumisigaw ng “Makibaka! Huwag matakot!” at “Sigaw ng Bayan, Himagsikan!”  Sa pagdilim, hiniling ng mga estudyante na “Sindihan ang ilaw!”  Nang sindihan ito ng palasyo, isa-isa na lamang itong binasag ng mga raliyista sa pamamagitan ng mga bato at pamalo.  May mga nagsasabi naman na aktibista na may mga batong nagmumula sa direksyon ng palasyo kaya gumanti sila at nakipagbatuhan na rin.  Hindi lang bato ang itinapon ng mga raliyista kundi mga pill boxes at Molotov cocktails.

Mula sa U.G.

Mula sa U.G.

Sina Edjop ay isinakay sa bangka sa likod ng palasyo, hindi na nakabalik sa kotse niyang sinunog na ng mga raliyista.  Nang isang trak ng bumbero ang nagtangkang bombahin sila ng tubig upang ma-disperse ang mga kabataan, inagaw nila ang trak, ni-liberate ito at ibinundol sa gate.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

At sa pagbukas nito, tumahimik daw ang lahat.  At doon narinig ang sunod-sunod na putok mula sa Presidential Guard Batallion.  Daan-daang estudyante ang bumagsak, apat ang namatay.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Naghabulan ang mga awtoridad at ang mga raliyista hanggang sa mga nakapaligid na mga erya, Azcarraga (Recto), Divisoria at España at umabot ng madaling araw.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Si Jerry Barican habang tinutulungan ang isang sugatan.  Mula sa Not on Our Watch.

Si Jerry Barican habang tinutulungan ang isang sugatan. Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Mula sa Not on Our Watch.

Ito ang climax ng Sigwa ng Unang Kwarto ngunit hindi ito ang huling pag-aalsa ng kabataan.  Ayon sa ilan, ang mga estudyanteng radikal ang may kasalanan sa nangyari, sabi naman ng iba, binuyo talaga ni Marcos ang mga pangyayari upang magkaroon ng dahilang maghigpit.  Marahil, pareho nilang ninais mangyari ito.  Anuman, binago ng mga pangyayari ang kasaysayan.  Tutungo na ang bansa sa dilim ng Batas Militar.  Binago rin nito ang buhay ng marami katulad ng moderatong si Edjop na kinaiinisan ng mga radikal.

Si Edjop matapos mahuli noong June 17, 1979.  Mula sa U.G.

Si Edjop matapos mahuli noong June 17, 1979. Mula sa U.G.

Sumama rin siya sa mga radikal upang ipaglaban ang kalayaan.  Natugis siya at pinatay ng mga militar sa Davao noong 1983.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 26 January 2013)

XIAOTIME, 24 January 2013: FIRST QUARTER STORM o SIGWA NG UNANG KWARTO

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 24 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang alegorikal na obra ukol sa pagbato sa Pangulong Ferdinand E. Marcos matapos ang kanyang state of the Nationa Address, January 26, 1970.  Mula sa aklat na  Not On Our Watch.

Isang alegorikal na obra ni Juanito Torres, “Watusi,” ukol sa pagbato sa Pangulong Ferdinand E. Marcos matapos ang kanyang state of the Nation Address, January 26, 1970.  Matatagpuan ito sa Galerie Joaquin.  Mula sa aklat na Not On Our Watch.

24 January 2013, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=lDg7ywxHlvQ

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  43 years ago sa Sabado, January 26, 1970, si Pangulong Ferdinand E. Marcos ang naging unang pangulo na binato ng mga raliyista matapos ang kanyang  State of the Nation Address sa Lumang Kongreso.  Ito ang isa sa pinakamahalagang tagpo sa tinawag noon na First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Kwarto.  Ang mga panahon na iyon sa buong mundo ay isang panahon kung saan humihingi ng pagbabago ang mga kabataan.  Tinawag ni Mao Zedong ang mga kabataang Tsino na pangunahan ang Cultural Revolution sa Tsina.  Sa Kanluran, marami ring pakikibaka ang mga kabataan—ang civil rights movement o paghingi ng pantay na karapatan para sa itim sa Amerika, ang kilusang kumokontra sa Digmaan sa Vietnam at ang mga hippies na humihingi ng kapayapaan, at ang women’s liberation movement na nag-aadhika ng flower power, burn the bra, at ban the bra!!!  Umabot sa Pilipinas ang diwa nito.  Sinuportahan ng Pangulong Marcos ang Digmaan ng Amerika sa Vietnam sa pagpapadala ng mga sundalong tumutulong sa mga operasyong sibil at medical, ang Philippine Civic Action Group-Vietnam (PHILCAG-V).  Para sa mga estudyante, ito ay ebidensya ng pagiging neo-kolonya natin ng Estados Unidos at kakulangan natin sa kasarinlan.

Saturnino Ocampo, Bernabe Buscayno alias Commander Dante, at Jose Maria Sison.

Saturnino Ocampo, Bernabe Buscayno alias Commander Dante, at Jose Maria Sison.

Isang batang instruktor ng UP na si José Maria Sison ang nagtatag ng Kabataang Makabayan (KM), na naging isa sa mga kilusang kabataan na nanguna sa mas malawakang pakikibaka laban sa Administrasyong Marcos na noon ay nagpapakita na ng tendensiyang diktatoryal.

Kabataang Makabayan

Kabataang Makabayan (KM)

Ang Samahan Demokratiko ng Kabataan (SDK) sa paanan ng Bulwagang Palma, UP Diliman.

Ang Samahan Demokratiko ng Kabataan (SDK) sa paanan ng Bulwagang Palma, UP Diliman.  Mula sa Militant but Groovy.

Si Edgar Jopson ng Ateneo, isa sa mga pinuno ng National Union of Students of the Philippnes.  Mula sa U.G.

Si Edgar Jopson ng Ateneo, isa sa mga pinuno ng National Union of Students of the Philippnes. Mula sa U.G.

Kasama na sa mga samahang ito ang Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) at ang moderatong National Union of Students of the Philippines (NUSP).  Bagama’t iisa ang ipinaglalaban, nagtunggalian naman sila sa kaibahan ng kanilang mga ideolohiya.  Noong December 29, 1969, dumating ang Pangalawang Pangulo ng Estados Unidos na si Spiro T. Agnew para sa ikalawang inagurasyon ng Pangulong Marcos.

Pangulong Marcos ng Pilipinas at Pangalawang Pangulo Agnew ng Estados Unidos at ang kanilang mga kabiyak.

Pangulong Marcos ng Pilipinas at Pangalawang Pangulo Agnew ng Estados Unidos at ang kanilang mga kabiyak.  Mula sa Delusions of a Dictator.

Kinabukasan, sinalubong siya ng mga aktibista.  Marahas na binaklas ng mga anti-riot police ang protesta sa pamamagitan ng pamamalo ng mga mahahabang truncheons.  Matapos ang ilang araw, January 26, 1970, binigkas ng Pangulong Marcos ang kanyang State of the Nation Address sa joint-session ng Senado at Kamara sa Lumang Kongreso.

SONA 1970.  Mula sa Not On Our Watch.

SONA 1970. Mula sa Not On Our Watch.

Sa kanyang opening prayer, humingi ng tulong sa Diyos ang pangulo ng Ateneo na si Fr. Pacifico Ortiz para sa Pilipinas na ayon sa kanya ay nasa nanginginig na bingit ng himagsikan, “a trembling edge of revolution.”

Padre Pacifico Ortiz, S.J. unang Pilipinong pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila.  Mula sa Lakas Sambayanan ng FFWWPP.

Padre Pacifico Ortiz, S.J. unang Pilipinong pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila. Mula sa Lakas Sambayanan ng FFWWPP.

Sa labas ng kongreso malapit na malapit sa pintuan, 50,000 tao ang nagprotesta.  Naghanda sila ng isang kabaong, simbolo ng pagkamatay ng demokrasya, at effigy ng isang buwaya na kumatawan sa korupsyon ng pamahalaan.

Ang tinatayang 50,000 sa labas ng Kongreso, hinihintay si Pangulong Marcos na lumabas.  Mula kay Susan Quimpo.

Ang tinatayang 50,000 sa labas ng Kongreso, hinihintay si Pangulong Marcos na lumabas. Mula kay Susan Quimpo.

50,000 kabataan na humihingi ng pagbabago sa harapan ng Kongreso.  Mula sa Koleksyon Dante Ambrosio at Xiao Chua.

50,000 kabataan na humihingi ng pagbabago sa harapan ng Kongreso. Mula sa Koleksyon Dante Ambrosio at Xiao Chua.

Sobrang lapit.  Mula sa Not On Our Watch.

Sobrang lapit. Mula sa Not On Our Watch.

Ang buwaya.  Mula kay Dr. Vic Torres.

Ang buwaya. Mula kay Dr. Vic Torres.

Sa paglabas ni Pangulong Marcos sa gusali, binato siya ng mga radikal na raliyista at itinapon sa kanyang direksyon ang kabaong at ang buwaya.

Si Pangulong Marcos habang pinapaulanan ng debris ng mga raliyista, January 26, 1970.  Mula sa Ninoy Aquino:  The Willing Martyr.

Si Pangulong Marcos habang pinapaulanan ng debris ng mga raliyista, January 26, 1970. Mula sa Ninoy Aquino: The Willing Martyr.

Si Fabian Ver habang pinoprotektahan ang Pangulo.  Mula sa Delusions of a Dictator.

Si Fabian Ver habang pinoprotektahan ang Pangulo. Mula sa Delusions of a Dictator.

Nasubukan ang katapatan ni Fabian Ver, ang drayber-militar ni Marcos, hinarang niya ang kanyang katawan sa pangulo.  Marahas ang kasagutan ng mga pulis.  Pinalo nila ng mga rattan ang kahit na sinong makita, mga radikal man at mga moderato.

Walang habas at walang pinipiling pagpalo ng mga  awtoridad sa mga aktibista, radikal man o moderato.  Mula sa Not On Our Watch.

Walang habas at walang pinipiling pagpalo ng mga awtoridad sa mga aktibista, radikal man o moderato. Mula sa Not On Our Watch.

Sipa ng sipa.  Mula sa Koleksyong Dante Ambrosio at Xiao Chua.

Sipa ng sipa. Mula sa Koleksyong Dante Ambrosio at Xiao Chua.

Maging ang binti ng babae na ito ay patuloy na pinalo ng pulis kahit na sumasakay na ang babae sa dyipni.  Ang babaeng ito pala ay si Propesora Judy Taguiwalo.

Ang mga binti ni Prop. Judy Taguiwalo at patuloy na hinampas ng mga awtoridad.  Mula sa Militant But Groovy.

Ang mga binti ni Prop. Judy Taguiwalo at patuloy na hinampas ng mga awtoridad. Mula sa Militant But Groovy.

Sumasakay na sa dyip. hinahampas pa.  Mula kay Susan Quimpo.

Sumasakay na sa dyip. hinahampas pa. Mula kay Susan Quimpo.

Gumanti ng pagbato ng mga bato at bote ang mga estudyante.  Hanggang magdamag ang naging labanang ito.  Marami ang nasaktan.

Palo  ng palo.  Mula sa Not On Our Watch.

Palo ng palo. Mula sa Not On Our Watch.

Mula sa Not On Our Watch.

Mula sa Not On Our Watch.

Ngunit hindi pa pala ito ang huli.  Abangan ang susunod na kabanata.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(People’s Television Network, 19 January 2013)