IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: tejeros

XIAO TIME, 7 August 2013: ANG MASALIMUOT NA BUHAY NI JOSEPHINE BRACKEN

Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Josephine Bracken sa kasuotang Pilipino.  Mula sa Wikipedia.

Si Josephine Bracken sa kasuotang Pilipino. Mula sa Wikipedia.

7 August 2013, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=bSbu8VfKw_4

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  137 years ago, August 9, 1876, isinilang si Josephine Leopoldine Bracken sa Victoria Barracks, Hongkong.  Kaakibat ng kanyang papel sa kasaysayan bilang huling pag-ibig ni Gat. Dr. Jose Rizal, heroe nacional ng Pilipinas, ay ang samu’t saring mga ispekulasyon ukol sa kanyang pagkatao.  Na isa siyang ilehitimong anak ng isang kapitan sa Hukbong Briton at isang Tsina, na isa siyang bayarang babae, na ang kanyang ama-amahan na si George Taufer ay nakilala siya sa isang bar, na naiteybol na siya ni Rizal nasa Hongkong pa lamang siya.

Si Rizal.

Si Rizal.

George Taufer

George Taufer

Mga ispekulasyon na mismong mga kilalang mga biographer at mga kaanak mismo ni Rizal ang nagpakalat.  Isang apo ni Josephine Bracken, si Macario Ofilada, ang nagsabi sa kanyang aklat na Errante Golondrina, The Life and Times of Josephine Bracken na inilimbag ng New Day, na isang dokumento ang magpapakita sa atin ng tunay na pinagmulan ni Josephine, ang kanyang baptismal records sa inilista siya na may lahing Anglo-Saxon.

Si Xiao Chua kasama sina Luciano Santiago at Macario Ofilada Mina, Vargas Museum, January 2007

Si Xiao Chua kasama sina Luciano Santiago at Macario Ofilada Mina, Vargas Museum, January 2007

Pabalat ng Errante Golondrina ni Macario Ofilada.

Pabalat ng Errante Golondrina ni Macario Ofilada.

Lumilitaw din ang pangalan ng kanyang ama na si James Bracken na nagpapatunay na lehitimo ang anak.  Hindi na nailista ang pangalan ng nanay sapagkat namatay ito ilang araw matapos isilang si Josephine.  Gayundin, nakalista na bilang saksi sa pagbibinyag ang mag-asawang James at Leopoldine Taufer na siyang aampon kay Josephine.

Baptismal certificate ni Josephine Bracken.

Baptismal certificate ni Josephine Bracken.

Ang calling card ni Jose Rizal bilang optalmologo sa Hongkong.  Mula sa Vibal Foundation, Inc.

Ang calling card ni Jose Rizal bilang optalmologo sa Hongkong. Mula sa Vibal Foundation, Inc.

Nang tila nabubulag na ang kanyang ama-amahan, sinamahan niya ito patungo sa Pilipinas para magpagamot sa isang doktor na noong nasa Hongkong pa lamang ay naririnig na nila na nakakapagpagaling ng mga mata.  Noong February 1895, nagkakilala si Rizal at si Josephine at nang mukhang wala nang pag-asa na makakita ang matanda, hinatid na niya ito pabalik ng Hongkong.  Muntik nang pagpakamatay ang matanda sa pamamagitan ng paggilit sa sarili nang malaman na nag-iibigan ang dalawa, 18 taong gulang lamang si Josephine noon at si Rizal ay 33 na.  May mga nagsasabi rin na minomolestiya ni Taufer si Josephine.  Kaya naman hindi siya nagustuhan ng ilan sa mga kapatid ni Rizal.

Josephine Bracken.

Josephine Bracken.

Josephine Bracken.  Mula sa Lolo Jose.

Josephine Bracken. Mula sa Lolo Jose.

Ang lilok ni Rizal sa mukha ni Josephine sa isang kahoy.

Ang lilok ni Rizal sa mukha ni Josephine sa isang kahoy.

Ang lilok ni Rizal kay Josephine habang natutulog.

Ang lilok ni Rizal kay Josephine habang natutulog.

Anuman, natuto ng mga gawaing bahay si Josephine, paglalaba at pagluluto at nakatuwang ni Rizal sa kanyang klinika.  Nagkaroon pa sila ng anak na patay na nang maisilang.  Ngunit natapos ang maliligayang araw niya noong Hulyo 1896, nang magpasya si Rizal na umalis ng Dapitan.  Anuman ang sinasabi ng mga tao sa kaniya, ito ag sigurado tayo, nang barilin si Rizal sa Luneta noong December 30, 1896, sumama si Josephine kay Paciano sa himagsikan sa Cavite, nanggamot ng mga maysakit at nakabaril pa ng isang Espanyol!  At naroon na umaawat ng mga nagbabangayan sa Tejeros Convention.  Naglingkod siya sa Inang Bayan ni dear Joe.

Si Josephine Bracken habang nagsisilbi sa ating himagsikan.  Guhit ni Ronelito Escauriaga para sa Adarna Publishing House, Inc.

Si Josephine Bracken habang nagsisilbi sa ating himagsikan. Guhit ni Ronelito Escauriaga para sa Adarna Publishing House, Inc.

Dedikasyon ni Rizal kay Josephine sa isang aklat na "The Imitations of Christ" ni Thomas Kempis kung saan tinawag niya si Josephine na kanyang "dear and unhappy wife."

Dedikasyon ni Rizal kay Josephine sa isang aklat na “The Imitations of Christ” ni Thomas Kempis kung saan tinawag niya si Josephine na kanyang “dear and unhappy wife.”

Ngunit, nakaalitan ang pamilya Rizal dahil interasado siyang makihati sa mga aklat ni Rizal ngunit hindi niya mapatunayan na kinasal sila sa umaga ng kanyang kamatayan, kaya bumalik siya sa Hongkong, nagpakasal muli sa isang Pilipino na si Vicente Abad, at namatay sa murang edad na 25 noong 1902.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 July 2013)

Si Josephine Bracken at si Vicente Abad sa araw ng kanilang kasal.  Mula sa Errante Golondrina.

Si Josephine Bracken at si Vicente Abad sa araw ng kanilang kasal. Mula sa Errante Golondrina.

XIAO TIME, 26 March 2013: ANG TEJEROS CONVENTION

Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Nagwaging Pangalawang Pangulo si Mariano Trias habang iginagalang ng Supremo Andres Bonifacio ang pasya ng kapulungan.  Painting ng Tejeros Convention sa bukana ng Tejeros Hall, Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers' Club.  Kuha ni Xiao Chua.

Nagwaging Pangalawang Pangulo si Mariano Trias habang iginagalang ng Supremo Andres Bonifacio ang pasya ng kapulungan. Painting ng Tejeros Convention sa bukana ng Tejeros Hall, Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers’ Club. Kuha ni Xiao Chua.

26 March 2013, Holy Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=93Cv7tjXFfc

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Happy birthday po Architect Jelane Gay Espinosa Chua mula sa Tito kong si Jojo Chua.  116 years ago noong Biyernes, March 22, 1897, ginanap ang Tejeros Convention sa Casa Hacienda de Tejeros sa Rosario, Cavite.   Ito ang isa sa pinakaunang halalan ng nasyong Pilipino na naglalayong ayusin ang hidwaan ng mga balanghay sa lalawigan ng Cavite—ang Magdiwang at Magdalo.  Ito rin ang itinuturing na pagsilang ng Philippine Army.

Casa Hacienda de Tejeros sa Rosario, Cavite  Ang pinakamalaking friar house ng mga rekoleto  sa Pilipinas noon.  Mula kay Isagani Medina.

Casa Hacienda de Tejeros sa Rosario, Cavite Ang pinakamalaking friar house ng mga rekoleto sa Pilipinas noon. Mula kay Isagani Medina.

Casa Hacienda de Tejeros.

Casa Hacienda de Tejeros.

Ilustrasyon ng Casa Hacienda de Tejeros, mula kay Isagani Medina.

Ilustrasyon ng Casa Hacienda de Tejeros, mula kay Isagani Medina.

Nagtalo-talo sa simula ng pulong kung ano nga ba ang Katipunan, isang pamahalaan o isang kilusan ng mga bandido.  Upang maresolba ang usapin, nang maupo bilang tagapangasiwa ng pulong ang Pangulo ng Haringbayan na si Andres Bonifacio, dahil demokratiko at hindi diktatoryal ang Supremo, pumayag siya na magbuo ng bagong pamahalaan basta igagalang ang pasya ng nakararami—anuman ang katayuan o pinag-aralan ng mahahalal.  Sumang-ayon ang lahat.

Bas relief sa bakal ng Kapulungan sa Tejeros sa sayt nito sa Tejeros Convention Center, Rosario, Cavite.  Kuha ni Xiao Chua.

Bas relief sa bakal ng Kapulungan sa Tejeros sa sayt nito sa Tejeros Convention Center, Rosario, Cavite. Kuha ni Xiao Chua.

Andres Bonifacio, Unang pangulo ng Pamahalaang  Mapanghimagsik na itinatag noong August 24, 1896 .  Ibig sabihin gobyerno rebolusyunaryo na ito bago pa man ang Tejeros.  Mula sa Studio 5.

Andres Bonifacio, Unang pangulo ng Pamahalaang Mapanghimagsik na itinatag noong August 24, 1896 . Ibig sabihin gobyerno rebolusyunaryo na ito bago pa man ang Tejeros. Mula sa Studio 5 Desings.

Isang lantad na kaaway ng Supremo, si Daniel Tirona—Da-da-da-Dan Tirona, ang nangasiwa ng pagbibigay ng mga balota.  Nabalaan ng kabigan niyang si Diego Moxica si Bonifacio, may mga nakasulat na raw na mga pangalan sa mga balotang ipinamamahagi.  Huh???  Tsismis ng dayaan sa halalan sa ating unang eleksyon???  Hanggang ngayon mayroon niyan huh!  Ang kanyang daing ay hindi na napansin ng Supremo. At ang nahalal na pangulo, ay hindi ang Supremo kundi si Heneral Emilio Aguinaldo, na nasa labanan sa Salitran sa Pasong Santol, lumalaban sa mga Espanyol sa kanyang ika-28 kaarawan.  Iminungkahi ni Severino delas Alas na ang Supremo na ang gawing Pangalawang Pangulo sapagkat siya naman ang sumunod na nagtamo ng pinakamaraming boto.  Nanahimik ang lahat at walang sumegunda sa proposisyon na ito.  Nahalal na Pangalawang Pangulo si Mariano Trias, at Kapitan Heneral si Artemio Ricarte.

Panandang Pangkasaysayan para kay Diego Mojica.  Mula kay Isagani Medina.

Panandang Pangkasaysayan para kay Diego Mojica. Mula kay Isagani Medina.

Heneral Artemio Ricarte.  Mula kay Isagani Medina.

Heneral Artemio Ricarte. Mula kay Isagani Medina.

Dahil maggagabi na, pinatayo na lamang sa magkabilang dulo ng silid ang mga delegado sa kanilang pagpili.  At sa wakas, sa pinakamababang posisyon, nahalal ang Supremo na Direktor ng Interyor.  Palakpakan.  Edi ayos na.  Pero sumigaw si Daniel Tirona para sa katahimikan at kanyang sinabi, “Mga kapatid, ang tungkuling director del interior ay totoong malaki at maselan, at hindi maaaring hawakan ng hindi abogado.  Mayroon dito sa ating isang abogado, siya ay si G. José del Rosario, kaya’t ating tutulan ang katatapos pang nahalal, na walang anumang katibayan ng pinag-aralan.  Ihalal natin ang abogadong si G. del Rosario!”

Daniel Tirona.  Mula kay Isagani Medina

Daniel Tirona. Mula kay Isagani Medina

Atty. Jose del Rosario.  Mula kay Isagani Medina.

Atty. Jose del Rosario. Mula kay Isagani Medina.

Nasaktan ang amor propio ng Supremo, pinagkayarian na igagalang ang napagpasyahan ng nakararami.  Hiniling niya kay Tirona na bawiin ang kanyang insulto.  Nagpawala-wala sa dami ng tao si Tirona, kaya bumunot ng baril ang Supremo at tinutukan si Tirona tulad ng ginagawa noon ng mga maginoo na natatapakan ang kanilang amor propio.

Tinutukan ng Supremo ng baril si Tirona.  Mula kay Artemo Ricarte.

Tinutukan ng Supremo ng baril si Tirona. Mula kay Artemio Ricarte.

Mula kay Alfredo Saulo.

Mula kay Alfredo Saulo.

Mula Tejeros Convention Center, Rosario, Cavite.

Mula Tejeros Convention Center, Rosario, Cavite.

Napigilan siya ni Heneral Ricarte at bilang pangulo ng kapulungan at Pangulo ng Katipunan ay ipinawalang bisa niya ang halalan at nag-walk-out kasama ang mga kabig.  Sa mga elitista sa pulong, si Emilio Aguinaldo na ang pangulo, para sa Supremo Bonifacio at mga kasama, siya pa rin ang pangulo.  Ang pagkakahating ito ang magbubunsod sa isang tunggalian ng kapangyarihan na magbibigay daan sa pasyon at Via Crucis tungo sa kamatayan ng Unang Pangulo at Ama ng Sambayanang Pilipino—Andres Bonifacio.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 16 March 2013)

Ang pag-walk-out ni Bonifacio sa kapulungan matapos ipawalang bisa ito,  Mula sa Aklat Adarna

Ang pag-walk-out ni Bonifacio sa kapulungan matapos ipawalang bisa ito, Mula sa Aklat Adarna

Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo.  Mula sa Studio 5 Designs.

Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo. Mula sa Studio 5 Designs.

Wala na ang Casa Hacienda, nakatayo na sa sayt nito ang Tejeros Convention Center na binuksan sa sentenaryo ng Kumbensyon noong 1997.  Kuha ni Xiao Chua.

Wala na ang Casa Hacienda, nakatayo na sa sayt nito ang Tejeros Convention Center na binuksan sa sentenaryo ng Kumbensyon noong 1997. Kuha ni Xiao Chua.