XIAO TIME, 19 June 2013: ANG MAKULAY AT MAKASAYSAYANG KABATAAN NI JOSE RIZAL
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
19 June 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=ax58JI1OBoM
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 152 years ago, June 19, 1861, isinilang ang ating Heroe Nacional na si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda, Pepe Rizal, sa Calamba, Laguna, sa pagitan ng alas onse at alas dose ng gabi.
Kahit pampito na sa labing-isang magkakapatid mula kina Francisco Rizal Mercado at Teodora Alonso, lubos na nahirapan ang ina sapagkat bagama’t maliit ang bata, napakalaki ng kanyang ulo. Isa silang maykayang pamilyang negosyante at magsasaka na nangungupahan sa Hacienda ng mga prayleng Dominikano. Makikita ang katayuan nila sa buhay sa itsura pa lamang ng kanilang bahay na bato at sa lokasyon na ito na katabi mismo ng plaza at ng simbahan.

Ang orihinal na bahay ng mga Rizal sa Calamba, Laguna kung saan isinilang si Dr. Jose Rizal. Mula sa Vibal Foundation.

Ang sinaunang drowing ni Johann Karuth sa Calamba. Makikita sa kanan ang bahay ni Rizal katabi ng simbahan. Mula sa Dambang Rizal sa Calamba, Laguna.
Tatlong araw matapos maisilang, sinabi ni Padre Rufino Collantes habang binibinyagan niya si Pepe, “Lolay, tandaan mo ito. Alagaan mong mabuti ang batang ito, at siya’y magiging malaking tao.” Wow! Prophetic. At iyon naman ang ginawa ng ina.

Si Teodora Alonso bilang unang guro ni Rizal. Mula sa “Ultimo Adios” (Last Farewell of a Foolish Moth) ng Heroes Square Heritage Corporation sa Intramuros.
Siya ang naging pinakaunang guro ni Pepe. Si Doña Lolay ay pambihira sa mga babaeng india noon. Siya ay nakapag-aral sa Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros at pinag-aral din niya maging ang mga anak niyang babae sa Maynila. Kaya naman naituro niya kay Pepe ang pagmamahal sa karunungan, binabasahan siya sa tuwing gabi ng isa sa koleksyon nila ng mga isanlibong aklat.
Ang ama naman niyang si Don Kikoy ay pinatayuan siya ng mga maliliit na bahay kubo sa kanilang bakuran upang mapaglaruan niya at maging workshop niya sa kanyang paglilok at pagpinta.
Wala ring Rizal na bayani kung wala ang paggabay sa kanya ng kanyang Kuya Paciano, isang makabayang kaibigan ng binitay na si Padre Burgos, na nagturo sa kanyang mahalin ang bayan, at ang kanyang mga kapatid na babae, ilan sa kanila magiging kasapi kasama ni Paciano ng Himagsikan.

Tanging larawan ni Paciano Rizal Mercado. Panakaw na kuha. Ayaw magpakuha ng lolo mo. Mula sa Vibal Foundation.

Paciano Rizal habang ginagabayan ang batang Pepe. Likhang sining ni Benedicto Cabrera mula sa aklat na Indio Bravo.
Kaya medyo spoiled marahil dahil nasa kanya lahat ng pansin dahil siya ay bunsong lalaki. Ngunit sa aking palagay, may isang hindi gaanong nababanggit na dahilan kung bakit kahit na nagmula siya sa isang mayamang angkan, hindi nawala ang kanyang koneksyon sa bayan. Kahit sa kanyang alaala ng kabataan, Memorias de un Estudiante de Manila, prominente ang role ng kanyang yaya na habang siya’y nasa azotea at naghahapunan sa ilalim ng buwan, habang nakikita ang Bundok Makiling, bigla na lamang siyang tatakutin ng aswang, o kukwentuhan ng mga tungkol sa nuno.

Ang pabalat ng alaala ni Rizal ng kanyang kabataan, Memorias de un Estudiante de Manila kung saan nagtago siya sa pangalang P. Jacinto. Mula sa Vibal Foundation.
Iba rin itong trip ni yaya, ilalabas si Pepe sa gabi malapit sa ilog sa ilalim ng mga punungkahoy at doon itutuloy ang pagkukuwento. Lumabas ang mga ito sa kanyang mga nobela. Nakakantsawan man kung minsan dahil daw malaki ang kanyang ulo noong siya ay bata pa at ayon kay Ante Radaic ay nagkaroon ng inferiority complex tulad ng marami sa atin, tinugunan niya ito sa pag-aaral ng mabuti at pagiging malusog at aktibo.

Si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino, III habang nagbibigay respeto sa monumento ng batang si Jose Protacio “Pepe” Rizal Mercado y Alonso Realonda noong ika-150 kaarawan ni Rizal noong June 19, 2011 sa Calamba, Laguna. TV grab mula sa NBN (ngayo’y PTV-4).
Isang huwaran para sa ating lahat. Sa pagkabata maaari nang magsimula ang kabayanihan. Nagbigay si Pepe ng pagmamahal sa bayan dahil nagkaroon siya ng sapat nito sa kanyang tahanan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 8 June 2013)