PARA SA BAYAN: Sino si Isko/Iska? (Mula kay 2001-59378)
Reaksyon sa pag-aaral na Sino Si Isko/Iska?: A Descriptive Study on the Self-Assesment of UP Diliman Students na binigkas sa Alternative Classroom Learning Experience ng UP Communication Research Society, Palma Hall 228A, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon, 14 Agosto 2008:
Pagbati sa isang napapanahong pag-aaral lalo na’t panahon ng Sentenaryo ng Unibersidad ng Pilipinas. Pinapakita nito ang positibong pagtanaw sa sarili ng mga mag-aaral ng pangunahing pamantasan sa Pilipinas.

UP ANG GALING MO: Si Xiao Chua kasama ang mga dakilang makata na sina Joey Baquiran at Vim Nadera at mga kasama sa UP Sentro ng Malikhaing Pagsulat noong araw ng pagdiriwang ng ika-100 taon ng UP, June 18, 2008, kakapatalsik ko lang sa UP bilang guro noon. Mula sa Koleksyong Vim Nadera.
Bilang pagsusog sa inyong mga nasumpungan sa pag-aaral, nais kong magmungkahi ng isang uri ng pagtingin upang malaman ang mentalité ng mga mag-aaral ng UP.
Nakita natin sa mga akda nina Reynaldo Clemeña Ileto at ni Teresita Gimenez Maceda na maaring masalamin ang kaisipan ng mamamayan sa kulturang popular/bayan.[1] Kung iipunin ang mga text messages na ipinapakalat ng mga UP students, makikita ang kanilang pagtataya sa sarili. Ilang halimbawa:
_naked man _brilliant students _brain-whacking terms _liberal culture _lyf long pride _rushing l8 nyt wrk _ugly eye-bags _notorious professors _hell weeks _toxic lifestyles _constant lack of sleep _nose-bleed final exams _heart-stopping results _die-hard friendships
Pipol call it “University of the Philippines”…we call it life… ö[2]
Presenting the universities in the country!
- 1. UP – University of the Philippines
- 2. PNU – Para Ngang UP
- 3. UST – UP Sana Tayo!
- 4. ADMU – Ayaw Daw Mag-UP
- 5. DLSU – Di Lumusot Sa UPCAT
- 6. FEU – Failed To Enter UP
- 7. MAPUA – Meron Akong Panaginip, UP ako
- 8. SLU – Sana Lang UP
- 9. CEU – Cannot Enter UP
10. PUP – Pekeng UP hehe
11. NU – Negative sa UPCAT
12. St. Paul – Sana Talaga Pumasa Ako ng UPCAT, Lord
Happy UP Centennial![3]
Quote of the day: You can’t spell S__ERIOR without UP. :-* Oo nga naman. :-p Hahaha.[4]
Sa tatlong halimbawa, makikita na hindi lang magandang pananaw sa sarili kung hindi yabang mayroon ang mga taga-UP, na umaabot pa sa pagbubukod nito sa sarili na makikita sa ekspresyong, “UP and Others.”
Kung babasahin naman ang mga akda ukol sa Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas,[5] makikita naman ang paglalakbay ng mga mag-aaral ng UP mula sa kolonyal na edukasyon tungo sa pagbabalik sa bayan. Mula kolonyal na pamantasan tungo sa pagiging Unibersidad para sa mga Pilipino.
Ang konteksto ng pagsilang ng pamantasan noong ika-18 ng Hunyo, 1908 ay ang pagpapatatag ng imahe ng Estados Unidos bilang daluyan ng ginhawa ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pampublikong edukasyon:
The government of the Philippine Islands through the University undertakes to furnish to everyone who desires it in various branches …a Liberal Education and also in the technical branches of medicine, engineering, agriculture, law, pharmacy, commerce, economics and art. It also aims to produce… scholars and to do its share in contributing to the advancement of knowledge.[6]
Maglikha ng mga iskolar sa kanilang wangis, ito ang tunguhin ng kolonisasyon. Ngunit, in fairness sa unang pangulo nito na si Murray S. Bartlett, nakita na niya na hindi maaaring maging kopya lamang sa Amerika ang UP, kundi dapat itong mag-ugat sa bayan:
This university should not be a reproduction of the American University. If it is to blossom into real fruit, it must grow on Philippine soil. It must not be transplanted from foreign shores. It can serve the world best by serving best the Filipino.[7]
At iyon na nga ang ginawa ng mga taga-UP mula noon. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga estudyante ng UP ay nakipaglaban sa mga Hapones, kabilang ang mga kasapi ng UP Vanguard. Nanatili rin ang mga doktor ng UP sa kabila ng panganib noong Liberasyon ng Maynila noong 1945, patuloy na ginagamot ang mga maysakit.

Ang campus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Padre Faura noong panahon ng mga Amerikano. Mula sa Philippine Picture Postcards: 1900-1920.
Kabilang ang mga taga-UP sa pandaigdigang pagkilos ng mga kabataan na humihiling na pagbabago sa lipunan noong Dekada 60. Kasabay ng pagkakalimbag ng aklat ng dalawang guro sa UP Departamento ng Kasaysayan, Teodoro Agoncillo at Oscar Alfonso, na History of the Filipino People noong 1967 na ibinabalik ang pokus ng pag-aaral ng kasaysayan sa tao,[8] ang radikalisasyon ng mga kabataang aktibista sa mga pamantasan kung saan magmumula ang mga naging pinuno ng armadong pakikibaka. Naging malaganap sa mga estudyante at gabay sa mga aktibista ang Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero noong 1970, na isinulat ng isang instruktor sa Ingles na nagngangalang José Ma. Sison. Naganap din ang Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 at Diliman Commune noong 1971. Sa kabila ng pagtatangkang supilin ang pagkilos na ito ng kabataan nang ipataw ni Pang. Ferdinand Marcos (UP Alumnus) ang Batas Militar noong 1972, patuloy ang pagkilos ng mga taga-UP. Higit isang buwan lamang ang makakaraan, sa pagbubukas ng klase, magkakaroon ng mga pagkilos tulad ng pag-awit at noise barrage sa mga kantina at pambublikong lugar sa UP Diliman.

Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero, a.k.a. Jose Maria Sison. Mula sa Aklatang Xiao Chua.

Ikalawang edisyon ng History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo kasama si Oscar Alfonso. Mula sa Aklatang Xiao Chua.

Pagbarikada sa University Avenue malapit sa Checkpoint (Gateway to the University ni Napoleon Abueva). Ngayon, sa gitna ng kalsada may marker para sa Diliman Commune. Mula kay Susan Quimpo.
Nang maging patnugot ng Philippine Collegian si Abraham ”Ditto” Sarmiento, Jr. noong 1975, pinasikat niya ang ekspresyong “ Kung di tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kalian pa?”[9] Sinasabing ito ang naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto na nagbunsod sa kanyang maagang kamatayan.[10] Isa pang naging prominenteng lider-estudyante na si Leandro Alejandro ang naging martir noong Dekada 80, sa matinding biro ng panahon, nakaligtas sa diktadura pero hindi sa bagong demokrasya.[11]
Nagtanong ang ilang nasa akademya ng Agham Panlipunan ng UP, “Para kanino ba ang aming ginagawa?” At umusbong ang Sikolohiyang Pilipino na pinasimulan ni Virgilio Enriquez, Pilipinolohiya na pinasimulan ni Prospero Covar, at Pantayong Pananaw na pinasimulan ni Zeus Salazar, na nag-aadhika ng maka-Pilipinong pananaw sa akademya.[12] Sa kabila ng paglaganap nito sa loob at labas ng pamantasan, marami pa rin sa UP ang tumutuligsa at ayaw tanggapin ang mga pagtatangkang ito.

Xiao Chua kasama sina Dr. Prospero Covar at Dr. Zeus A. Salazar, February 13, 2008, Faculty Lounge, Facultu Center, Bulwagang Rizal, UP Diliman. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Kahit sa kasuotan sa graduation, mula sa toga, ninais nating isuot ang mas katutubong sablay mula sa Iloilo katuwang ng barong tagalog at ng saya noong Dekada 1990.
Ito si Iskolar ng Bayan. Mukhang may karapatan namang magyabang.
Sa kabila nito, bakit marami ang nagsasabi na apathetic o walang pakialam na sa bayan ang mga taga-UP? Kumonti na raw ang mga nagpo-protesta. May mga nagsasabi rin na ang UP ang breeding ground ng mga trapo. Marami na ring taga-UP na nasa pamahalaan, pero bakit ngayon, ganito pa rin ang bayan natin?
Hindi kaya napasok na rin ang UP ng mga may masamang loob at pangit na kaluluwa, na sa kanilang pagiging makasarili at sakim ay nagtatanggal pa ng walang katwiran sa mga taong nais manatili sa unibersidad, at masakrispisyo ang mas pangmatagalang interes ng unibersidad, sa harap ng katotohanang may ilang guro na nais nang umalis dahil mas maginhawa ang magiging buhay nila sa ibang unibersidad? Hindi kaya labis ang paghingi natin ng kalidad ng pagtuturo, lathalain at asal sa mga nakababatang guro (ayon kay Vicente Rafael ay over-professionalization) gayong hindi natin ito hinihingi sa mas nakatatandang guro dahil sa sila ay may tenyur na!
Hindi kaya may epekto ang pagkakatanggal ng Kasaysayan 1 subject sa mga dapat kunin ng mga estudyante dahil sa Revitalized General Education Program.
Hindi kaya dahil sa pagtaas ng tuition fee noong 2007, at ang pagbagsak ng bilang ng mga nag-enroll, kakaunti na lamang ang mga mahihirap na nasa UP at ang mga maykaya na lamang ang tumuloy?
Hindi kaya tulad ng estado na may pagka-schizophrenic (global o pambansang interes ang susundin), gayon din ang ating pamantasan. Hindi pa ganap na laganap ang pagtuturo ng mga kurso sa wikang Filipino. Patuloy na nakatali ang marami sa akademya sa kaisipang banyaga na hindi man lamang inaangkop sa karanasang Pilipino. Mas binibigyan ng kahalagahan ang mga akdang nailathala sa mga pandaigdigang jornal gayong nararapat lamang na bigyan din natin ng pansin ang mga akdang isinulat para sa ating sariling kababayan (Sinasabi ng ilan na ang dayuhang rating ng mga pamantasan sa daigdig kung saan bumaba ang ating ranggo ay sukatan lamang ng pandaigdigang persepsyon at dahil dito ay mayroong alas ang mga Ingleserong pamantasan).
Salamain nito ang katatapos lamang na pagtatanghal ng Pamantasang Hirang noong Sentenaryo ng UP noong ika-18 hanggang ika-20 ng Hunyo 2008. Climax ang pagpapasa ng pagbubuo ng bansa sa susunod na henerasyon sa pamamagitan ng tula ni Bienvenido Lumbera sa wikang Filipino, ngunit tinapos ito sa awiting Next In Line.[13]
Hindi kaya kulang pang maging iskolar lamang ng bayan. Ayon kay Prop. Patricio Abinales:
Ayon sa ilang nasa UP, tila inaangkin na ngayon ng mga batang Stalinista ang pariralang [Iskolar ng Bayan]. Kung tutuusin, hindi radikal ang may-akda nito kundi si Ditto Sarmiento, Punong Patnugot ng Philippine Collegian noong bandang 1976 na isang kilalang liberal. Sinakyan lamang ito ng mga aktibista noong naging tanyag na ito. Mukhang ang pag-ako ng mga Stalinista sa iskolar ng bayan ay isang resulta rin ng away ng Kaliwa noong 1992. May bagong islogan na ipinahiwatig ang mga anti-Stalinista, ang iskolar para sa bayan. Sa tingin ko, mas ‘politically correct’ ito: dapat lamang igiit o salungguhitan ang paglilingkod (iskolar para sa bayan), hindi iyong mensahe lamang na pinag-aaral ka ng bayan (iskolar ng bayan), na nagkukumpirma lamang sa obhektibong katayuan ng mga estudyante bilang isang parasitikong sektor.[14]
Tinuruan ako ng pamantasan na magtanong? Nagtatanong lamang po ang isang kapwa niyo estudyante ng UP…
Sa aking pananaw, marami naman sa mga estudyante ng UP, anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan, ay patuloy na nagnanais na magbahagi sa pagbubuo ng bayan. Alam nila na hindi lamang mga magulang nila ang nagpapaaral sa kanila, kundi ang mga nagbabayad ng buwis at VAT tulad ng mga manggagawa, manininda ng pisbol, drayber, janitor, atbp. Ang direktang nagpapaaral sa kanila ay ang sambayanan. Ang pagiging mulat sa isyu ay ang unang hakbang sa pagkilos, na hindi na lamang nila nililimita sa pagmamartsa, bagama’t mahalagang bahagi pa rin ito ng pakikibaka. Makikita ang pagsabog ng partisipasyon ng mga taga-UP sa mga blogs at fora na hindi lamang nagnanais na magpahayag, kundi alisin at hablutin ang mga takip-matang pilit na lumalambong sa ating mga kaisipan.[15] Sa kanilang pakikisangkot sa konsultasyon sa pamahalaan.
Hindi lamang positibong pagtanaw mayroon dapat ang taga-UP. Alam dapat niyang hindi ito sapat. Patuloy siyang kumikilos sa anumang paraang kaya niya para sa bayan sapagkat alam niyang hindi pa tapos ang sinimulan na at patuloy na gawain sa pagpapatatag ng bansa tungo sa tunay na kaginhawaan para sa lahat ng mamamayang Pilipino. Ayon kay Andres Bonifacio, maipapakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagsisipag, “Ang kasipagan sa paghahanap buhay ay pagmamahal din sa sarili, sa asawa, sa anak at kapatid o kababayan.”[16] Ang pag-aaral ng mabuti at hindi pagsasayang ng pera ng sambayanan ay isa nang hakbang ng pagmamahal sa bayan. Kaya tayo nasa pamantasan para mag-aral, tapos ay kumilos. Ang diwa ng UP ay ang pagiging da best.
Sino si Isko? Da best. Para sa bayan.
[1] Reynaldo C. Ileto, Pasyon and Revolution, Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Pamantasang Ateneo de Manila, 1979); at Teresita G. Maceda, Mga Tinig Mula sa Ibaba: Kasaysayan ng Partido Komunista at Partido Sosialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955 (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1996.
[2] Tinanggap mula kay Rani Parangan, 2 Nobyembre 2007, 21:00:22.
[3] Tinanggap mula kay Dr. Maria Luisa Bolinao at Janina Santos, Agosto 2007.
[4] Tinanggap mula kay Janina Santos, 10 Agosto 2008, 21:18:59. Nang ipasa ko it okay Prop. Benjamin Mangubat ng UP Maynila nasabi niya “I chk d dictionary n my golly ur ryt!” (16 Agosto 2008, 08:12:53), at idinagdag, “A suppository can’t also b had f UP isnt around. Mabuhay!” (16 Agosto 2008, 08:23:41) Ibinalita sa akin ni Prop. Victor Immanuel Carmelo “Vim” D. Nadera, Jr. na nang maipasa ang mensahe sa Pang. Emerlinda Roman nasabi niya, “That’s witty!” (16 Agosto 2008, 21:44:05)
[5] Oscar M. Alfonso, ed, The University of the Philippines—The First 75 Years (1908-1983) (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1983); Gloria D. Feliciano, ed, The University of the Philippines: A University for Filipinos (Kalakhang Maynila: Kyodo Printing Co., 1984); Belinda A. Aquino, ed, The University Experience: Essays on the 82nd Anniversary of the University of the Philippines (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1991); at Cristino Jamias, The University of the Philippines, the First Half Century (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1962).
[6] “University of the Philippines Bulletin No. 1 Catalogue 1910-1911” (Manila: Bureau of Printing).
[7] “The Role of the University: Quotes from the UP Presidents” sa Belinda A. Aquino, ed, The University Experience: Essays on the 82nd Anniversary of the University of the Philippines (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1991), 198.
[8] Teodoro A. Agoncillo at Oscar M. Alfonso, History of the Filipino People (Lungsod Quezon: Malaya Books, 1967).
[9] “Uphold Campus Press Freedom!” Pangulong Tudling ng Philippine Collegian, ika-12 ng Enero, 1976.
[10] Domini M. Torrevillas, “Abraham Sarmiento, Jr.: Vanguard of Campus Press Freedom,” sa Asuncion David Maramba, ed, Six Young Filipino Martyrs (Lungsod ng Pasig: Anvil Publishing Inc, 1997), 228-276.
[11] Marotes Danguilan Vitug, “Lean Alejandro: Thinker, Activist,” sa Asuncion David Maramba, ed, Six Young Filipino Martyrs (Lungsod ng Pasig: Anvil Publishing Inc, 1997), xvi-41.
[12] Atoy M. Navarro at Flordeliza Lagbao-Bolante, eds, Mga Babasahin sa Agham Panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya at Pantayong Pananaw (Lungsod Quezon: C&E Publishing, Inc., 2007); at Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez (Tatel) at Vicente Villan, Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000).
[13] “Pamantasang Hirang The Centennial Concert: 100 Years of Excellence, Leadership and Service,” ika-18 hanggang ika-20 ng Hunyo, 2008, Pangunahing Teatro ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.
[14] Patricio N. Abinales, “Paunang Salita” sa Atoy M. Navarro, Alvin D. Campomanes, John Lee P. Candelaria, eds, Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan (Lungsod Quezon: UP Lipunang Pangkasaysayan, 2008), vii.
[15] Tingnan ang mga talaban ng iba’t ibang pananaw ng mga estudyante ng UP ukol sa iba’t ibang isyu sa Peyups.com.
[16] Andres Bonifacio, “Katungkulang Gagawin ng mga Z.Ll.B.” (Dekalogo ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan) sa Teodoro A. Agoncillo at S.V. Epistola, eds, The Trial and Writings of Andres Bonifacio (Maynila: Manila Bonifacio Centennial Commission at ng Unibersidad ng Pilipinas, 1963)