IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

ANG TALI SA RETRATO NG MALOLOS, Para sa ika-114 taon ng Unang Republika ng Pilipinas, 23 Enero 2013

Kongreso ng Malolos, mula sa Ayala Museum

 

Hindi nabasang pahayag ni Xiao Chua na noon ay Pangalawang Pangulo ng Philippine Historical Association, sa pagsasara ng sampaksaan ng Bahay Saliksikan ng Bulacan at ng Kapisanang Pangkasaysayan ng Pilipinas bilang paggunita sa ika-112 na taon ng pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan, “ImaheNasyon 2:  Ang Imahe ng Nasyon at Bayan ng Republica Filipina, 1899,” Bulacan State University, 21 Enero 2011.  Inilagay sa wordpress bilang paggunita sa ika-114 na taon ng pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan, 23 Enero 2013.

Ayon kay Propesora Winnie Monsod, may dalawang klase ng tao sa Pilipinas, kung hindi ka mayaman, siyempre mahirap ka.

Tila tumutugma ito sa pagsusuring ginawa sa lipunan ni Dr. Zeus A. Salazar.  Ayon sa kanya, mayroon daw dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa pagitan ng elit at ng bayan / masa.  Tumutukoy ito sa magkaibang kultura at kaisipan nila na lumitaw sa kanilang ideya ng bansa noong panahon ng Himagsikang Pilipino.

Sa mga elit / ilustrado noon na na nagkaroon ng edukasyong Europeo ang pagkabansa ay yaong naganap Rebolusyong Pranses at mababasa sa mga sinulat ng mga pilosopo ng Enlightenment —isang Nación sa uring Republicano kung saan ang bawat citizen ay may mga karapatan at kalayaang tinatamasa ayon sa Konstitusyon, nakakamit ito sa pamamagitan ng Revolucion hanggang matamo ang pulitikal naIndependencia.

Ngunit hindi sapat ang kalayaan lamang para sa bayan at mga makabayan.  Sa orihinal na Katipunan ang ideya ng bansa ay nag-uugat sa dalumat o konsepto ng Inang Bayan, kung saan ang lahat ay magkakapatid sa pag-ibig sa bayan, at ang tunay na kalayaan ay kaginhawaan, at ang batis ng kaginhawaan ay ang matuwid na kaluluwa ng mga anak ng bayan.[1]

Sa pagkawala kay Andres Bonifacio ng pamunuan ng Katipunan, ang nangibabaw ay ang hiraya (imagination) ng mga ilustrado ng kung ano ang bansa.

Ang pagkakahating ito ay nasasalamin rin sa mga larawan ng Kongreso at Republika ng Malolos noong 1898-1899 ayon kay Dr. Salazar sa kanyang presentasyon na unang ImaheNasyon.  Kung titingnan ang parada, ang mga elit ang bida habang ang bayan ay tagamasid lamang.[2]  Sa sikat na larawan ng looban ng Simbahan ng Barasoain noong Kongreso ng Malolos, ipinakita sa akin ni Prop. Ian Christopher Alfonso na ang mahiwagang linya na matagal nang tinatanong ni Dr. Ambeth Ocampo sa kanyang mga kolum[3] ay tali pala na naghihiwalay sa mga delegado at sa mga manonood kung titingnan ang mga mas maliwanag na larawan.

Sa mga historyador na tulad ni Teodoro Agoncillo, total failure ang Gobierno Revolucionario sa Malolos dahil mga mayayaman at elitista ang kumatawan sa bayan.  Elitista ang konsepto, elitista ang tao.  Malolos: Crisis of the Republic, pamagat ng kanyang akda.

Pero para sa akin, elit man ang Kongreso at Republika ng Malolos, hindi ibig sabihin ay lahat ng nag-aadhika ng Nación ay masama na, at hindi para sa bayan ang kanilang ginagawa.  Nakulong tayo sa imahe ng balimbing na elit na tulad ni Pedro Paterno.

Ang Malolos noong 1899 ay salamin ng tunay na mundo.  Ang inggitan at pulitikahan na makikita sa ating pamahalaan ngayon ay makikita na rin sa Unang Republika.  Tulad ng ipinahayag ng papel ni Prop. Jonathan Balsamo, ito ay “laro ng pulitika” ng ating mga pinuno kung saan ang kadalasang natatalo ay ang bayan na tagamasid lamang at hindi naman talaga kasali.  Ngunit sa kabila nito ay mayroong mga salaysay ng kabayanihan.

Ang pagkakaroon sa Malolos ng Republica Filipina na nagpatuloy sa Tarlac, Tarlac, ay nagpapatunay na kaya nating magpatakbo ng pamahalaan sa kabila ng Digmaang Pilipino-Amerikano.[4]

Felipe Agoncillo, obra ni Felix Resurrecion Hidalgo, mula sa Pambansang Tipunan ng Sining, Pambansang Museo ng Pilipinas

 

Sa pagtalakay ni Dr. Celestina Boncan ngayong hapon nakilala natin ang katulad ni Felipe Agoncillo na isinakripisyo ang kanyang gumagandang karera sa pagka-abogado para maglingkod bilang diplomat, ang ating unang diplomat, ng isang pamahalaang walang perang pantustos sa kanyang mga paglalakbay.  Ang kanyang asawa, si Marcela Mariño Agoncillo ay ipinagbenta pa ang kanyang mga hiyas upang ipantulong na itustos sa mga paglalakbay ni Felipe sa Paris upang makilahok sa Tratado sa Paris bagama’t pinagsarhan siya ng pinto, at sa Washington, D.C. kung saan nakausap niya ang Pangulo ng Estados Unidos, at sa iba’t iba pang bansa sa daigdig upang makuha ang isang kinakailangan upang maging isang bansa-estado—ang pagkilala ng pandaigdigang pamayanan.  Hindi rin siya basta-basta naniwala sa mga pangako ng Estados Unidos at kinausap ang iba pang mga bansa.  Elit nga at kanluranin si Felipe Agoncillo ngunit nakita natin na siya ang isa sa pinakamagaling na kanluranin, at kung kanluraning mga bansa at tao ang kausap, kailangang kanluranin ka rin, kaya naman siya iginalang.  Ikararangal ng Malolos ang Batangueño na ito sa Republika ng inyong bayan.

Hen. Emilio Aguinaldo, mula sa Dambanang Aguinaldo, Kawit, Cavite

 

Sa papel ni Prop. Ian Christopher Alfonso nakita natin na sa kabila ng elitistang konsepto ng pamahalaan, may pagtatangka na magkaroon ito ng mukha na katutubo.  Ngayon ko lang nalaman mula sa kanya na ang opisyal na salin nina Hen. Aguinaldo sa Tagalog ng Gobierno Revolucionario ay Pamunuang Tagapagpabangong Puri.  Makikita rin sa memorandum sa kalendaryo ni Aguinaldo para sa petsang 12 Hunyo 1898, kanyang sinulat “Ypinanaog ang Bandera nacional dito sa bahay ng nasirang Dn. Maximo Ynocencio, patungo sa bayan ng Cauit o C. Viejo p.a proclamahin ang aspiracion ng Yndep.a nitong Sangkapuluang Katagalugan o Filipinas oras ng a las cuatro at dalauang minutong hapon. Cavite a 12 Junio 1898.”[5]  Samakatuwid, ginamit niya bilang pantawag sa Pilipinas ang konsepto ng “Katagalugan” ni Andres Bonifacio!  Pagkilala niya ito sa pagpapatuloy ng pamahalaan niya sa pamahalaan ni Bonifacio, bagamat masalimuot na isyu ito.

Bagama’t inaakala ng marami na masoniko ang mga simbolismo na nasa ating watawat na dinisenyo ni Hen. Aguinaldo, na isa mismong mason, sa pagbasa ni Dr. Zeus Salazar, kung nag-ugat sa tatsulok ng Katipunan ang trianggolo ng watawat, may impluwensya rin sa disenyo ang disenyo ng anting-anting ng mata ng omniscient na Diyos.  At ang mitolohikal na araw ay nagmula rin sa simbolo ng mga katutubo Austronesyano sa Bathala.[6]

Tatsulok na anting-anting na nasa kamalayan at gamit ng Katipunan, inspirasyon ng kanilang tatsulok

Bandilang Anting-Anting ng Samahang Tres Personas Solo Dios, Kinabuhayan Dolores, Quezon, mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People

 

Maaaring sabihin na nalinlang si Hen. Aguinaldo ng Amerikanong Konsul na si E. Spencer Pratt nang pangakuan ito ng diplomat na tutulong ang Amerika sa pagpapaalis sa mga Espanyol habang kikilalanin ang pagsasarili ng mga Pilipino (Bagama’t nabasa ko sa isang librong Amerikano ukol sa Digmaang Espanyol-Amerikano na walang ebidensya o dokumento na magpapatunay na mayroong ipinangako na gayon kay Aguinaldo), si Hen. Aguinaldo rin ay mabilis na kumilos nang kanyang maramdaman na ang pangakong ito ay hindi tutuparin.  Matapos ang Moro-Morong labanan sa Maynila noong 13 Agosto 1898, at nang makuha ng mga Amerikano ang Intramuros, ang sentro ng kapangyarihang kolonyal, at hindi pinapasok ang mga kawal Pilipino dito, agad na itinatag ni Hen. Aguinaldo ang Kongreso ng Malolos upang itatag na ang naging unang konstitusyunal na demokratikong republika sa Asya.

Kaya naman bagama’t debatable ang papel ni Hen. Aguinaldo sa ating kasaysayan, let us give credit to where credit is due.  Ibigay ang aginaldo na nararapat kay Hen. Emilio Aguinaldo.

Sa kasaysayan na ito ng Unang Republika sa Malolos, makikita natin ang pagtatalaban ng kwento ng elit at bayan, at maging ng bisa ng kasaysayang pampook (local history o micro history / bulilit kasaysayan sa kataga nina Dr. Jaime B. Veneracion at Dr. Lino Dizon) sa kasaysayang pambansa, at vice versa.  Hindi magkakasaysay ang pambansang kasaysayan kung hindi titingnan ang mga lokal na reyalidad.

Bilang pangwakas, sa ating paghimay ng mga imahe ng nasyon at bayan sa Unang Republika sa bayang ito, makikita natin ang hindi nawawalang kahalagahan ng Malolos sa pagtanaw sa pambansang kasaysayan.  Gayundin huwag lamang tayong magpokus sa mga masasamang nangyari kundi sa mga mabubuti ring mga nagawa sa Republikang iyon.

Sa aking palagay, nakita rin natin dito na hindi masama na maging elit o maimpluwensyahan ng Kanluran.  Ang masama ay maging sakim sa kayamanan at kapangyarihan anuman ang iyong katayuan sa buhay.  Nariyan na ang impluwensyang kanluranin, yakapin na natin ang mga ito, basta iaangkop natin ang mga ito sa kultura at pangangailangan ng bayan.

Ayon sa Lakambini ng Katipunan, Gregoria de Jesus, “Sikapin ang ikapagkakaisa ng lahat at ika uunlad ng bayan upang huwag magkaroon ng sagabal ang kasarinlan.”[7]  Mabubuo lamang ang sambayanan kapag lumiit na ang agwat at nagkaisa na ang elit at ang masa, nabagtas na ang dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa pamamagitan ng talastasang bayan na isinasaalang-alang ang ating pananaw at ang ating ikabubuti.

Ngunit huwag nating kalimutan ang mga katutubo nating konsepto, lalo ang pakahulugan ng unang Katipunan sa Kalayaan at Katimawaan, na kailangan may kaginhawaan at kagandahang loob bago maging tunay na malaya ang buong sambayanan.

Prop. Ian Christopher Alfonso, Dr. Celestina Boncan, Prop. Jonathan Balsamo, 21 Enero 2011

 

[1]               Zeus A. Salazar, “Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan,”Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 1999); Zeus A. Salazar, “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon.” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 6 (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 1999); at Teresita Gimenez-Maceda, “The Katipunan Discourse on Kaginhawahan:  Vision and Configuration of a Just and Free Society,” sa Kasarinlan:  A Philippine Quarterly of Third World Studies 14:2 (1998), 80.

[2]               Zeus A. Salazar, “Ang Nasyon at Bayan sa ‘Congreso Filipino’ ng 1898:  Isang Pangkalahatang Perspektiba” (Papel na binasa sa  pagsasara ng pambansang kumperensya ng Bahay Saliksikan ng Bulacan, Kapisanang Pangkasaysayan ng Pilipinas, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at UP Lipunang Pangkasaysayan bilang paggunita sa ika-112 na taon ng pagbubukas ng Unang Kongreso ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan, “ImaheNasyon:  Paghiraya sa Nasyon at Bayan ng Congreso Filipino, 1898,” Bulacan State University Hostel, 14 Setyembre 2010).

[3]               Ambeth R. Ocampo, “Sosyal in Malolos” sa Mabini’s Ghost (Lungsod ng Pasig: Anvil Publishing, Inc., 1995), 78.

[4]               Lino Lenon Dizon, “The Tarlac Revolutionary Congress” sa The Tarlac Revolutionary Congress of July

14, 1899:  A Centennial Commemoration (Lungsod ng Tarlac:  Center for Tarlaqueño Studies, Tarlac State University, 1999) at Michael Charleston B. Chua, “A Footnote in History:  Tarlac, Seat of Government of the Philippine Republic, 1899,” Alaya:  The Kapampangan Resesarch Journal 3, December 2005.

[5]               Isagani R. Medina, “Si Emilio Aguinaldo Bilang Tao at Ama ng Kalayaan, Bandila at Awiting Pambansa,” sa Isagani R. Medina, ed., Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik (Revolucion) nang 1896-97 sinulat ni Carlos Ronquillo y Valdez (Lungsod ng Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1996), 795.

[6]               Zeus A. Salazar, “Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan,”Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 1999), 29, 34.

[7]               Gregoria de Jesus, Mga Tala ng Aking Buhay at mga Ulat ng Katipunan (Maynila:  Palimbagang Fajardo, 1932).

XIAOTIME, 22 January 2013: MGA PABORITONG TULA AT MUSIKA NI FORMER PRESIDENT CORAZON AQUINO

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 22 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang portrait ni Cory Sumulong Cojuangco na ipinapinta ni Ninoy Aquino kay Fernando Amorsolo.  Ibinigay ni Ninoy kay Cory ang obra noong ika-21 na kaarawan niya at nagkakahalaga ng dalawang buwang suweldo niya.  Mula sa Ninoy and Cory Aquino Foundation.

Ang portrait ni Cory Sumulong Cojuangco na ipinapinta ni Ninoy Aquino kay Fernando Amorsolo. Ibinigay ni Ninoy kay Cory ang obra noong ika-21 na kaarawan niya at nagkakahalaga ng dalawang buwang suweldo niya. Mula sa Ninoy and Cory Aquino Foundation.

22 January 2013, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=AIr0SswfY_0

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  80 years ago sa Biyernes, January 25, 1933, isinilang sa Maynila si Maria Corazon Sumulong Cojuangco Aquino—siya na nga ang ating Tita Cory, unang babaeng pangulo ng Pilipinas at siyang nagbalik ng demokratikong mga institusyon matapos ang isang mahabang diktadura.

Naaalala ko na isa ito sa mga postcard ni Tita Cory na dala-dala ko noong bata pa ako.

Naaalala ko na isa ito sa mga postcard ni Tita Cory na dala-dala ko noong bata pa ako.

Noong bata pa ako sa Tarlac, inspirasyon ko habang lumalaki ang mga imahe sa telebisyon ng People Power na nagtanim sa akin ng pagiging proud na ako ay Pilipino.  Kapag may helikopter na dumadaan noon gagawin ko ang Laban sign sa aking kamay habang tumatakbo at sinisigaw, “Coreee! Coreee!” Nagdadala rin ako ng munting postcard ng kanyang larawan at minsang nilalagay ko ito sa harap ng aming bahay noong ako ay naglalaro.

Naaalala ko na isa ito sa mga postcard ni Tita Cory na dala-dala ko noong bata pa ako.

Naaalala ko na isa ito sa mga postcard ni Tita Cory na dala-dala ko noong bata pa ako.

Mapalad ako na limang beses ko siyang nakamayan noong siya ay nabubuhay pa kabilang na sa ilang makasaysayang pangyayari tulad noong maparangalan siya ng Ramon Magsaysay Award noong 1998 at noong misa para sa mga biktima ng 9-11 noong 2001.

Unang pagkikita:  Sa Ramon Magsaysay Award Presentation Ceremonies, August 31, 1998.  Sa dami nang nais bumati hindi maayos na nakapagpakodak.  Kuha ni Edna Apondar.

Unang pagkikita: Sa Ramon Magsaysay Award Presentation Ceremonies, August 31, 1998. Sa dami nang nais bumati hindi maayos na nakapagpakodak. Kuha ni Edna Apondar.

Ikalawang Pagkikita:  Sa Katedral ng Maynila para sa misa para sa mga biktim ng 9-11, September 2001.  Kuha ni Xiao Chua.

Ikalawang Pagkikita: Sa Katedral ng Maynila para sa misa para sa mga biktim ng 9-11, September 2001. Kuha ni Xiao Chua.

Ikatlong pagkikita:  Aquino Center sa Tarlac City, October 2001.  Kuha ni Mayo Baluyut.

Ikatlong pagkikita: Aquino Center sa Tarlac City, October 2001. Kuha ni Mayo Baluyut.

Ikalimang Pagkikita:  Sa Plaza Luisita Mall Parking Lot kasama si Mayo Baluyut, May 1, 2004.

Ikalimang Pagkikita: Sa Plaza Luisita Mall Parking Lot kasama si Mayo Baluyut, May 1, 2004.

Minsan din ay nagpaunlak siya na makapanayam ko at ng aking mga kaklase noong March 12, 2003 sa kanyang opisina sa Makati.  Estudyante lamang ako noon sa UP at napansin ko na siya ay isang pormal na tao na nagpapahalaga sa distansya at pribasiya, ngunit naging mabuti ang kanyang pagtrato sa amin at pinadama niya na espesyal kami sa kanya.

Ikaapat na Pagkikita:  Panayam para sa Communication 3 sa ilalim ni Prop. Melanie Moraga Leano sa Cojuangco and Sons Bldg., Makati, March 12, 2003.

Ikaapat na Pagkikita: Panayam para sa Communication 3 sa ilalim ni Prop. Melanie Moraga Leano sa Cojuangco and Sons Bldg., Makati, March 12, 2003.

MAHAL NAMIN SI TITA CORY: Hender Gercio, Emma Sagum, Pang. Cory Aquino, Bryan Hernandez, at Xiao Chua. Nasa likuran ang kanyang mga paintings, March 12, 2003.

MAHAL NAMIN SI TITA CORY: Hender Gercio, Emma Sagum, Pang. Cory Aquino, Bryan Hernandez, at Xiao Chua. Nasa likuran ang kanyang mga paintings, March 12, 2003.

Prmosyunal na pabalat ng gawa-gawang magasin na madodownload sa ibaba na nagtataglay ng panayam ng grupo ni Xiao Chua kay Pangulong Cory Aquino.   Disenyo ni Xiao Chua.

Prmosyunal na pabalat ng gawa-gawang magasin na madodownload sa ibaba na nagtataglay ng panayam ng grupo ni Xiao Chua kay Pangulong Cory Aquino. Disenyo ni Xiao Chua.

Download magasin:  Cory Aquino Magazine and Interview

Natanong namin sa kanya kung ano ba ang theme song ng kanyang kabiyak na si Ninoy.  Sagot niya “We enjoyed yung Moonlight Serenade (http://www.youtube.com/watch?v=n92ATE3IgIs) …it was more for the music rather that for the lyrics that we liked it.  And at that time, nung hindi pa kami kasal and it’s very popular in the Philippines …and everytime they play that we really danced to the tune.”  Ang Moonlight Serenade ay isang instrumental na pinasikat ng Glenn Miller Orchestra noong 1939.

Glenn Miller

Glenn Miller

Gayundin, minsan isang anibersaryo ng kasal nila, binigyan ni Ninoy si Cory ng kanyang tula mula sa kulungan kung paanong napaibig siya ng iisang babae ng tatlong beses—nang magkakilala sila, nang magkasupling sila at nang siya ay makulong sa ilalim ng Batas Militar, si Cory ang kanyang “source of comfort, and the wellspring of hope.”

Ninoy at Cory Aquino.  Mula sa Ninoy at Cory Aquino Foundation.

Ninoy at Cory Aquino. Mula sa Ninoy at Cory Aquino Foundation.

Ang “I Have Fallen In Love” (http://www.youtube.com/watch?v=d8UKeuYf8ew) ay ginawan ng bagong areglo at musika ni José Mari Chan kaya naman marami raw ang naiinggit kay Cory dahil sa tulang ito.  Sabi niya sa amin, “He felt bad that for all our birthdays he wasn’t working, he didn’t have money to buy and he didn’t have the chance to go buy gifts for us, so he did what he thought he could do best and so he wrote poems.  …So, well, I was very happy that in fact a number of my friends where envious and when they were saying, ‘Mabuti ka pa…’ Sabi ko, ‘Loca! He was in prison! So gusto niyo pakulong ninyo muna ang mga asawa niyo and you’ll have something like that!’  Well I was of course, I was very happy and pleased that he recognized, you know, my total support for him.”

Si Xiao at ang aydol niya na si José Mari Chan.

Si Xiao at ang aydol niya na si José Mari Chan.

May romantic side at sense of humor pala ang madasalin ngunit matibay na figura na sinubok ng kasaysayan.

Tumatawa at Masayang Tita Cory.

Tumatawa at Masayang Tita Cory.

Simple lang at matatag, tulad ng karamihan sa atin.  Yan si Tita Cory.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, Lungsod Quezon, 19 January 2013)

SI CORY BILANG INA:  Kasama si Kristina Bernadette.  Mula sa Ninoy and Cory Aquino Foundation.

SI CORY BILANG INA: Kasama si Kristina Bernadette. Mula sa Ninoy and Cory Aquino Foundation.

XIAOTIME, 21 January 2013: TUNAY NA KASAYSAYAN SA LIKOD NG CAVITE MUTINY

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 21 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Fort San Felipe Neri sa Cavite, pinagganapan ng Motin de Cavite.  Mula kay Arnaldo Dumindin.

Fort San Felipe Neri sa Cavite, pinagganapan ng Motin de Cavite. Mula kay Arnaldo Dumindin.

21 January 2013, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=CTt3X3tqj90

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ang episode na ito ay handog sa inyo ng The Grand L Square & Residences.  Kung kayo ay mapadpad sa Tarlac City, tumuloy sa L Square Hotel.  Where comfort and affordability spends here.

01 L Square Hotel.  Where comfort and affordability spends here

Happy fiesta sa aking bayang sinilangan, Tarlac City kahapon January 20.  Gayundin, 141 years ago kahapon, January 20, 1872, naganap ang tinatawag na Motín de Cavite.  Huh???  What’s that Pokemón???  Ito po ang Cavite Mutiny na naging dahilan ng pagbitay sa garote sa tatlong pareng martir Mariano Gomes, José Burgos at Jacinto Zamora na ikinagimbal ng bayan.

Motin de Cavite, mula sa Philippine Almanac.

Motin de Cavite, mula sa Philippine Almanac.

Sa mga susunod na taon, ang katagang Mil Otso Sientos Sitenta y Dos ay ikinanginginig ng marami at pinag-uusapang sambitin.  Ganito ang epekto ng naging tugon ng mga Espanyol sa isang nabigong pag-aalsa.  Ayon sa ating mga teksbuk, pinangunahan ito ng isang Sarhento Francisco Lamadrid na sinalakay ang Fort San Felipe Neri sa Cavite gamit ang ilang sundalong Espanyol.

Sarhento Francisco Lamadrid.  Mula sa Philippine Almanac.

Sarhento Francisco Lamadrid. Mula sa Philippine Almanac.

Ito ay dahil daw sa pagtanggal ng pribilehiyo ng mga nagtatrabaho sa arsenal ng Cavite sa hindi pagbabayad ng tributo o buwis at sa hindi paglahok sa sapilitang paggawa.  Matagumapy na nakuha ng mga rebelde ang Fuerza ngunit matapos ang isang oras nagapi na ito ng mga pwersang Espanyol.  Namatay ang mga pinuno ang rebelyon at ang pinaghihinalaan na mga kasangkot ay itinapon sa Marianas o Guam [at iba pang lugar], o di kaya ay binitay.  Ngunit, isang bagong pag-aaral ang inilathala ng Heswitang Historyador na si John Schumacher batay sa isang bagong tuklas na dokumento, isang ulat, na isinulat mismo ni Gobernador Heneral Rafael de Izquierdo, na siyang babago sa mga kaalaman natin ukol sa rebelyon.

Padre John Schumacher.  Mula sa Philippine Studies.

Padre John Schumacher. Mula sa Philippine Studies.

Hindi lamang pala pagbabayad ng tributo at sapilitang paggawa ng mga trabahador ng arsenal ang dahilan ng pag-aalsa tulad ng unang nabanggit.  Ni wala ngang nagmula sa arsenal sa mga nag-alsa.  Isa pala sana itong malawakang pag-aalsa na naglalayong makipaghiwalay ang Pilipinas sa Espanya!  Kasama sa plano ang kasabay sana na paglusob sa Fort Santiago sa Maynila.  Matapos nito ay pagdedeklara ng independencia at pagpatay ng lahat ng mga Espanyol na hindi magmamakaawa sa kanila.  Nabigo ang pag-aalsa dahil sa napaghandaan na rin ni Izquierdo ang pag-aalsa dahil sa ilang mga sulat na walang lagda na nagsusumbong sa mga plano at nang makumbinsi niya ang ilan sa mga sasama sana sa rebelyon na huwag nang tumuloy.  Ang mga tunay na utak ng pag-aalsa ay hindi ang tatlong paring martir na binitay kundi ang mga mason na sina Máximo Inocencio, Crisanto de los Reyes, at Enrique Paraíso na kasama sa mga naipatapon lamang.

Sina Crisanto de los Reyes, Máximo Inocencio at Enrique Paraíso habang ipinapatapon matapos ang Motin de Cavite.  Larawang-guhit mula sa Geronimo Benernger de los Reyes (GBR) Museum.

Sina Crisanto de los Reyes, Máximo Inocencio at Enrique Paraíso habang ipinapatapon matapos ang Motin de Cavite. Larawang-guhit mula sa Geronimo Benernger de los Reyes (GBR) Museum.

Bakit kaya hindi rin sila binitay?  Suspetsa ni Schumacher, ito ay dahil kapwa mason ang tatlong utak ng rebelyon at ang Gobernador Heneral!  Maaari ring ginamit ng mga nag-organisa ng pag-aalsa na si Francisco Zaldúa, na ginarote ng mga Espanyol kasama ang tatong pari matapos ang isang buwan, ay ginamit ang pangalan ni Burgos upang makapanghikayat.

Monumento para kina Máximo Inocencio, Crisanto de los Reyes, at Enrique Paraíso sa Geronimo Benernger de los Reyes (GBR) Museum, Cavite.  Kuha ni Xiao Chua.

Monumento para kina Máximo Inocencio, Crisanto de los Reyes, at Enrique Paraíso sa Geronimo Benernger de los Reyes (GBR) Museum, Cavite. Kuha ni Xiao Chua.

Anuman ang nangyari, ang mga pangyayari sa Cavite at ang pagbitay sa mga pari ng 1872 ay tatatak sa isipan ng maraming mga Pilipino at isa sa mga binabanggit na salik na pagnanais ng kalayaan mula sa mga kolonisador.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

Pinagsususpetsahang composite na larawan nina Padre Mariano Gomes, Padre Jacinto Zamora at Padre Jose Burgos.

Pinagsususpetsahang composite na larawan nina Padre Mariano Gomes, Padre Jacinto Zamora at Padre Jose Burgos.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 19 January 2013)