ANO PANG HINAHANAP-HANAP MO E NARITO LANG SIYA: Kwentong Ramon “JunMag” Magsaysay, Jr.

Ramon "Jun" Magsaysay, Jr. Para sa magsasaka pero techie rin.

Ramon “Jun” Magsaysay, Jr. Para sa magsasaka pero techie rin.

Makasaysayang araw po!  Akala niyo si Ser Chief no?  Hindi po!  Sir Xiao Chua po, isang guro ng kasaysayan.  Nais ko pong ibahagi sa inyo ang kwento ng isang simpleng taong nagngangalang Ramon, Jr.  Anak siya ng Pangulong Ramon Magsaysay, ang Pangulong nagbukas ng Palasyo ng Malacañang para personal na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan, dahil dito minahal siya ng masa.

Ang pamilya Magsaysay.  Mula sa zambalesforum.org.

Ang pamilya Magsaysay. Mula sa zambalesforum.org.

Si Pangulong Magsaysay at si Gng. Luz Banson Magsaysay kasama ang kanilang mga ana na sina Tita, Jun at Mila.

Si Pangulong Magsaysay at si Gng. Luz Banson Magsaysay kasama ang kanilang mga ana na sina Tita, Jun at Mila.

Anak ng kanyang ama:  Ang dalawang Ramon.

Anak ng kanyang ama: Ang dalawang Ramon.

Binatilyo, 18 years old pa lamang noon ang bunso at tanging anak na lalaking si JunMag nang ang kanyang ama ay nasawi sa pagbagsak ng isang eroplano sa Cebu.  Binuksan ni Jun ang safe ng kanyang ama at natuklasan niya na dalawang libong piso lamang ang naiwan ng pangunlo ng Pilipinas.  At doon niya natutunan na ang tunay na pagliingkod sa bayan ay hindi pagpapayaman sa puwesto.

Dahil wala namang gaanong materyal na bagay na iniwan ang kanyang ama sa kanila, nagtulong-tulong ang mga kaibigan ng kanilang pamilya na magpatayo ng tahanan para sa pamilya Magsaysay.  Gayundin, nag-alay ang mga pamantasan ng iskolarsyip para sa tumuloy sa pag-aaral ang mga anak ng pangulo.  Hindi sinayang ni Jun ang mga pagkakataon na ibinigay sa kanya.  Nagtapos ng  si Jun ng Mechanical Engineering sa De La Salle College at hindi naglaon, nag-aral sa Harvard School of Business Administration sa Boston noong 1962 at nag-aral din sa New York University Graduate School of Business Administration.

Noong 1962, nang mag-enroll sa Harvard si Jun Magsaysay, pinatawag siya at ang kanyang inang si Luz sa tanggapan ni Pangulong John F. Kennedy kasama si Heneral Ralph Lovett.  Sosyal.

Noong 1962, nang mag-enroll sa Harvard si Jun Magsaysay, pinatawag siya at ang kanyang inang si Luz sa tanggapan ni Pangulong John F. Kennedy kasama si Heneral Ralph Lovett. Sosyal.

Sa pagitan ng nito, naghanapubuhay bilang engineer trainee sa Procter and Gamble Philippines. Mula 1961 hanggang 1962, naging supervising engineer for operations para sa Caltex Philippines.

Noong 1965, nahalal siyang isa sa pinakabatang mambabatas, kongresista ng Zambales sa edad na 27.  Sa pakikitungo sa tao.  Nakuha ni JunMag ang pagiging mapagpatawad ng kanyang ama, ngunit inis na inis ang kanyang kapatid na si Mila sa tuwing nakikita niyang pinagsasamantalahan ng marami ang kabaitan niyang ito.  Noong 1969, agad na nagbalik sa pribadong sektor.  At doon niya napatunayan na bagama’t anak siya ng kanyang ama, kaya niya ring gumawa ng sariling kasaysayan.

Pinasok niya ang iba’t ibang negosyo—paggawa at pag-export ng mga damit, semi-conductor, pati na rin ang turismo biruin niyo.  Dahil techie sa panahon na hindi pa uso, sinamahan pa ng kanyang pinag-aralan ukol sa negosyo at noong 1972, sa pamamagitan ng Colorview CATV, Inc. dinala ni Jun ang industriyang cable TV sa Pilipinas. Bago pa man ang internet, ang cable TV ang siyang nagbukas ng mata ng Pilipino sa mundo—na ngayon ay isa nang multi-bilyong industriya ng 550 cable operators sa buong bansa.  At si JunMag ang kinikilalang ama nito, The Father of the Philippine Cable Television.  Biruin mo yun!

Ngunit dahil sa pamanang integridad ng kanyang ama, hindi naiwasan ang tawag ng paglilingkod-bayan.  Matapos na ang ticket na Miriam Defensor Santiago-Jun Magsaysay ay mabigong magwagi bilang pangulo at pangalawang pangulo noong Halalang 1992, inanyayahan ni Pangulong Fidel V. Ramos na sumama sa Lakas-Laban Coalition at tumakbong senador noong 1995, pumangatlo pa!  Isa sa una niyang misyon ay ihanap ng bagong lugar na paglilipatan ang Senado mula sa Pambansang Museo—napili niya ang Gusali ng GSIS sa Financial Complex sa Lungsod ng Pasay.

Si Ramon "Jun" Magsaysay sa Senado.

Si Ramon “Jun” Magsaysay sa Senado.

Hindi sinayang ni JunMag ang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng bayan na maglingkod sa kanila bilang senador hanggang 2007.  73 mga naaprubahang batas ang kanyang naipasa bilang principal author at co-sponsor.  Ilan sa mga ito ay hindi basta-bastang mga batas, naging saligan at nakatulong ng malaki sa maliliit na negosyo, mga magsasaka at mangingisda, at mga sundalo, maging sa pangangalaga ng teknolohiya at kayamanan ng bansa.

  • Magna Carta for Small and Medium Enterprises (RA 8289), 1997
  • Agriculture  and Fisheries Modernization Act (RA 8435), 1997
  • Electronic Commerce Act (RA 8792), 2000
  • The Anti-Money Laundering Law and Its Subsequent Amendment (RA 9160), 2001—dahil dito nawala tayo sa mga nangungunang bansa na naglalabas ng malaking pera sa ibang bansa na nagagamit sa korupsyon.  Nagkaroon ng AMLAC at nakatulong sa impeachment ni Chief Justice Renato Corona
  • AFP Base Pay Law (RA 9166), 2002
  • National Service Training Program Law (RA 9163), 2002—Ang ROTC ay naging isa na lamang na pagpipiliang serbisyo na maaaring pag-aralan ng mga nasa kolehiyo, nareporma ang ROTC.
  • New AFP Table of Organization Law  (RA 9188), 2003

Ilan pa sa mga batas at panukala na naisulong niya ay ang New Foreign Investments Law (RA 8179), Mechanical Engineering Law (RA 8495), Jewelry Manufacturing Act, Amendments to the Omnibus Investments Code (RA 8756), at ang Further Strengthening the Social Security System (RA 8282).

Hindi lamang iyon, 17,000 iskolarsyip ang dumaloy mula sa kanya sa programang “Iskolar ni Magsaysay” para sa mga kursong teknikal-bokasyunal, post-gradwado at pag-aabogado.  Tulad ng trademark na programa ng kanyang ama, nagpaabot ng 2,000 mga artesian wells sa mga malalayong barangay at paaralan sa bansa, gayundin 100,000 rin ang naipamahaging tulong medikal.  Bilang kakampi ng kabataan, naging programa niya ang Young Farmers Program, JOBS Fair sa Senado at YouthTech.  Siya ang unang nagsulong ng Information Technology sa Senado noong 1990s sa panahon na inaalaska siya sa radio ng isang ubod ng sikat na komentarista na hindi naman magagamit ng mga mahihirap ang mga pinapausong panukala nitong si JunMag, yang IT-IT na yan.  Ngayon, sino na ang hindi gumagamit ng internet at kompyuter sa kanilang mga aralin at mga pangangailangan?

Jun Magsaysay, original "techie."

Jun Magsaysay, original “techie.”

Hindi niya sinayang ang ating buwis, sa tulong natin naisakatuparan niya ang lahat ng ito.

Isa siya sa sampung senador na bumoto para buksan ang ikalawang sobre ng ebidensya mula sa Prudential Life noong Impeachment ni Pangulong Joseph Estrada.  Ang pagkatalo nila sa bilang ang siyang nagbunsod ng EDSA Dos na nagpatalsik sa dating pangulo.  At kahit na sa partido ng nakaraang dispensasyon nagwagi siyang senador noong 2001, masusi niyang pinaimbestigahan sa Senado ang Fertilizer Fund Scam, ang pondo na nagamit sa pangangampanya para sa Halalang 2004.

Lagi tayong naghahanap ng taong malinis, walang bahid, may integridad, may karanasan at MAGALING.  Lagi nating sinasabing pare-pareho lahat ng pulitiko.  Hindi ako naniniwala dito.  Ano pa ang hinahanap-hanap natin e narito lang siya?  Nasa harapan lang natin.  Kung ahas lang siya, natuklaw na tayo.  Hindi kasi nagpapansin, hindi ipinagyayabang ang kanyang mga nagawa.

Si JunMag kasama ang kanyang anak na si Francisco "Paco" at ang kabiyak ni Jun na si Marie Louise "Marilou" Kahn sa kanyang paghahain ng Certificate of Candidacy, 2013.

Si JunMag kasama ang kanyang anak na si Francisco “Paco” at ang kabiyak ni Jun na si Marie Louise “Marilou” Kahn sa kanyang paghahain ng Certificate of Candidacy, 2013.

20121005-NPPA-AAG-00000589-jpg_181708

Mga katiket na sina Bam Aquino, Risa Hontiveros at Jun Magsaysay, 2013.

Mga katiket na sina Bam Aquino, Risa Hontiveros at Jun Magsaysay, 2013.

Kaya naman, mula sa kanyang pagreretiro, pinakiusapan siya ni Pangulong Noynoy Aquino na muling tumakbong senador sa halalang ito.  Hindi niya tinalikuran ang tawag na ito at nag-aadhika siya na kung muling tutuntong sa senado, lilikha siya ng isang roadmap para sa insustriya ng niyog lalo na at nauuso sa mundo ang Coco Juice, ibayo pang pagsusulog ng IT, e-commerce, at pagsisimula ng mga maliliit na negosyo, na maugnay ang lahat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng internet at Wi-Fi sa bawat barangay, at total gun ban sa bansa.

Senador JunMag, Xiao Chua at inang si Vilma.  Philippine International Convention Center, Enero 1999.

Senador JunMag, Xiao Chua at inang si Vilma. Philippine International Convention Center, Enero 1999.

Nang manalo ako ng ikatlong gantimpala sa First President Ramon Magsaysay Essay Writing Contest noong 1998 na sinimulan ng kanyang anak na si Paco, tinanggap niya ako at ang aking ina sa kanyang opisina at ibinigay ang aking plake.  Probinsyanong hayskul ako noon ngunit ang pagbibigay ng oras sa akin ng mataas na taong ito ang nagbigay sa akin ng inspirasyon na kaya kong maabot at makausap ang katulad niya, at matupad ang aking mga munting pangarap—na maging makabuluhang tao sa pagtuturo o sa media.  Taon-taon, nagkikita kami at hindi iya ako nakakalimutan.  Ang essay writing contest na iyon at ang kanyang kabaitan ang nagbukas ng maraming pinto para sa akin.

Si JunMag at si "Ser Chief" Richard Yap.

Si JunMag at si “Ser Chief” Richard Yap.

Si JunMag at si Dingdong Dantes.

Si JunMag at si Dingdong Dantes.

Si JunMag at si Ser Xiao, 1999.

Si JunMag at si Ser Xiao, 1999.

Bukas, mas magiging proud ako sa pagka-Pilipino ko kung mabibigyan pa siya ng isa pang pagkakataon na maglingkod.  Na mas magaling na tayong pumili ng ating mga pinuno.  Ako po si Xiao Chua, at yan ang kwento ng isang simpleng tao, si Ramon “Jun” Magsaysay, anak ng kanyang ama, at marami pang iba.  Magsaysay is STILL my GUY.

(Shell Oasis NLEX at Fairlane Subdivision, 11-12 May 2013, huli man at magaling, naihahabol din)