XIAO TIME, 20 May 2013: ANG USAPING TAIWAN AT ANG ONE CHINA POLICY
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Jiang Jieshi (Chiang Kai-Shek) at Mao Zedong nang mag-alyansa laban sa mga mananakop na Hapones sa Tsina. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, laban ulit sila. Ang epekto ng away nila hanggang ngayon nadarama natin sa Timog Silangang Asya.
20 May 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=pDmeZjVMh74
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Noong May 9, 2013 isang nakalulungkot na pangyayari ang naganap sa pagitan ng mga Coast Guard natin at mga mangigngisdang Taiwanese na ikinamatay ng isa sa kanila. Iniimbestigahan na ito.

Ang mga kaanak ng mangingisdang namatay sa Balintang Channel nang makita ang kanilang mahal sa buhay. Mula sa globalbalita.com.
Nag-demand ng formal apology ang pamahalaan ng Taiwan mula sa gobyerno ng Pilipinas, gayundin ipinagbawal na ang pagbibigay ng mga permit para makapaghanapbuhay ang mga Pilipino doon. Hindi rin tinanggap ng premier ng Taiwan na si Jiang Yi-huah ang mga paghingi ng paumanhin mula sa isang spokesperson ng ating pangulo at ng special envoy natin na si Amadeo Perez, chairman ng ating Manila Economic and Cultural Office (MECO) doon, isang paumanhin na mula sa “People of the Philippines.”

Si Pangulong Noynoy Aquino na ipinapakita bilang isang pirata sa isang protesta. Mula sa ibtimes.com
Sabi ng premier ng Taiwan, dapat magmula ang pag-sorry mula sa “government of the Philippines.” Ngunit bakit hindi na lamang ito basta-basta gawin ng pamahalaan, o ipadala ang pangalawang pangulo natin. Bakit hindi basta-basta nagkokomento ang ating Department of Foreign Affairs sa kapakanan ng 85,000 manggagawang Pilipino doon, ilan sa kanila nakararanas na ngayon ng pang-aapi at pananakit mula sa ilang mamamayan ng Taiwan.
Ito kasi ay isang masalimuot na diplomatikong usapin na may ugat sa kasaysayan. Liwanagin natin. Noong 1949, nagtapos ang digmaang sibil sa Tsina sa pagitan ng pamahalaang Kuomintang sa pangunguna ni Heneralisimo Chiang Kai Shek (Jiang Jieshi), pangulo ng Republika ng Tsina (ROC) at ng mag rebeldeng komunista sa pamumuno ni Tagapangulong Mao Zedong. Nagwagi sina Mao at si Chiang Kai Shek naman at ang kanyang pamahalaan ay lumikas sa isla ng Taiwan upang ipagpatuloy ang kanyang pamahalaan, ang ROC, at ituring na sila pa rin ang tunay na mga namumuno sa buong Tsina, in-exile nga lang.

Isang napakagandang romantikong paglalarawan ng pagproklama ni Mao sa pagkakatatag ng People’s Republic of China sa Tiananmen Square. Mula sa TIME.
Ang komunistang People’s Republic of China (PRC) ay naging isa sa pinakalamaking ekonomiya sa daigdig at noong 1970s, kinailangang buksan ni First Lady Imelda Marcos ang diplomatikong relasyon natin sa Tsina. Isa sa implikasyon nito na kailangan kilalanin na isa lamang ang Tsina at ito ang PRC—One China Policy.

Nang halikan ni Mao Zedong ang kamay ng Unang Ginang Imelda Marcos, ang asawa ng pangulong nagpakulong at nantortyur sa mga Maoista ang siya ring pangulo na magbubukas ng pintuan ng ugnayan sa People’s Republic of China noong Dekada 1970s.
In short, para sa atin, hindi natin kinikilala ang Taiwan ROC na isang estado, probinsya lamang ito ng Tsina, kaya hindi tayo basta-basta maaaring magbigay ng sorry bilang isang pamahalaan o makitaan man lamang ng anumang pagkilalang diplomatiko sa Taiwan dahil maaari tayong lumabag sa polisiyang isa lamang ang Tsina at iprotesta naman ito ng mas malaking Tsina. Kaya MECO lamang at wala tayong embahada doon.
Isa rin sa ipinapakita ng media nila doon ay hindi raw tayo sinsero sa paghingi ng tawad dahil nakangiti pa rin ang pangulo at ang saya-saya sa Pilipinas. Teh, malamang po ay eleksyon, at ang Pangulong Noynoy Aquino, ayon nga sa isang komentarista sa radio in fairness, ay may mukhang hindi sumisimangot, laging nakangiti. Kultural ito, pansinin niyo na kahit may malaking problema tayong kinakaharap, napapakamot lang tayo ng ulo at napapangiti. Coping mechanism lamang ito para hindi gaanong bumigat ang mahirap na nating buhay.

Nakangiting Pangulong Noynoy Aquino nang bumoto sa Tarlac at kinunan ng reaksyon ukol sa Isyung Taiwan at ng halalan 2013. E ano bang problema kung nakangiti, at least hindi supladito. Mula sa inquirer.net.

Kritikal na paglalarawan kay PNoy ng mga dyaryong Hongkong na nakangiti noong Hostage Crisis sa Luneta noong August 2010.
Sana mas maintindihan natin ang kultura ng bawat isang bayan at alam kong hindi natin gagawin sa mga Taiwanese dito ang ginagawa nila sa ating mga kababayan. Hindi tayo ganoong klaseng bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 17 May 2013)