XIAOTIME, 28 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 28 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Pagsalakay ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan sa madaling araw ng August 30, 1896. Kung gayon, paano siya nakatulog at hindi nakapaghudyat kung naroon nga sila sa San Juan? Mula sa “History of Manila,” mural ni Carlos V. Francisco, na nasa City Hall ng Maynila.
28 November 2012, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=htU6w3sfqv8
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Noong November 26, 2008, idinaos ng UP Lipunang Pangkasaysayan o UP LIKAS ang isang sampaksaan na nagnanais maghubad ng mga mito ukol kay Andres Bonifacio sa tulong ng mga eksperto ukol sa bayani tulad nina Milagros Guerrero, Zeus Salazar, Luis Camara Dery at Gary Bonifacio. Tinawag ang lektyur na Undress Bonifacio. Sa tradisyon ng UP LIKAS, tatlong araw mula ngayon hanggang sa 149th birth anniversary ni Bonifacio sa Biyernes tatalakayin natin ang ilang isyung bumabalot sa misteryosong Supremo. May mga sabi-sabi, walang istratehiyang militar si Bonifacio, at siya ang dahilan ng pagkapalpak ng pagsalakay ng Katipunan sa Intramuros noong August 29-30, 1896. Liwanagin natin. Noong August 24: Nagpulong ang Kataas-taasang Sanggunian ng KKK, itinatag nila ang Rebolusyunaryong Pamahalaan at hinalal si Bonifacio bilang unang pangulo ng Unang Pambansang Pamahalaan sa Pilipinas at napagkasunduan na ganapin na ang pagsalakay sa Maynila sa hatinggabi ng August 29-30. Ang plano: Palibutan ang sentro ng Kapangyarihang Espanyol sa Asya, ang Intramuros, Maynila habang abala ang pwersa nila sa Mindanao!
Sa pagtagpas ng ulo ng dragon, babagsak ang buong imperyo. Sasalakay sa tatlong direksyon, mula sa Marikina sa silangan, Gitnang Luzon sa hilaga, Cavite mula sa timog at sa loob mismo ng Intramuros, 500 pwersang Pilipino sa pangunguna ng ilang opisyal na mestizong Espanyol. Sa umaga ng pag-aalsa, nabisto ang pwersang ito at ipinatapon sa Mindanao. Sa madaling-araw ng pag-aalsa, nagkaroon ng pag-atake sa paligid ng Intramuros lalo na sa Sampaloc, Sta. Ana, Pandacan, Makati, San Juan at Pasig, kasama ng Laguna … pero hindi umatake ang Cavite! Ayon kay Hen. Aguinaldo, namuti daw ang kanilang mga mata sa kakahintay ng napagkasunduang hudyat. Iba-iba ang mga bersyon: pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis. Kumalat ang balitang nakatulog daw si Bonifacio! O di kaya’y nakipagkwentuhan at hindi namalayan na alas-cuatro na! Ngunit bakit may sinasabing hudyat kung pinag-usapan nga na hatinggabi ang pagsalakay. Ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis, ay makikita kaya mula sa malayong pampang ng Cavite? Ok, granting makita nga ang mga ito, doon pa lang ba susugod pa-Maynila ang mga pinuno ng Cavite? Edi pagdating nila doon tapos na ang labanan?
Tanong ni Zeus A. Salazar sa kanyang pananaliksik ukol sa insidente: umuwi na lamang ba sila dahil ayon sa mga French Consular Reports ay umuulan sa Maynila noong gabing iyon? O hindi kaya ayaw lamang sumama o kumilala sa awtoridad ng Supremo ang mga pinuno ng Cavite sa kabila ng pagiging pangulo nito ng pamahalaang rebolusyunaryo at ng Haring Bayan? Ang mga kasagutan ay ay tila mahihinuha sa madugong pagwawakas ng Supremo sa kanilang kamay noong 1897. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Gokongwei Hall, DLSU Manila, 22 November 2012)