XIAOTIME, 24 January 2013: FIRST QUARTER STORM o SIGWA NG UNANG KWARTO
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 24 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang alegorikal na obra ni Juanito Torres, “Watusi,” ukol sa pagbato sa Pangulong Ferdinand E. Marcos matapos ang kanyang state of the Nation Address, January 26, 1970. Matatagpuan ito sa Galerie Joaquin. Mula sa aklat na Not On Our Watch.
24 January 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=lDg7ywxHlvQ
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 43 years ago sa Sabado, January 26, 1970, si Pangulong Ferdinand E. Marcos ang naging unang pangulo na binato ng mga raliyista matapos ang kanyang State of the Nation Address sa Lumang Kongreso. Ito ang isa sa pinakamahalagang tagpo sa tinawag noon na First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Kwarto. Ang mga panahon na iyon sa buong mundo ay isang panahon kung saan humihingi ng pagbabago ang mga kabataan. Tinawag ni Mao Zedong ang mga kabataang Tsino na pangunahan ang Cultural Revolution sa Tsina. Sa Kanluran, marami ring pakikibaka ang mga kabataan—ang civil rights movement o paghingi ng pantay na karapatan para sa itim sa Amerika, ang kilusang kumokontra sa Digmaan sa Vietnam at ang mga hippies na humihingi ng kapayapaan, at ang women’s liberation movement na nag-aadhika ng flower power, burn the bra, at ban the bra!!! Umabot sa Pilipinas ang diwa nito. Sinuportahan ng Pangulong Marcos ang Digmaan ng Amerika sa Vietnam sa pagpapadala ng mga sundalong tumutulong sa mga operasyong sibil at medical, ang Philippine Civic Action Group-Vietnam (PHILCAG-V). Para sa mga estudyante, ito ay ebidensya ng pagiging neo-kolonya natin ng Estados Unidos at kakulangan natin sa kasarinlan.
Isang batang instruktor ng UP na si José Maria Sison ang nagtatag ng Kabataang Makabayan (KM), na naging isa sa mga kilusang kabataan na nanguna sa mas malawakang pakikibaka laban sa Administrasyong Marcos na noon ay nagpapakita na ng tendensiyang diktatoryal.

Ang Samahan Demokratiko ng Kabataan (SDK) sa paanan ng Bulwagang Palma, UP Diliman. Mula sa Militant but Groovy.

Si Edgar Jopson ng Ateneo, isa sa mga pinuno ng National Union of Students of the Philippnes. Mula sa U.G.
Kasama na sa mga samahang ito ang Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) at ang moderatong National Union of Students of the Philippines (NUSP). Bagama’t iisa ang ipinaglalaban, nagtunggalian naman sila sa kaibahan ng kanilang mga ideolohiya. Noong December 29, 1969, dumating ang Pangalawang Pangulo ng Estados Unidos na si Spiro T. Agnew para sa ikalawang inagurasyon ng Pangulong Marcos.

Pangulong Marcos ng Pilipinas at Pangalawang Pangulo Agnew ng Estados Unidos at ang kanilang mga kabiyak. Mula sa Delusions of a Dictator.
Kinabukasan, sinalubong siya ng mga aktibista. Marahas na binaklas ng mga anti-riot police ang protesta sa pamamagitan ng pamamalo ng mga mahahabang truncheons. Matapos ang ilang araw, January 26, 1970, binigkas ng Pangulong Marcos ang kanyang State of the Nation Address sa joint-session ng Senado at Kamara sa Lumang Kongreso.
Sa kanyang opening prayer, humingi ng tulong sa Diyos ang pangulo ng Ateneo na si Fr. Pacifico Ortiz para sa Pilipinas na ayon sa kanya ay nasa nanginginig na bingit ng himagsikan, “a trembling edge of revolution.”

Padre Pacifico Ortiz, S.J. unang Pilipinong pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila. Mula sa Lakas Sambayanan ng FFWWPP.
Sa labas ng kongreso malapit na malapit sa pintuan, 50,000 tao ang nagprotesta. Naghanda sila ng isang kabaong, simbolo ng pagkamatay ng demokrasya, at effigy ng isang buwaya na kumatawan sa korupsyon ng pamahalaan.

Ang tinatayang 50,000 sa labas ng Kongreso, hinihintay si Pangulong Marcos na lumabas. Mula kay Susan Quimpo.

50,000 kabataan na humihingi ng pagbabago sa harapan ng Kongreso. Mula sa Koleksyon Dante Ambrosio at Xiao Chua.
Sa paglabas ni Pangulong Marcos sa gusali, binato siya ng mga radikal na raliyista at itinapon sa kanyang direksyon ang kabaong at ang buwaya.

Si Pangulong Marcos habang pinapaulanan ng debris ng mga raliyista, January 26, 1970. Mula sa Ninoy Aquino: The Willing Martyr.
Nasubukan ang katapatan ni Fabian Ver, ang drayber-militar ni Marcos, hinarang niya ang kanyang katawan sa pangulo. Marahas ang kasagutan ng mga pulis. Pinalo nila ng mga rattan ang kahit na sinong makita, mga radikal man at mga moderato.

Walang habas at walang pinipiling pagpalo ng mga awtoridad sa mga aktibista, radikal man o moderato. Mula sa Not On Our Watch.
Maging ang binti ng babae na ito ay patuloy na pinalo ng pulis kahit na sumasakay na ang babae sa dyipni. Ang babaeng ito pala ay si Propesora Judy Taguiwalo.

Ang mga binti ni Prop. Judy Taguiwalo at patuloy na hinampas ng mga awtoridad. Mula sa Militant But Groovy.
Gumanti ng pagbato ng mga bato at bote ang mga estudyante. Hanggang magdamag ang naging labanang ito. Marami ang nasaktan.
Ngunit hindi pa pala ito ang huli. Abangan ang susunod na kabanata. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(People’s Television Network, 19 January 2013)