XIAOTIME, 4 March 2013: HINDI RAW TOTOO ANG HOLOCAUST
Broadcast of Xiaotime news segment last Monday, 4 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang mass pit ng napakaraming Hudyo na pinatay at namatay sa Bergen-Belsen noong 1945. Kuha ni Rodger Bergen para sa LIFE.
4 March 2013, Monday: https://www.youtube.com/watch?v=UyiRQ6YRo48
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 19 years ago ngayong araw, March 4, 1994, hindi sinunod ni Pangulong Fidel V. Ramos ang rekomendasyon ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB at ng Chairperson nito na si Henrietta Mendez at iniutos na pahintulutan ang pagpapalabas ng pelikulang Oscar-Winning na Schindler’s List ng walang putol.

Heherson Alvarez, Manoling Morato, at si Henrietta Mendez matapos sabunin si Butch Francisco sa telebisyon. Mula sa Philippine Star.
Nais putulin ng MTRCB ang mga eksena na nagpapakita ng paghuhubad ng mga Alemang Nazi sa mga biktimang Hudyo na ipapasok sa mga gas chambers. Ang Schindler’s List ay isang pelikula na nilikha ni Steven Spielberg ukol sa isang tusong Aleman na negosyante na si Oskar Schiendler na nagtungo sa Poland upang magbukas ng isang pagawaan ng military equipment.
Dahil kasapi ng Nazi Party ng mga Aleman na sumakop sa Poland noong Ikalawang Digmaang Pangdaigdig, nasulsulan niya ang mga opisyales nito upang hayaan na manatili sa kanyang ang mahigit isanlibong mga Hudyo na nais nang dalhin ng mga kasama niyang Nazi sa mga death camps. Ang mga pangalan sa kanyang listahan ay nailigtas niya mula sa tiyak na kamatayan at itinuring siyang isang bayani ng mga Hudyo dahil dito.
Panahon ito ng 1940s, kung saan ipinatupad sa Alemanya o Germany at sa mga nasakop nitong mga bansa ang tinatawag na final solution to the Jewish Question, ang pagligpit sa buong lahing Hudyo na itinuturing ni Adolf Hitler na salot na mga pesteng umagaw sa kayamanan ng Europa mula sa kanila at nagpahirap sa mga mamamayan doon. Ito ay napagpasyahan sa Wannsee Conference sa Berlin noong January 20, 1942 at ipinatupad sa napakaraming mga concentration camps na katulad ng Bergen-Belsen at sa walong espesyalisadong death camps tulad ng Auschwitz-Birkenau sa Poland sa pamamagitan ng mahirap na trabaho, paggutom, pagbaril at ang mas matipid at mas maramihang paraan, ang pagpatay sa pamamagitan ng gas chambers.
Ang tawag dito ay ang Holocaust o Shoah. Sa lahat-lahat, anim na milyong hudyo ang namatay. Isang milyong iba pang mga pasaway sa Nazi, mga may kapansanan, mga bading, at mga Saksi ni Jehovah. Isa sa mga ito, si Anne Frank, isang 15-taong batang bahagi ng isa sa dalawang pamilyang Hudyo na naitago sa isang likurang bahay sa Amsterdam. Isinulat niya ang kanyang mga karanasan sa isang diary bago sila nahuli, pinaghiwa-hiwalay at nangamatay sa mga kampo sa gutom ilang araw lamang bago mapalaya ang mga kampo.
Ngunit, ilang mga historyador ang nagsasabi ngayon na hindi nangyari ang Holocaust. Ang tawag dito ay Holocaust Denial. Ayon sa kilusang ito: Hindi polisiya ng pamahalaan ng Alemanya ang pagpatay sa mga Hudyo, namatay lamang sila sa gutom at sakit, eksaherado ang mga bilang ng namatay, at ang diary ni Anne Frank ay peke.

Pinaghiwa-hiwalay ang mga Hudyo sa dalawang grupo, ang mga pahihirapan sa trabaho at ang mga diretso sa gas chambers.
Ito ay sa kabila ng napakaraming historikal na ebidensya na nagsasabing nangyari nga ang lahat ng iyon. Pwede pala iyon? Tandaan, ang kasaysayan ay pulitika din kaya maging mapanuri sa perspektiba. Hindi ninyo namamalayan, dito sa atin, bigla na lamang may magsabi atin, hindi pala nangyari ang lagim ng Batas Militar. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(St. Joseph’s Hall, DLSU Manila, 26 February 2013)