IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: jaena

XIAOTIME, 17 January 2013: PROPAGANDISTANG ILONGGO, Si Graciano Lopez Jaena at ang Praylokrasya

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 17 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Graciano Lopez Jaena, Prinsipe ng mga Mananalumpating Pilipino, may-akda ng "Fray Botod"

Graciano Lopez Jaena, Prinsipe ng mga Mananalumpating Pilipino, may-akda ng “Fray Botod”

17 January 2013, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=NkZDfCJjJbA

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Kwentuhan muna tayo.  Minsan may isang taong binisita ang kanyang kaibigang prayle na nadestino sa isang malayong lugar noong panahon ng Espanyol, nang magkita sila tinanong ng kaibigan sa pari, “Napakalayo ng paroquiang ito padre.  Hindi po ba malungkot?”  Sagot ng prayle, “Hindi naman, basta’t mayroon akong rosaryo at café contento na ako.”  Tsaka sumigaw ang pari, “Rosario-o-o, maglabas ka nga nan café.”  Makaraan ang ilang taon, muling bumisita ang kaibigan na nagtanong, “Padre!  Nandito pa rin kayo!  Eh, kumusta naman po si Rosario?”  Sagot ng prayle, “Ay, hijo.  Wala na si Rosario… may edad na ako.”  Tsaka sumigaw, “Eda-a-d Buksan mo an mana bintana!”

Komiks mula sa History of the Burgis.  Hinalaw ng papel ni Dr. Nilo S. Ocampo.

Komiks mula sa History of the Burgis. Hinalaw ng papel ni Dr. Nilo S. Ocampo.

Para sa maraming Pilipino kahit ngayon, ang imahe ng mga prayle noong panahon ng mga Espanyol ay matakaw, kalbo, arogante, mabagsik, manyakis, gahaman, sakim, ganid sa pera at kapangyarihan.  Hindi man lamang naiiisip na kaiba ito sa kanilang papel bilang mga Alagad ng Diyos.  Sa kabila ng katotohanang hindi naman lahat ng prayle ay masama at marami pa nga ang naging mabuti sa mga indio, at pawang galing naman ang imahe sa mga kathang-isip na karakter ni Padre Damaso mula sa mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal, nanatili ang imahe ng masamang prayle sa mga Pilipino.

Si Carlos Celdran habang tinutuya ang mga obispo ng Simbahang Katoliko sa isang inter-faith na pagdiriwang ng Bibliya sa loob ng Katedral ng Maynila, September 30, 2010.

Si Carlos Celdran habang tinutuya ang mga obispo ng Simbahang Katoliko sa isang inter-faith na pagdiriwang ng Bibliya sa loob ng Katedral ng Maynila, September 30, 2010.

Ang taong tatalakayin natin ang isa sa mga nagpalaganap ng imaheng ito, 117 years ago sa Linggo, January 20, 1896, namatay sa Barcelona, Espanya si Graciano Lopez Jaena?  Jaena???  Huh???  Who’s that Pokémon???  Siya ang propagandistang taga-Jaro, Iloilo na isinilang noong December 18, 1856.  Relihiyoso ang kanyang mga magulang, ipinasok siya sa seminaryo at naging mahusay pa na theologian sa klase ngunit nakita niya ang masamang kalagayan ng mga indio.  Nag-aral ng medisina at ginamot ang mga mahihirap.  Nakita niyang isang dahilan ng kanilang kahirapan ay ang pang-aabuso ng ilang prayle at mga opisyal na sibil.  Upang isiwalat ang mga ito, isinulat niya ang mapantuyang katha ukol sa mga prayle “Fray Butod.”

17 Ang butod ay kataga na nangangahulugang mahigit pa sa mataba at matakaw, kundi masiba

Ang butod ay kataga na nangangahulugang mahigit pa sa mataba at matakaw, kundi masiba.  Nilantad nito ang kasakiman, katamaran, kalupitan at pagiging mahilig ng mga prayle.  Nagtungo siya sa Espanya noong 1880 at nakilala bilang “Prinsipe ng mga Mananalumpating Pilipino.”  Ilang baso lang ng alak ay napakagaling na niyang magsalita.  Ayon kay Rizal si Lopez Jaena na ang “pinakamatalinong Pilipinong nakilala niya, na higit na mahusay pa kaysa sa kanya.”

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Siya ang naging unang editor ng La Solidaridad.  Bumalik sa Maynila noong 1890 sa alias na Diego Laura upang mangalap ng suporta para sa mga aktibidad sa Espanya.  Ngunit nang malapit nang mabisto ay umalis muli ng Pilipinas.  Pinasabi niya sa mga mahal niya sa buhay sa pamamagitan ng kanyang pamangkin na si Marciano bago umalis, “Ihalik mo ako sa kanila, dahil hindi ko na sila makikita pang muli.”  Tulad ni del Pilar, si Jaena ay naghirap upang itaguyod ang paghingi ng reporma sa Espanya, nagpulot na lamang ng upos ng sigarilyo at hinithit ang mga ito upang malimutan ang gutom.  Ayun, nagka-tb at namatay nga noong 1896.  Tunay ngang hindi lahat ng prayle noong panahon ng mga Espanyol ay masama subalit hindi naman masasabing wala itong batayan, may ilang mga masasamang pari na nang-abuso.  Hindi naman siguro sinungaling sina Jaena.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(People’s Television Network, 4 January 2013)

XIAOTIME, 18 December 2012: GRACIANO LOPEZ JAENA AT ANG PROPAGANDA MOVEMENT

Broadcast of Xiaotime news segment last Tuesday, 18 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Graciano Lopez-Jaena

Graciano Lopez-Jaena

18 December 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=cY10ILzSqI4

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  156 years ago ngayong araw, December 18, 1856, isinilang sa Jaro, Iloilo ang dakilang orador ng Kilusang Propaganda at unang editor ng pahayagang La Solidaridad na si Graciano Lopez Jaena.

Rizal, M.H. del Pilar at Mariano Ponce

Rizal, M.H. del Pilar at Mariano Ponce

Kasama niya sa Kilusang Propaganda ang iba pang mga bayani natin na katulad nina José Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Juan at Antonio Luna, Isabelo de los Reyes, José Ma. Basa, José Ma. Panganiban, Antonio Ma. Regidor, Ariston Bautista Lin, at marami pang iba.  Hindi ba’t kapag sinabing propaganda, negatibo ang naiisip natin, ngunit sa pakahulugan nila noon ito ay pangangampanya para sa reporma sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol.

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal at si del Pilar?

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal at si del Pilar?

Ang kanilang layunin ay ang pagpapatalsik sa mga fraile, pagiging lalawigan ng Espanya ng Pilipinas, at pagkakaroon ng representacíon ng Pilipinas sa Cortes o Senado ng Espanya, walang kinalaman kay Rez, lalo na kay Anne.  Huh?  E gusto pala nila tayong maging mamamayan ng Espanya???  E kung ganoon, paano nangyari na mga national heroes pa rin natin ang mga ito kung hindi naman nila isinulong ang pagiging “nation” natin???

Father John Schumacher kasama si Xiao.

Father John Schumacher kasama si Xiao.

Ayon sa Heswitang Historian na si Fr. John Schumacher sa kanyang aklat na The Propaganda Movement, makikita na ang Hispanisasyon ay isa lamang hakbang upang sa kalaunan, mapayapang hihiwalay ang Pilipinas sa Espanya.  Ayos naman pala.  Nangampanya sila laban sa pagpapadala ng Arsobispo ng Maynila sa mga Igorot at mga Moro upang ieksibit na parang mga hayup sa zoo sa Exposicion General de las Islas Filipinas sa Madrid, kung saan namatay sa pulmunya ang babaeng Muslim na si Basalia noong 1887.  Bilang propagandista sinulat ni Rizal ang kanyang nobelang Noli Me Tangere at iba pang mga sulatin.

Mga simbolo ng masoneriya.  Larawan mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People.

Mga simbolo ng masoneriya. Larawan mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Lumahok sila sa masoneriya at sumapi sa Lodge Solidaridad, na kaiba sa paninira ng mga prayle na ito ay isang anti-Kristong organisasyon, isa lamang itong brotherhood o fraternity na tinatanggap ang lahat ng relihiyon.  Namayagpag sila sa buong Dekada 1880s at sa huling taon nito itinatag nila ang dyaryong La Solidaridad, isang demokratikong kinsenaryo o forthnightly, ibig sabihin, lumalabas sa bawat kinsenas o every 15 days.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Ngunit, naging manhid, bingi at bulag ang Espanya sa kanilang mga hinaing.  Nakita na ito ni Rizal noong 1891 kaya bumalik siya ng Pilipinas.  Nagpunyagi pa sina del Pilar at Jaena, naglimbag ng La Solidaridad hanggang maghirap, nagpupulot na lamang ng upos ng sigarilyo sa kalsada at mga basurahan, hihithitin ang mga ito upang makalimutan ang kanilang gutom, nagsara ito noong 1895.  Namatay sa sakit na tuberculosis kapwa sina Jaena at del Pilar noong 1896 sa Espanya.  Si del Pilar mismo ay nagnais nang magplano ng isang armadong rebolusyon.  Nabigo man ang Kilusang Propaganda, hindi matutumbasan ang kanilang mga pagsisikap para sa bayan, mga pagsisikap na hindi kinalimutan ng mga Anak ng Bayan, dinakila si del Pilar bilang ghost editor ng pahayagan ng Katipunan, ang Kalayaan, ang pangalang “Rizal” naman ay ginawang password ng pinakamataas ng antas ng Katipunan, ang “Bayani.”  Nang hindi na umubra ang santong dasalan ng mga ilustradong may kaisipang kanluranin, kinailangan na rin daanin sa santong paspasan ng mga Anak ng Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 8 November 2012)

Marcelo H. del Pilar bilang patnugot ng La Solidaridad.  Mga dibuho mula sa Adarna Publishing House.

Marcelo H. del Pilar bilang patnugot ng La Solidaridad. Mga dibuho mula sa Adarna Publishing House.