XIAOTIME, 6 March 2013: MAKULAY NA LAKBAY-ARAL SA TARLAC (Tarlac World History Tour)
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 6 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang arqueta na nagtataglay ng sinasabing isang piraso ng kahoy na nagmula sa mismong krus na pinagkamatayan ng ating Mahal na Panginoong Hesukristo na nakalagak ngayon sa Monasterio de Tarlac.
6 March 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=-BBxGjsSfdo
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa subject na World History, kaiba sa mga iba pang mga subject sa paaralan, ang hirap umisip ng lakbay-aral para dito. Hindi naman tayo puwedeng basta-basta tumungo lahat sa mga Pyramid sa Ehipto, o sa Great Wall of China!
Mayroon akong mungkahi. Isang konseptong aking nilkha para sa World History na pupuntahan ang isang lalawigan na hindi gaanong naiisip sa mga lakbay-aral na ito—Ang lalawigan ng Tarlac! Ito ang tinatawag kong “Tarlac World History Tour: The Philippines and the World.”
First stop: Ang Aquino Center sa San Miguel, Tarlac City. Narito ang ilang mahahalagang memorabilia nina Ninoy at Cory Aquino, ang mag-asawang naging inspirasyon ng People Power sa bansa noong 1986, kabilang na ang kanyang mga diary sa kulungan, at ang replica ng kulungang ito, at ang duguang damit na suot niya nang siya ay mamartir.

Pahina ng diary ni Ninoy sa kulungan na nakabukas sa unang araw ng kanyang hunger strike. Panginoon ko, tanging si Cory lamang daw ang nakakaintindi ng sulat niya. Kuha ni Xiao Chua, sa kagandahang loob ng Aquino Center.

Ang replica ng kulungan ni Ninoy sa Fort Bonifacio sa loob ng Aquino Center. Cool. Kuha ni Xiao Chua, sa kagandahang loob ng Aquino Center.
Dito maaaring maikwento ang lugar ng ating People Power sa hanay ng mga kilusan para sa demokrasya sa daigdig, isang modelo nang matagumpay na mapayapang pagtatanggal sa isang diktadura na ginagaya hanggang ngayon ng ibang bansa. Ang paggalang na ito ay makikita sa mga magagandang state gifts na ibinibigay noon sa Pangulong Cory ng iba’t ibang pinuno sa daigdig.

Ang tanda ng pagbibigay galang ng mga pinuno ng daigdig kay Cory: Paggawad sa kanya ng order of chrysanthemum. Kuha ni Karen Lacsamana-Carrera, manager ng Aquino Center.

Ang Martin Luther King, Jr. Non-Violent Peace prize na iginawad kay Cory Aquino ng balo ng martir na si Coretta Scott-King. Kuha ni Karen Lacsamana-Carrera, manager ng Aquino Center.

Kamakailan lamang, bumisita ang mga kaguruan ng Miriam College sa pamumuno ni Dr. Victoria Apuan sa Aquino Center at nagpakuha ng retrato kasama ang lakbay-guro nilang si Xiao Chua, ang manager ng Aquino Center na si Karen Carrera, at ang dalawang bagong mga monumento nina Ninoy at Cory.
Second Stop: Ang Tarlac Eco-Tourism Park. Sa napakagandang pasyalan at simbahan na ito sa itaas ng isang bundok sa San José, Tarlac na ipinatayo ng yumaong gobernador ng Tarlac José “Aping” Yap makikita ang isang estatwa ni Hesukristo na katulad ng makikita sa Rio de Janeiro, at isang Monasterio na pinangangalagaan ng Servants of the Risen Christ kung saan maaaring masilayan at mahawakan ang arqueta na nagtataglay ng isa raw bahagi ng tunay na krus kung saan namatay ang mahal na Panginoon.

Ang Kapilya ng Banal na Krus kung saan matatagpuan ang arqueta na nagtataglay ng diumano’y bahagi ng orihinal na krus ni Kristo.

Si Xiao Chua habang nagdidiskurso ukol sa pagkamatay ni Hesukristo sa harapan ng altar ng kapilya ng banal na krus, July 6, 2011.

Larawan ng lalagyan ng bahagi ng sinasabing orihinal na krus ni Kristo na nasa loob ng arqueta. Mula kay Virgilio “Ver” Buan.
Ang tanging Vatican-approved relic ng krus na nasa Asya na ipinaubaya sa atin ng isang nagsasarang monasteryo sa Alemanya noong 2005. Dito maaaring talakayin ang halaga ng krus at ng mga holy relics na ito sa kasaysayan ng paglago Kristiyanismo, paano napadpad ang Katolisismo sa Pilipinas, at ang lugar natin bilang tanging Katolikong bansa sa Asya.

Ang Capas National Shrine na gumugunita sa Death March noong Abril 1942. Kuha ng mga estudyante ni Xiao.
Third Stop, Capas National Shrine, kung saan nagtapos ang 100 kilometrong kalbaryo ng mga sundalong Pilipino-Amerikano noong Abril 1942 na tinawag na “Death March.” Dito sa Camp O’Donnell, maaaring ituro na sa kabila ng pagkasawing ito naipakita ang kabayanihan ng mga gerilyerong Pinoy na sa huli ay nagtagumpay din laban sa mga Hapones at nakapag-ambag sa buong pagwawagi ng digmaang Pasipiko.

Larawan ng pagsuko sa Bataan na sinundan ng pagpapalakad ng isandaang kilometro sa mga sundalong Pilipino-Amerikano, ang Death March.

Ang dustang kalagayan ng mga sundalong Pilipino-Amerikano sa concentration camp ng mga Hapones sa Kampo O’Donnell, Capas, Tarlac. Kumalat ang mga sakit dahil sa masikip na pinagkakasya sila sa mga barracks. Mula sa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Ang mga pangalan ng mga lumaban noong digmaan ay nakaukit sa itim na mga bato sa paligid ng malaking monumento. Nahanap ang mga pangalan sa pananaliksik ni Dr. Ricardo Trota Jose. Kuha ni Xiao Chua
Makikita sa paligid ng mataas na monumento ang pangalan ng mga Pilipinong lumaban sa digmaan. Ang mga lakbay-aral ay isang lehitimong gawain na pinahihintulutan dahil alam naman natin na ang edukasyon ay hindi dapat magtapos sa apat na sulok ng klasrum, lalo na kung ito ay responsableng ginagawa.

Ang mga estudyante ni Xiao Chua sa De La Salle University sa plaza ng Lungsod ng Tarlac, July 6. 2011.
Hindi naman makatwiran na tuluyang ipagbawal ito dahil itinataguyod din nito ang kabuhayan ng dulot ng lokal na turismo, at iilan lamang naman na malungkot na insidente ng aksidente ang nangyari. Hindi ba’t hindi naman kailangan sunugin ang buong bahay kung inanay lang naman ang isang bahagi nito? Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.