XIAOTIME, 1 February 2013: DILIMAN COMMUNE

Mga tagpo ng konprontasyon sa pagitan ng mga pulis at raliyista noong Diliman Commune sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas, February 1, 1970. Mula kay Susan Quimpo.
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 1 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
1 February 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=P7dNjBga2WI
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Binabati ko ang aking mga tito at tita, sina Gavino Jr. at Mercy Manlutac ng Balibago Primero, Tarlac City. Sa kanilang sabay na birthday at sa anibersaryo ng kasal nila noong 1976 sa parehong araw na ito, February 1.

Xiao BrionesChua kasama si Tita Mercy Briones-Manlutac at Uncle Jun Manlutac, mag-asawang may parehong birthday at anibersaryo ng kasal, February 1.
Parehong simpleng kawani ng pamahalaan ang dalawa, si Uncle Jun sa DTI at si Tita Mercy bilang health worker. Salamat po sa pagmamahal niyo. 42 years ago rin ngayong araw, February 1, 1971, nagsimula ang Diliman Commune kung saan sa loob ng siyam na araw ang kampus ng Unibersdad ng Pilipinas ay binarikadahan ng mga estudyante at ginawang pinalayang pook mula sa mga awtoridad.

Pagbarikada sa University Avenue malapit sa Checkpoint (Gateway to the University ni Napoleon Abueva). Ngayon, sa gitna ng kalsada may marker para sa Diliman Commune. Mula kay Susan Quimpo.
Noong araw na iyon, gumawa ng barikadang tao ang mga iskolar ng bayan sa bukana ng pamantasan sa University Avenue at sa likod sa Katipunan bilang pakikiisa sa strike ng mga drayber ng dyipni laban sa pagtaas ng presyo ng langis.
Isang propesor sa Mathematics na may pagka-eccentric, nagdadala ng baril, hindi sumasama sa boykot ng mga klase at kilalang pro-Marcos na si Inocente Campos ang nagtatangkang pumasok ngunit hinagisan ng pill box ng mga estudyante. Dahil nabutas ang gulong ng kotse niya, bumaba siya, kinuha ang shotgun sa likod ng kanyang sasakyan at pinaputukuan ang mga estudyante.

Ang asar talong si Campo sa aktong pinapaputukan ang mga estudyante. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.
Natamaan sa kaliwang pisngi ang isang Leo Alto habang bumagsak ang freshie na si Pastor “Sonny” Mesina, Jr. at namatay matapos ang apat na araw. Inaresto si Campos ng mga estudyante at dinala sa Quezon City Police at sinunog nila ang kanyang kotse.
Binaklas ng mga pulis sa pangunguna ni QC Police Chief Tomas Karingal ang mga barikadang tao at ni-raid ang mga dormitoryo ng Kamia at Sampaguita ng walang pahintulot. Tineargas pa ang Arts and Science o ang AS Building. Maraming estudyante ang naaresto at nabaril nila si Reynaldo Bello sa balikat.
Ikinagalit ng mga estudyante ng UP ang kanilang panghihimasok at inilabas nila ang mga upuan at iba pang mga maihaharang upang magtatag ng isang pisikal na barikada inspired ng Paris Commune ng 1871, parang yung napanood natin sa Les Miserables. Ginawa nila ang kampus na “liberated zone,” at tinawag ang kanilang aksyon na “Diliman Commune.” Tinawag din nila ang mga sarili na mga Communards.

Ang pagbarikada ng University Ave. Makikitaa sa background ang Plaridel Hall o Mass Comm. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.

Ang loob ng Faculty Center noong Commune. Ang silid ngayon ang Balanghay Room ng UP Departamento ng Kasaysayan. Mula sa Eugenia Apostol Foundation.
Hindi pumasok ang mga estudyante at siyam na araw na lumahok sa protesta, pinangalanan ang mga gusali sa mga bayani at mga pinunong Kaliwa tulad ng Amado Guerrero Hall at Bernabe Buscayno Hall, pinalaya ang UP Press at mula sa pasilidad nito inilabas ang pahayagan ng komyun, ang Bandilang Pula, at naging tinig nila ng protesta ang DZUP kung saan mula dito, sa tuwing magsisikap pumasok ng mga pulis, patutugtugin ang sex audio tape ng pagtatalik ng pangulo at ng Amerikanong artistang si Dovie Beams.
Magtatawanan maging ang mga pulis. Gumawa din ang mga estudyante ng kanilang tinatawag na “long range missiles” na sa katotohanan pala ay mga kuwitis. Panakot nila ito sa mga helikopter na ikot ng ikot sa kampus. May mga kwento pa na muntik na silang makapagbagsak ng isang helikopter. Nagkaroon sila ng malawak na suporta mula sa mga estudyante, propesor at mga residente ng UP.

If you can’t beat them, join them: Nang hindi niya mapigilan ang mga communards, sinuportahan niya na rin ito. Mula sa Not on Our Watch.
Noong February 9, 1971, ang mga estudyante mismo ang bumaklas ng barikada nila nang mapagtanto na bagama’t malaya nga sila sa Diliman, ang buong bayan ay alipin pa rin ng sistema. Pamana ng Commune ang pagkakaroon ng sariling pulisya ng UP Campus, na nagseguro na magiging malaya ang kanilang kaisipan mula sa anumang paniniil ng estado. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 26 January 2013)