XIAO TIME, 12b February 2013: ANG MASAKER SA DE LA SALLE COLLEGE

Ang aktwal na larawan ng bahaging unang palapag ng De La Salle College na malapit sa hagdan at cellar nang abutan ito ng mga Amerikano noong February 15, 1945. Ang isang larawan naman ang nagpapakita ng parehong lugar na ginugunita ni Xiao Chua bilang si Brother Flavius Leo sa LaSallian Historical Tour nitong February 4-7, 2013.
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 12 February 2013, at News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
11 February 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=G5zj8t4N3gI
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 68 years ago, February 12, 1945, minasaker ng Hukbong Pandagat na mga Hapones ang mga Christian Brothers at mga refugee sa De La Salle College sa Maynila. Noong isang linggo, isang serye ng tour ang aking isinagawa kasama ng College of Liberal Arts na nag-aalala sa kasaysayan ng DLSU at sa trahedyang ito. Ngunit bakit nga ba nangyari ang masaker?
Nang parating na ang mga Amerikano noong Pebrero 1945, inudyok ni Arsobispo Michael Doherty na umalis na ang mga nasa De La Salle College at baka manganib ang buhay nila sa magiging labanan. Ngunit nagpasya ang direktor nilang si Brother Egbert Xavier na manatili na lamang sa gusaling dinisenyo ni Tomas Mapua dahil sa tibay at kapal ng mga pader nito, maaari lamang silang manganib kung direct hit ang mangyari. Malaking konsiderasyon din na nais ng mga brothers na mapanatili ang eskwelahan para sa pagtatapos ng digmaan, makakapagsimula na agad ng klase.

De La Salle College, gusaling dinisenyo ni Tomas Mapua at ipinatayo noong 1921. Mula kay Sunny Velasco.
Noong February 6, nagtanong ang mga Hapones kay Brother Xavier kung ilan ang mga tao sa loob ng gusali. Ang sagot niya ay 101. Nang binilang, 68 lamang pala ang mga ito. Naghinala ang mga Hapones na baka nagtatago ng mga sniper ang mga brothers. Nababaril daw sila sa katabing Nippon Club. Kinabukasan, kinapkapan ang lahat ng tao at dinala ng mga Hapones si Judge Carlos at si Brother Xavier. Hindi na sila nakita pa ng buhay. Noong February 12, bumalik ang mga Hapones, naghahanap ng gerilya, nakakain pa ng tanghalian at umalis. Sa kanilang pagbalik, nilusob nila, pinagsasaksak at pinagbabaril ang mga tao sa gusali. Sa malapit sa hagdanan ng South Wing, sa may cellar, napagtanto na ni Brother Flavius Leo na mamamatay na sila kaya humingi siya ng absolusyon sa katabi niya noon, ang kapelyan na si Father Francis Cosgrave. Habang nagdadasal si Father Cosgrave, inundayan na sila ng saksak ng mga Hapones.

Monumento ng paggunita sa masaker sa De La Salle College na nagpapakita ng isang pari na nagbibigay absolusyon sa isang namamatay na Brother.

Fr. Francis Cosgrave, CSSR. Mula sa These Hallowed Halls ni Andrew Gonzales, FSC at Alejandro Reyes.
Katabi nila ang Vasquez-Prada Family na pinatay rin. Ang kanilang ilaw ng tahanan, si Helen, sa kanyang kakasigaw ay pinaglaruan pa ng mga Hapones, pinutol-putol ang mga bahagi ng kanyang katawan habang pinagtatawanan siya. Nagkunwaring patay ang limang taong gulang na anak niyang si Fernando. Namatay siya makalipas pa ang dalawang araw. Pinalabas ang mga nasa cellar at pinagsasaksak. Buhay si Father Cosgrave at ilang taong hindi lumabas sa cellar.

Ang patong-patong nakatawan sa hagdanan malapit sa Cellar. Mula sa De La Salle, 1911-1986 ni Carlos Quirino.
Umakyat din ang mga Hapones sa chapel at pinagpapatay ang mga tao doon, liban sa mga nakaakyat sa hagdanan sa altar. Sa railings na ito, iniwan ng mga Hapones ang mga brothers na unti-unting mamatay.

Ang hagdanan na nagligtas sa marami. Mula sa These Hallowed Halls ni Andrew Gonzales, FSC at Alejandro Reyes.

Sa communion railing na ito pinagsasaksak ang ilang mga brother at hinayaang mamatay sa kanilang mga sugat habang patuloy sa pagtawa sa kanila ang mga Hapones. Mula kay Sunny Velasco.

Ang bahagi ng pader sa kanang bahagi ng altar na may mga bakas ng dugo. Ilang dekada rin na hindi matanggal ang mga dugong ito. Mula kay Dr. Vic Torres.
Kinagabihan, ang nakapagtago sa CR na si Enrique Vazquez-Prada ay nakitang buhay pa ang kanyang anak na si Fernando at pinakain niya ito. Muling bumalik ang mga Hapones at pinatay ang ginoo. Hindi na pinansin si Fernando na akala nila’y mamamatay din sa mga sugat na natamo. Lahat-lahat, sa trahedyang nangyari, 16 brothers ang namatay, 25 sibilyan.
Ayon kay Prop. José Victor Jimenez, ang historyador ng DLSU, ang nangyaring masaker ay bahagi ng isang sistematiko, at hindi desperadong, paglipol ng mga sibilyan sa buong Maynila na maaaring may basbas ng Tokyo.

Ang pagkawasak ng Maynila, makikita ang De La Salle College at Rizal memorial Stadium sa bandnag itaas ng larawan. Mula kay Sunny Velasco.
Anuman, hindi lamang biktima ang mga Christian Brothers, bayani sila ng mga Lasalyano sapagkat dahil sa kanila, nanatiling nakatayo ang paaralan hanggang umabot ito ng isandaang taon noong 2011. Gayundin, bayani ang mga brothers ng bayan, nagbibigay ng suporta sa pamamagitan ni Brother Xavier sa mga gerilyang tagapagtanggol ng kalayaan, kahit na sila mismo ay kapos na.

Ang frontpage na larawan ng Philippine Daily Inquirer sa selebrasyon ng sentenaryo ng De La Salle University, June 16, 2011. Makikita si Xiao Chua na kumukuha ng larawan ng kanyang sarili sa loob ng chapel sa bandang kaliwa, ilalim.

Pagpapatuloy ng kabayanihang Lasalyano sa pagtulong sa mga biktima ng Ondoy, Setyembre 2009. Kuha ni Andrew Pamorada.
Mabuhay ang mga bayaning Lasalyano. Animo La Salle! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiaotime.
(People’s Television, 5 February 2013)