XIAOTIME, 20 November 2012: KOLEKSYONG LOPEZ-RIZAL SA DLSU MANILA LIBRARY

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 20 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isa si Rizal sa mga nagsasayang magkakaibigan dito. Nasaan siya at ano ang kanyang tinutugtog? Basahin sa ibaba?

20 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=DRPtFbGUBbU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang mga pinsan kong sina Carlo at Camille Briones Manlutac na nagdiwang ng kanilang mga kaarawan noong isang linggo.  Sabi nila, marami raw talento ang ating National Hero na si José Rizal, liban sa pag-awit, ngunit may ebidensya bang nagsasabi na mahilig siya sa musika?

Isang silid sa lumang DLSU Manila Library. Kuha ni Xiao Chua.

Ang Aklatan ng Pamantasang De La Salle Maynila ay naglalaman ng 373,081 na mga aklat, maging ang mahahalagang dokumento ng ilang prominenteng mga tao tulad nina Bro. Andrew Gonzales, mga senador Lorenzo Tañada at José Diokno, Peque Gallaga, José Javier Reyes, Doreen Fernandez, historyador na si Zeus A. Salazar at marami pang iba.

Si Zeus Salazar nang idoneyt niya ang kanyang mga papeles sa DLSU Manila Library, kasama sina Ana Maria B. Fresnido at Willian S.A. Frias, ang Library Director at Assistant Director for External Operations kapwa, 30 Agosto 2007.

Gayundin ang mga palayok na ginawa pa ng ating mga ninuno bago dumating ang mga Espanyol.  Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, bahagi ng mga koleksyon nito ang aklatan ni Asuncion Lopez-Bantug.  Huh??? Who’s that Pokemón?

Ang Koleksyong Rizal-Lopez. Kuha ni Xiao Chua

Siya lang naman ang anak ni Dr. Leoncio Lopez-Rizal na pamangkin naman ng ating Pambansang Bayani na si Gat Dr. José Rizal.  Samakatuwid, LOLO talaga niya si Rizal.  Sumali siya sa Commonwealth Biography Contest para kay Rizal at nagwagi pa bilang honorable mention kasama ng tanyag na historyador na si Carlos Quirino.  Sa kakatanong ng mga anak ukol sa kanilang sikat na lolo, inilathala niya sa wakas noon lamang 1982 ang kanyang Lolo José:  An Intimate Portrait of Rizal na hitik sa mga kwento ng pamilya mismo na bumubuhay kay Rizal sa bawat pahina nito.

Asuncion “Siony” Lopez-Bantug

Leoncio Lopez-Rizal

Ang kanyang ama naman na si Dr. Leoncio ay bahagi ng José Rizal National Centennial Commission kaya ang kanyang koleksyon ng mga aklat ukol sa ating mga bayani ay hindi matatawaran lalo na ang isang orihinal na manuskrito ng isang akdang isinali sa patimpalak para sa sentenaryo noong 1961 mula sa isang nagtatago sa pangalang “Aries.”  Ito pala ang “The First Filipino” ng nagwaging awtor at diplomat na si León Ma. Guerrero.

Orihinal na manuskrito ng “The First Filipino” ni Aries

Si “Aries” si Leon Ma. Guerrero

Noong buwan ng 150th birthday ni Rizal itinampok ko sa isang eksibisyon ang mga importanteng aklat ng Lopez-Rizal-Bantug Collection sa DLSU Library na kinabilangan ng isang orihinal na sipi ng ensayklopidyang Historia Universal ni Cesaré Cantu na sinasabing nakuha ng batang si Rizal sa pamamagitan ng panlilinlang sa kanyang ama na kailangan niya ito sa klase.  Marahil ganitong kopya, kung hindi man, ito mismo ang kopyang pagmamay-ari ni Pepe.

“Historia Universal” ni Cesaré Cantu.

Bahagi ng koleksyong Bantu gang ilang alaala mula sa pamilya Rizal lalo na ang isang flute na pagmamay-ari mismo ni Rizal!  Si Rizal ay nagtangkang mag-compose ng ilang awitin tulad ng “Canto del Viajero,” “Canto Patriotico de Maria Clara” at “Himno a Talisay.”  Sa isang larawan makikita si Rizal na tila nagsasaya kasama ng kanyang naka-cosplay na barkada, nakasumbrero ng Romanong sundalo at nagpaplawta.  Ang koleksyon at ang buong aklatan ay ililipat na sa bago nitong lokasyon sa Henry Sy Sr. Hall ng DLSU Manila.  Ebidensya ang plawta sa Koleksyong Lopez-Rizal-Bantug na si Rizal ay hindi lamang isang matigas na mukha sa piso kundi taong-tao na marunong magsaya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(The Library, DLSU Manila, 14 November 2012)

Ang bagong Henry Sy, Sr. Centennial Hall ng DLSU Manila