SALAMAT AT PAALAM: Obitwaryo Para kay Cory Aquino, 1 Agosto 2009
SALAMAT AT PAALAM:
Corazon Sumulong Cojuangco Aquino
(1933-2009)
Michael Charleston “Xiao” B. Chua
Unang nailathala sa pahayagang Mabuhay: Lingguhang Pilipino Mula Pa Noong 1980, 31 Hulyo-6 Agosto 2009, 1, 9. Ang unang bersyon nito ay napabilang sa mga sanaysay na inilathala ni Margie Penson Juico sa Cory: An Intimate Portrait II, Selected Tributes and Eulogies (Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 2010), 86-88:
“Nagpapasalamat ako sa inyong lahat, lalo na sa Panginoong Diyos, at ikinararangal ko na ginawa niya akong Pilipino na katulad niyo.”
-Cory Aquino
Nilisan na tayo ni Tita Cory!
Ito ang maling balita na natanggap ko mula sa isang estudyante ko habang ako ay naglelektura noong 24 Hulyo 2009. Sa araw na iyon, marami ang umiyak. Mali ang balita, pero may nasilip akong bagong pag-asa sa sama-samang pananalangin para sa kalusugan ng dating pangulo. Noong hapon na iyon, nakasakay ako ng taxi sa Vito Cruz nang makakita ako ng isang padyak na may malalaking dilaw na ribbon. Naiyak ako. Hindi pa pala nakakalimot ang mga tao.
Kanina, sa ganap na 5:48 ng umaga, ang aking kaibigang si Ayshia ay ginising ako sa telepono ng isang masamang balita—Nilisan na tayo ng tuluyan ni Tita Cory sa oras na 3:18 ng umaga. Nakapaligid ang kanyang pamilyang nagdarasal ng rosaryo, sa ikalimang misteryo ng Hapis.
Habang isinusulat ko ito mula dito sa Tarlac, at maging sa Maynila, makulimlim at panaka-naka ang ulan, maging ang langit ay nagluluksa sa kanyang pagkawala.
Bilang isang batang lumaki sa panahon ng Kapangyarihang Bayan (People Power), inspirasyon ko si Tita Cory. Sinisigaw ko ang kanyang pangalan sa tuwing may helikopter na dumadaan at dinadala ko ang kanyang larawan. Una ko siyang nakamayan sa pagpaparangal sa kanya ng Ramon Magsaysay Award noong 1998, muli sa Katedral ng Maynila sa misa para sa mga biktima ng 9/11 noong 2001, at sa marami pang ibang pagkakataon. Nakapanayam ko na rin siya noong 2003 at sa kabila ng pagiging pormal at makikitang pagpapahalaga sa distansya at pribasiya, naging mabuti ang kanyang pagtrato sa amin at pinadama niya na espesyal kami sa kanya. Kamakailan lang, nagpaunlak din siya sa aking kahilingan na pirmahan lahat ng aking mga libro at memorabilia ukol sa kanya. Simple lamang siya.
Ang nais kong maalala kay Gng. Aquino ay ang simpleng nilalang sa kanyang kaibuturan. Ang simpleng nilalang na sa iba’y maaaring tawaging ang bata na nasa loob natin, na sa kabila ng komplikasyon at mga kakulangan ay nagpapadayon pa rin, hindi natitinag.
Naaalala natin ang simpleng maybahay at ina na hindi naisip ang panganib ng diktadura, at naging tinig at tanglaw ng nakakulong na kabiyak, ang bayaning si Ninoy Aquino, at ng isang pamilyang nangungulila sa haligi ng tahanan.
Naaalala natin na matapos mapaslang ang asawa noong 21 Agosto 1983, sa kabila ng pagnanais na magkaroon ng mapayapang buhay, tinanggap niya ang hamon na maging lider nang kinailangan ng ipantatapat sa makapangyarihang diktador. Nanaig ang simpleng nilalang sa loob niya, na sa kabila ng kakulangan ng karanasan, sinunod niya ang kahilingan ng milyong tao na tumakbo bilang pangulo, at sa panahon ng Kapangyarihang Bayan noong Pebrero 1986, tinawagan siya ng mamamayan na itatag muli ang bandila ng demokrasya sa bansa.
Naaalala natin ang simpleng pangulong hindi naghangad na mapag-ibayo ang kanyang kayamanan, gamit ang kanyang kapangyarihan. Hindi nabahiran ng anumang alegasyon ng personal na korupsyon.
Naaalala natin na matapos niyang ilipat ang panguluhan ng mapayapa noong 30 Hunyo 1992 sa kanyang kahalili, sa unang pagkakataon mula 1965, hindi nagpahinga si Tita Cory. Ang simpleng nilalang sa loob niya ay nagpatuloy na tumulong sa bayan, sa pamamagitan ng Aquino Foundation at sa mga pakikibaka para sa mabuti at maginhawang lipunan.
Sa mga nakaraang buwan, naalala naman natin na itinuro niya kung paano tanggapin ang kamatayan, at kung paano ialay ang kanyang mga pagdurusa sa pananalangin para sa bayan. At maging sa karamdaman, at ngayon sa kamatayan, patuloy niya tayong pinagkakaisa.
Anumang pagkukulang at isyung kinaharap ni Tita Cory, nahihigitan ito ng kanyang karakter at kabutihang-loob. Ginawa at sinabi niya ang sa tingin niya ay tama, at ang simpleng nilalang sa kanyang kaibuturan ay patuloy na pinanghawakan ang pag-asa at tiwala sa mga Pilipino.
Sa kanyang pagkawala, muling magugunita ang Kapangyarihang Bayan kung saan siya ang naging simbolo ng pagkilos ng 2 Milyong Pilipino na naging simple sa isang pagkakataon at ipinakita ang lahat ng maganda sa Pilipino. Muling makikita ng kabataan ang kadakilaan ng kanilang bansa at lahi na sinisimbolo ng isang simpleng maybahay.
Purihin ang Diyos at nabuhay at nakasama natin ang isang Dakilang Pilipina, ang Ina ng ating demokrasya, naging Ina ng Bayan.
Patay na si Tita Cory, pero ipinasa niya sa atin ang pag-asa sa mas maginhawang Pilipinas. Buhayin natin ito sa ating puso, isipan, at gawa.
Patay na si Tita Cory! Mabuhay ang simpleng nilalang sa bawat Pilipino…
1 Agosto 2009, 9:43 NU, Lungsod ng Tarlac
Isang nakapangingilabot na alaala: Isang aklat na pinirmahan ni Cory Aquino para kay Xiao Chua eksaktong dalawang taon bago siya sumakabilang-buhay.