IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: xiaotime

XIAOTIME, 7 December 2012: ‘Love Story’ ng mag-asawang JUAN LUNA AT PAZ PARDO DE TAVERA

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 7 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

"A Portrait of Paz Pardo de Tavera" ni Juan Luna.  Ang misteryosong wangis raw ng asawa ni Juan Luna.  Di nga?  Ang sinasabing pinakamalas na painting sa kasaysayan ng bansa.

“A Portrait of Paz Pardo de Tavera” ni Juan Luna. Ang misteryosong wangis raw ng asawa ni Juan Luna. Di nga? Ang sinasabing pinakamalas na painting sa kasaysayan ng bansa.

7 December 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=NgkVRQzVbyY

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  126 years ago bukas, December 8, 1886, pista ng Inmaculada Concepcion, nagpakasal ang bayaning pintor na si Juan Luna at si Paz Pardo de Tavera na noon ay 21 years-old lamang.

Juan Luna

Juan Luna

Paz Pardo de Tavera

Paz Pardo de Tavera

Ang mga Pardo de Tavera ay prominenteng mga Espanyol sa Pilipinas kaya noong una hindi payag ang ina ni Paz na si Juliana Gorricho na ipakasal ang unica hija sa isang indiong pintor.

Ang tanging larawan ni Rizal na nakangiti ay larawan niya kasama sina Feliz R. Hidalgo, ang pintor, si Nelly Boustead na kanyang niligawan, at ang mga Pardo de Tavera:  Katabi ni Nelly si Paz Pardo de Tavera at nakaupo si Juliana Gorricho kalong-kalong ang apong si Andres Luna.

Ang tanging larawan ni Rizal na nakangiti ay larawan niya kasama sina Feliz R. Hidalgo, ang pintor, si Nelly Boustead na kanyang niligawan, at ang mga Pardo de Tavera: Katabi ni Nelly si Paz Pardo de Tavera at nakaupo si Juliana Gorricho kalong-kalong ang apong si Andres Luna.

Ngunit ipinakita ni Juan na karapat-dapat siya sa kanyang anak, pumayag na rin ito kalaunan.  Nagpulot-gata sila sa Italya at nanirahan matapos nito sa Pransiya.    Ang tiyuhin ng sopistikada at outspoken na si Paz ay si Joaquin Pardo de Tavera, na kapatid ng kanyang ina na si Juliana Gorricho.  Kapatid niya ang mga doktor at propagandista na sina Trinindad at Felix Pardo de Tavera.

Trinidad Pardo de Tavera

Trinidad Pardo de Tavera

Sa pagdating ng mga Amerikano, si Trinidad Pardo de Tavera ay naging tagapagtaguyod ng Partido Federalista, na nag-adhika ng pagiging estado ng Pilipinas.  Sina Luna at Paz ay nagka-anak, si Andres o Luling at si Maria de la Paz o Bibi.

Andres Luna de San Pedro o Luling, obra ni Juan Luna, nasa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Andres Luna de San Pedro o Luling, obra ni Juan Luna, nasa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Maria de la Paz Luna o Bibi, obra ni Juan Luna, nasa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Maria de la Paz Luna o Bibi, obra ni Juan Luna, nasa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Ngunit si Bibi ay mamamatay wala pa siyang dalawang taong gulang noong 1892.  Nalungkot ang mag-asawa.  Sa taon ding iyon, nagselos si Juan Luna kaya noong September 23, 1892, binaril ni Juan Luna ang kanyang biyenan at ang kanyang asawa at napatay ang mga ito.

Mula kay Alfredo Roces, "Philippine Heritage"

Mula kay Alfredo Roces, “Philippine Heritage”

Hanggang ngayon, itinatanggi ng mga Pardo de Tavera na nagtaksil si Paz kay Luna at sa galit ng mga ito sa kanya, ang kanyang mga larawan sa mga photo album nila ay binura ng kulay itim ng pamilya.

Mula kay Alfredo Roces, "Rage"

Mula kay Alfredo Roces, “Rage”

Sa Pambansang Sinupan ng Sining, may isang obra si Juan Luna doon na ang pangalan ay, “Portrait of Paz Pardo de Tavera” na nagpapakita ng isang babaeng may hawak na rosaryo at may katabing aklat-dasalan habang nakalitaw ang isa sa kanyang dibdib.  Ang painting raw na ito ang sinasabing pinakamalas na pintura sa Pilipinas.  Lahat diumano ng nagmay-ari nito nito ay minalas.  Ang unang may-ari raw nito na si Manuel Garcia ay nalugi.  Si Betty Bantug Benitez naman na siyang nangasiwa sa pagpapatayo ng Manila Film Center at sa nangyaring trahedya ay namatay sa isang aksidente sa auto sa Tagaytay.  Si Tony Nazareno naman ay biglaang nagkasakit.  Naibenta rin ito kay Imee Marcos na nakunan naman.

Rep. Ma. Imelda "Imee" Romualdez Marcos noong pinuno pa ng Kabataang Barangay.

Rep. Ma. Imelda “Imee” Romualdez Marcos noong pinuno pa ng Kabataang Barangay.

Sa katalogo ng Oro-Plata na eksibisyon para sa mga gawa nina Luna at Hidalgo, hindi nakalista sa mga, may-ari si Imee kundi si Gng. Imelda Romualdez Marcos, ang Unang Ginang na napatalsik ng Himagsikang EDSA.

Gobernador  Imelda Remedios Visitación Romuáldez Marcos noong Unang Ginang pa ng Pilipinas.  Larawan mula sa Marcos Presidential Center.

Gobernador Imelda Remedios Visitación Romuáldez Marcos noong Unang Ginang pa ng Pilipinas. Larawan mula sa Marcos Presidential Center.

Ibinigay niya ang obra sa Pambansang Museo.  Nang ipahiram ito sa Metropolitan Museum of Manila para sa eksibisyong Oro-Plata, ang bubong sa taas ng obra ay natuluan ng tubig-ulan.  Hanggang ngayon, ayon sa mga nakakikita nito sa Pambansang Museo, tila buhay at nangunguasap ang mga mata nito.

Unang pagkikita namin ni Dr. Ambeth Ocampo, 2003

Unang pagkikita namin ni Dr. Ambeth Ocampo, 2003

Ngunit sa isang artikulo ni Dr. Ambeth Ocampo noon pang 1989, kung titingnan ang mga totoong larawan ni Paz, malayo ang hugis ng mukha nito sa babae sa obra.

Spot the difference?  Medyo malaki.

Spot the difference? Medyo malaki.

Baka kaya ito minalas dahil hindi nga siya si Paz.  Dati na itong pinalitan ng pangalan na “Portrait of a Lady” ngunit ngayon, muli itong ibinalik sa dating pangalan nito.  Naku!  Baka malasin ulit yan haha.  Ang kwento ng mag-asawang Luna ay nagtuturo sa atin una, na hindi ka man perpekto maari ka pa ring makatulong sa bayan, at pangalawa, na may malaking bahagi ang hinahon ng loob at lamig ng ulo upang magtagumpay ang isang relasyon.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(McDo Philcoa, 27 November 2012)

XIAOTIME, 6 December 2012: MGA KUDETA SA ILALIM NG PANGULONG CORY

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 6 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang madugo at malungkot na eksena sa isang rooftop sa Makati noong kudeta ng Disyembre 1989.  Mula sa aklat ng PCIJ na Kudeta:  A Challenge to Philippine Democracy."

Isang madugo at malungkot na eksena sa isang rooftop sa Makati noong kudeta ng Disyembre 1989. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

6 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=k3rJ78s3E14

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  23 years ago today, December 6, 1989, nang ideklara ni Pangulong Cory Aquino ang Proclamation 503 na naglalagay sa buong Pilipinas sa State of National Emergency.

Dating Pangulong Cory Aquino:  "Ang Babaeng Sintibay ng Bakal"

Dating Pangulong Cory Aquino: “Ang Babaeng Sintibay ng Bakal”

Binibigyan siya nito ng mas malawak na kapangyarihan upang pigilan ang ikapitong tangkang kudeta laban sa kanyang pamahalaan ng mga sundalo, na nagsimula noong November 29.

Ang anak ng Pangulo na si Noynoy Aquino habang pinoprotektahan ang kanyang ina noong kudeta ng Disyembre 1989.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Ang anak ng Pangulo na si Noynoy Aquino habang pinoprotektahan ang kanyang ina noong kudeta ng Disyembre 1989. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Sinakop ang sentro ng negosyo sa Makati at ang Mactan Airbase at sinalakay ang siyam na instalasyong militar.  Kinasangkutan ito ng tatlong libong rebelde sa ilalim ng 44 na opisyal, 21 koronel at pitong heneral.  Nagapi ito ng December 9, 1989.  Ito ang pinakamadugong pagtatangka—99 patay, 570 ang sugatan na karamihan ay mga sibilyan!

Pagsuko ng mga rebelde sa Makati matapos ang kudeta ng Disyembre 1989.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Pagsuko ng mga rebelde sa Makati matapos ang kudeta ng Disyembre 1989. Mula sa aklat na “Philippine Almanac.”

Ang kudeta ay nagmula sa Pranses na coup d’état na ang kahulugan ay “strike against the state” o “golde de estado.”  Isa sa mga nakahadlang sa lubos na pag-usad ng pamahalaan at demokrasya matapos ang People Power ay ang mga kudeta na ito na sa akala natin ay pitong pagtatangka lamang.  Ngunit ayon kay Fidel V. Ramos na Kalihim noon ng Tanggulang Pambansa—siyam pala ang mga ito!  Ang una ay ang July 6-7, 1986, 490 sundalo at 15,000 loyalista ang nasangkot sa pagloob sa Manila Hotel upang pabalikin si Pangulong Marcos; Ikalawa naman ang November 23-24, 1986 “God Save the Queen” plot.  Walang dumanak na dugo ngunit muntik nang magkabarilan.  Binalak ni Kalihim Juan Ponce Enrile at ng Reform the Armed Forces Movement o RAM;

Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Si Gringo Honosan at ang Reform the Armed Forces Movement o RAM.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Si Gringo Honasan at ang Reform the Armed Forces Movement o RAM. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Ikatlo ang January 27-28, 1987 na paglusob sa GMA-7, madugo; Ika-apat ang April 18-19, 1987, ang “Black Saturday” incident sa Fort Bonifacio na ikinamatay ng isang sundalo;  Ikalima ay ang June 9-13, 1987 na pagsakop ng mga loyalista ni Marcos sa Manila International Airport, naagapan ang pagdanak ng dugo; Ika-anim ay ang pinakaseryoso sa lahat ng pagtatangka, ang August 28, 1987, kung saan sinalakay ang Camp Aguinaldo, Malacañang, PTV-4 sa Bohol Ave na ngayon ay ABS-CBN, Camelot Hotel, Broadcast City, Villamor Airbase, Camp Olivas, Pampanga, RECOM 7 Headquarters, Cebu at Legaspi City Airport.  Nagbunsod ito sa pagkasunog ng GHQ ng Armed Forces sa Aguinaldo.

Pagkasunog ng General Headquarters ng Camp Aguinaldo, Agosto 1987.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Pagkasunog ng General Headquarters ng Camp Aguinaldo, Agosto 1987. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Sa kudeta na ito na-ambush at nabaril ang anak ng pangulo na si Noynoy Aquino habang ang sundalo naman na nasawi sa Bohol Ave na si Sgt. Eduardo Esguerra ay pinarangalan sa pamamagitan ng pagpapangalan ng kalyeng nabanggit sa kanya.  Matapos ang ika-pitong pagtatangka noong 1989, nagkaroon pa ng madugong pagsakop sa Cagayan ng gobernador nito noong March 4-5, 1990 kung saan isang heneral ang namatay at ang tangkang pagtatag apat na lalawigan ng Federal Republic of Mindanao noong Oktubre 1990.  Noong kudeta ng Agosto 1987, may kolumnistang nagsulat na nagtago ang Pangulong Cory sa ilalim ng kama.  Kahit na alegorikal lamang ito, sineryoso ito ng pangulo, ipinakita na wala siyang pwedeng pagtaguan sa kanyang kama at idinemanda ang kolumnista.

Paano nga naman magtatago?  Mula sa aklat na "In The Name of Democracy and Prayer" ni Cory Aquino

Paano nga naman magtatago? Mula sa aklat na “In The Name of Democracy and Prayer” ni Cory Aquino

Ano na lamang daw ang sasabihin ang AFP sa kanilang commander-in-chief?  Ayon kay PSG Chief Voltz Gazmin, hindi niya nakita si Tita Cory sa ilalim ng kama, kundi nag-aayos ng buhok habang nagkakaputukan sa paligid, kailangan niya raw maging presentable sa media.  Siya ang “pinakapanatag sa lahat.”  Ang pagtatagumpay niya sa siyam na kudetang ito ang nagpapatunay ng mga papuri ni Fidel Ramos sa pangulo, “Ang Babaeng Sintibay ng Bakal.”

Si Cory Aquino at Heneral Fidel V. Ramos.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Si Cory Aquino at Heneral Fidel V. Ramos. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Nang mamatay si Tita Cory, nagpa-sorry ang ilang sumama sa mga kudeta tulad nina Rex Robles at Ariel Querubin at sinaluduhan ang pangulo.  Ang marahas na himagsikan ay ginagawa lamang kung kinakailangan, kung masama ang namiminuno.  Kung walang mabuting hangarin, tulad ng ipinakita ni Rizal kay Simoun sa El Filibusterismo, hindi magtatagumpay ang himagsikan at makakadagdag lamang sa pagkalugmok ng ating bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Manila Cathedral steps, 25 November 2012)

XIAOTIME, 5 December 2012: TUNAY NA SAWSAWANG PINOY

Broadcast of Xiaotime news segment last Wednesday, 5 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Maria Y. Orosa, kinikilalang imbentor ng banana ketchup.  Sa kanya ipinangalan ang Orosa St. na pumapagitna sa Rizal Park, Luneta sa Maynila.  Larawan mula sa dreamcatcherrye.blogspot.com.

Maria Y. Orosa, kinikilalang imbentor ng banana ketchup. Sa kanya ipinangalan ang Orosa St. na pumapagitna sa Rizal Park, Luneta sa Maynila. Larawan mula sa dreamcatcherrye.blogspot.com.

5 December 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=OPtdTiaKmEY

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang episode na ito sa ating “Bisig ng Batas,” ang aking kaibigan na si Atty. Jennifer Jimeno Atienza na sa unang linggo pa lamang ng Xiao Time ay itinanong na sa akin, ano nga ba ang tunay na sawsawang Pinoy?  Patis ba?  Toyo?  Bagoong?  E nagkalat ito sa ibang bansa.  Mayroon na akong kasagutan.

Doreen Fernandez.  Larawan mula sa thefilam.net

Doreen Fernandez. Larawan mula sa thefilam.net

Ayon sa yumaong food historian na si Doreen Fernandez, ang mga inasinan at finerment na mga isda sa mga tapayan o banga ang lumilikha ng sabaw na nagiging maalat na patis, hindi ito malansa, kundi mabango ang amoy nito.  Ngunit, nuoc mam rin ito sa Vietnam, nam pla sa Thailand, at petis sa Indonesia!  Petis-Patis?

Patis.  Larawan mula sa tastingmenu.com

Patis. Larawan mula sa tastingmenu.com

Ang tawag sa mga salitang ganito ay cognates.  Ang wika at kultura naman kasi natin sa Southeast Asia ay nagmula sa ating iisang ninuno, ang mga Austronesians!  Ang maalat din na toyo naman o soy sauce na gawa sa balatong ay pinaniniwalaang nagmula sa Tsina at Hapon.  Sa Pilipinas, kung saan malaganap din ito, tawag ito sa mga weng-weng, “taong nababaliw o mali-mali ang pinag-gagawa.”

Toyo.  Larawan mula sa becomingbklyn.com

Toyo. Larawan mula sa becomingbklyn.com

Ang maasim na suka naman o vinegar ay malaganap sa buong mundo ngunit sa Pilipinas kadalasan itong gawa sa niyog, tubo at nipa.  Pinanggagamot din ito sa lagnat at sakit ng ulo.

Suka.  Larawan mula sa marketmanila.com

Suka. Larawan mula sa marketmanila.com

Sa aklat na Sucesos de las Islas Filipinas o Events in the Philippine Islands, pinansin ni Dr. Antonio de Morga noong 1609 ang pagkain ng mga indio ng mga isdang sarap na sarap lamang sila kung nabubulok na ito at mabaho.  Sabi niya siguro noon “Yuck!  So kadiri!”  Kaya ilang siglo ang lilipas ipagtatanggol naman tayo ni José Rizal, “Heto na naman ang Espanyol, pinandidirihan ang mga pagkaing hindi nila alam o kinasanayan.  Ang isdang binabanggit ni Morga, na hindi masarap kung hindi bulok at mabaho ay ang bagoong, at alam ng mga nakakain at nakatikim na nito na hindi ito at hindi dapat ito bulok.”  Kung nais ng sagot para sa sawsawang sa Pilipinas nagmula, pinaniniwalaang bagoong ito.  Gawa ito sa mga isda at lamang-dagat na inapak-apakan ng mga mangingisda at pinalo ng mga sagwan matapos noon ay kanilang aasinan upang ma-ferment.

Bagoong.  Larawan mula sa marketmanila.com

Bagoong. Larawan mula sa marketmanila.com

Nang dumating ang mga Amerikano, nahilig din tayo sa tomato ketchup.  Ngunit nang sakupin tayo ng mga Hapones noong World War II, nagkaroon ng kakulangan sa suplay nito.  Kaya naimbento ng Pinoy ang banana ketchup, at ang unang brand nito ayon kay Dr. Ricardo José ay ang “Mafran.”

Banana ketchup.  Larawan mula sa thelongestwayhome.com

Banana ketchup. Larawan mula sa thelongestwayhome.com

Ito ay isang ring orihinal na sawsawang Pinoy na mas matamis pa sa tomato ketchup.  Sinasabing ang imbentor ng banana ketchup ay ang food technologist, chemist at pharmacist na si Maria Y. Orosa ng Batangas na sumama sa Marking’s Guerillas at naging kapitan pa, nagpakain ng kanyang imbensyong “magic food” na soyalac sa mga nasa concentration camps.  Natamaan siya ng shrapnel ng bomba habang nagtatrabaho sa Bureau of Plant Industry noong Battle for the Liberation of Manila noong 1945.  Sa ospital, muli siyang nabomba at tinamaan ng shrapnel sa puso na kanyang dagling ikinamatay.  Hindi lang ang talento at masarap na panlasa ng mga Pilipino ang makikita natin sa ating mga sawsawan, nagtataglay din ito ng mga saysay ng kabayanihan ng mga nauna sa atin.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 November 2012)

Ayon sa thelongestwayhome.com:  "Do bananas bleed red? In The Philippines it appears they do!"  Pilosopo.

Ayon sa thelongestwayhome.com: “Do bananas bleed red? In The Philippines it appears they do!” Pilosopo.

XIAOTIME, 4 December 2012: DATU ALI NG BUAYAN, Juramentado o Bayani?

Broadcast of Xiaotime news segment last Tuesday, 4 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Datu Ali at ang kanyang pamilya.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinusat Lidasan.

Datu Ali at ang kanyang pamilya. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

4 December 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=2rLwzirZw2A

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa mga kaibigang nagsusulong ng kapantasang Muslim at nagbabantay ng alaala ng mga bayaning Moro, sina Dato Yusuf Ali Morales at Muhammad Sinsuat Lidasan na kaanak ng mga Sultan ng Buayan sa Maguindanao.

Prinsesa Bai Aizian Utto Camsa

Prinsesa Bai Aizian Utto Camsa

Noong nakaraang November 24, 2012, binigyan po ako ng karangalan ng Sultanate of Buayan Darussalam, sa pamamagitan ni Prinsesa Bai Aizian Utto Camsa, ng karangalang “Darjah Kebesaran Sultan Akmad Utto Camsa” na may titulong pandangal na “Dato” dahil sa aking pagtalakay ng kultura at ng mga bayaning Moro dito sa “Xiao Time.”

04 na may titulong pandangal na “Dato”

Inspirasyon ang iginawad ninyo sa akin upang lalong magpunyagi na responsableng isalaysay ang mga kwentong may saysay sa ating lahat.  Ang tatalakayin ko po ngayon ay ang kanilang ninunong si Datu Ali.  Si Datu Ali, ang Rajah Muda o Crowned Prince ng Sultanato ng Buayan sa Maguindanao at pinuno ng Hilagang Lambak ng Cotabato, ang kinikilalang pinuno ng teritoryo at mamamayang Maguindanaon noong kanyang panahon, dekada 1900s.  Anak siya ni Sultan Muhammad Bayao.  Ngunit, nagnanais ang mga bagong saltang mananakop na Amerikano na maghari sa Maguindanao, si Datu Ali ang naging pinakamalaki nilang tinik.  Dinigma sila ni Datu Ali noong una sa pamamagitan ng harapang pakikipaglaban ngunit paglaon gamit na ang digmaang pangerilya.  Kahit ang mabangis na heneral na mga Amerikano na si Leonard Wood, na magiging gobernador heneral ng Pilipinas, ay hindi naitago ang paghanga kay Datu Ali, “by far the most capable Moro we have run into.”

Heneral Leonard Wood

Heneral Leonard Wood

Upang makipagnegosasyon kay Datu Ali, naging tagapamagitan ng mga Amerikano ang isang respetadong Imam na si Sharif Afdal ngunit hindi naging mabunga ang mga usapang ito.

Sharif Afdal, nagyoyosi, naka-shades.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Sharif Afdal, nagyoyosi, naka-shades. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Naging istratehiya ng mga mananakop ang “Divide and Rule” policy kung saan pag-aaway-awayin ang mga Pilipino upang hindi magkaisa at nang hindi magkaroon ng malaking banta sa kanilang pananakop.

Datu Guimbangan.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Datu Guimbangan. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Kinidnap sa Fort Serenaya ang kapatid niyang si Datu Guimbangan upang hikayatin siyang sumuko ngunit hindi siya natinag.  Kaya pinakilos ng mga Amerikano ang mga taong may hinanakit kay Datu Ali upang pagtaksilan siya.  Bilang negosyador, si Sharif Afdal ang nagsabi ng kinaroroonan ni Datu Ali kay Datu Piang, na nagpasa naman ng impormasyon sa mga Amerikano.

Datu Piang.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Datu Piang. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Inatasan ang 22nd Infantry sa pamumuno ni Kapitan F.R. McCoy.  Si Datu Enok naman ang gumabay sa mga Amerikano sa pinakaligtas at pinakahindi nababantayan na ruta patungo sa kampo ni Datu Ali.

Kapitan F. R. McCoy.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Kapitan F. R. McCoy. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Datu Enok.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Datu Enok. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

October 22, 1905, umaga, nilusob ng mga Amerikano ang bahay ni Datu Ali, nakaganti ng putok ang datu ngunit nakaiwas si Tinyente Remington at binaril ang datu, bumagsak siya at nagtangkang tumakas upang lumaban muli ngunit tinapos na siya ng mga kalaban.  Ito ang pataksil na wakas ng pinakamalaking hamon sa pananakop ng Amerika sa Maguindanao.

Ulat ng mga Amerikano sa pagpaslang kay Datu Ali.  Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Ulat ng mga Amerikano sa pagpaslang kay Datu Ali. Sa kagandahang loob ni Dato Muhammad Sinsuat Lidasan.

Ayon kay Datu Ali, “Ang mga taong takot mamatay ay mas magandang takpan na lamang ng palay sa kanilang libingan.”  Para sa ilan sa atin, kapag lumalaban ang Muslim para sa kanilang lupa, juramentado o nag-aamok sila.  Ngunit ang mga katulad ni Datu Ali ay dapat kilalaning bayani na isinakripisyo ang buhay, nag-sabil, para sa tunay na kalayaan ng bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(McDo Taft, 27 November 2012)

XIAOTIME, 30 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Unang Pangulo ng Pambansang Pamahalaan

Broadcast of Xiaotime news segment today, 30 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanging larawan ng Supremo Andres Bonifacio na nagpapatunay na 1) Hindi niya kamukha si Gardo Versoza 2) Nag-amerikana siya at hindi lang kamisa chino (empleyado kasi siya sa internasyunal na mga kumpanya sa Maynila noon). Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo at PDI.

30 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=RHmS4O2uFbE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  149 years ago ngayong araw, November 30, 1863, isinilang si Andres Bonifacio, batang Tondo, Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at pambansang bayani.  Sa susunod na taon, 2013, ipagdiriwang na natin ang Boni@150.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Sabi nila, si Bonifacio raw ay walang pinag-aralan, mapusok at isang bobong bodegero.  Liwanagin natin.  Hindi totoong ipinanganak na super hirap si Andy, may tutor nga raw siya noong bata pa siya.  Ang ina niya ay isang mestisang Espanyol.  Ngunit nang mamatay ang kanyang mga magulang noong kanyang kabataan, bilang panganay kailangan niyang buhayin ang kanyang limang kapatid.  Doon siya nagsikap.  Nagbenta ng mga baston at pamaypay na abaniko at naging raket niya ito hanggang 1896!!!

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Natuto sa sariling sikap na magbasa sa Espanyol at naging bihasa sa Wikang Tagalog, nagbasa ng ukol sa Rebolusyong Pranses, mga pangulo ng America, Les Miserables ni Victor Hugo at ang mga nobela ni Rizal.  Nakumpiska ang mga aklat sa kanyang opisina noong rebolusyon.

Nagsikap na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Naging empleyado ng dalawang international companies sa Maynila, ang Fleming and Co. at ang Fressel and Co. bilang bodegero o clerk, hindi po kargador, na messenger rin, na marahil naging dahilan na madali niyang naipalaganap ang Katipunan.  Hindi alam ng marami na isa siyang aktor sa teatro na may sariling theatre company, ang Teatro Porvenir.  Ang paborito niyang karakter ay si Bernardo Carpio, ang mitikal na Haring Tagalog na nakagapos sa pagitan ng dalawang bundok na kapag lumaya ay iligtas ang mga Tagalog mula sa mga Espanyol.

Popular na representasyon kay Bernardo Carpio, pinipigil magsalpukan ang dalawang bundok. Guhit ni Ricky Serrano Mula sa Merrian Webster & Bookstore.

Noong July 3, 1892, sumali sa La Liga Filipina ni Rizal na nag-aadhika ng pagkakaisa ng mga Pilipino bilang isang katawan.  Pero after three days inaresto si Rizal at itinapon sa Dapitan.  Kinabukasan, itinatag ni Bonifacio ang Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.  Ngunit hindi siya agad naging Supremo.  Siya lamang ang ikatlo sa mga umupo sa pwestong ito.  Biyernes Santo ng 1895, pinangunahan niya ang mga Katipunero sa pagtungo sa mga kweba ng Bundok Tapusi sa Montalban.

Bundok Tapusi, Montalban. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Sinulat nila sa mga pader, “Naparito ang mga Anak ng Bayan, Hinahanap ang Kalayaan.  Mabuhay ang Kalayaan!” na tila idinedeklara na ang ating kalayaan.  Ang tila kambal na bundok sa Montalban ang mitikal na lugar ng pinaggapusan kay Bernardo Carpio na tila sinasabi, kami si Bernardo Carpio, ang mga anak ng bayan ang magliligtas sa bayan, handa kaming magsakripisyo ng buhay tulad kay Kristo. Kung mapusok siya, paano niyang napanatiling lihim ang kanyang samahan ng matagal?  Kung hindi siya magaling paano kumulat bilang pambansang samahan ang Katipunan?  Ibinalik niya ang mga elemento ng sinaunang bayan tulad ng sandugo sa ritwal ng Katipunan, magkakapatid tayo sa iisang Inang Bayan, anak tayo ng bayan.  Na walang tunay na kalayaan kung walang ginhawa na natatamo lamang kung malinis ang kaooban, makatwiran, may dangal at puri.

Sanduguan sa Katipunan,. Detalye ng mural na “History of Manila” ni Carlos V. Francisco.  Nakalagak sa City Hall ng Maynila.

Nang pumutok ang himagsikan, nahalal siya ng Kataas-taasang Sanggunian ng KKK na unang pangulo ng unang pambansang revolutionary government, mas nauna pa doon sa kay Hen. Emilio Aguinaldo.  Bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang Tagalog ay lahat ng nangagkakaisang Anak ng Bayan na pawang mga taga-ilog, ang hari ay hindi mga pinuno, kundi ang bayan.

Sa wanted poster sa isang Kastilang pahayagan noong Pebrero 1897, kinilala mismo ng mga kalaban ang unang panguluhan ni Andres Bonifacio sa Pamahalaang Rebolusyunaryo. Mula sa Studio 5 Publishing, Inc.

Sa kanyang pagkamatay noong 1897, naudlot ang konsepto niyang ito.  Hindi pa tapos ang laban, kailangan natin itong ipagpatuloy!  Sa pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng bansa na nag-uugat sa mga konsepto at kalooban ng bayan, si Bonifacio ay dapat kilalanin bilang Ama ng Sambayanang Pilipino.  Mabuhay ang Supremo!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(On the taxi and at PTV, 22 November 2012)

XIAOTIME, 29 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Supremo Bilang Pinunong Militar

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 29 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang hinirayang paglalarawan sa Supremo ng Katipunan, Andres Bonifacio bilang Pinunong Militar na binihisan ng rayadillo. Bilang isang aktor sa teatro, kung ang kanyang mga heneral ay may uniporme, ang kanyang bihis ay pihadong mahalaga para sa kanya. Mula sa Tragedy of the Revolution ni Adrian Cristobal at ng Studio 5 Publishing.

29 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=xG63WzrxUrI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Bukas ang 149th birth anniversary ng Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at ang ating Pambansang Bayani na si Andres Bonifacio.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Ang sabi-sabi si Bonifacio ay bobo at walang istratehiyang militar!  Lahat ng labanan niya ay natalo.  Huh???  Liwanagin natin.  Naging matagumpay ang Cavite sa pagputok ng himagsikan noong 1896 dahil sa mga trintsera na pinlano ni Edilberto Evangelista na nag-aral ng inhinyeriya sa Brussels, Belgium.

Ang inhinyerong nagtapos sa Belgium, Edilberto Evangelista. Larawan mula kay Dr. Isagani Medina.

Ngunit matapos ang ilang buwan, nang bumalik ang mga pwersang Espanyol mula sa digmaan sa Mindanao, dumami na ang mga Espanyol at unti-unti nang bumagsak ang mga bayan sa Cavite.  Ayon kay Zeus Salazar, ang digmaang trintsera na nagmula sa Kanluran ay kabisado ng mga Espanyol, magastos, hindi madaling maiwanan, madaling mapaligiran, at kapaki-pakinabang sa mga Espanyol kapag kanilang nakukuha.

Ang mga trintsera ng Cavite na itinayo ni edilberto Evangelista habang epektibong ginagamit… ng mga Amerikano. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Iba ang istratehiyang ipinatupad ni Bonifacio na sinunod ng maraming heneral sa buong Pilipinas.  Hinugot niya ito sa “Ilihan” ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol, ang pinag-aatrasan ng bayan sa mga burol o kabundukan upang maging ligtas sa sakuna o makibaka sa mga kalaban.  Tinawag niya itong “real” na ang ibig sabihin ay kampo o “komunidad na may tanggulan malapit sa bayan.”

Isa sa mga pinagrealan ni Bonifacio ay ang Bundok Tapusi sa Montalban, Rizal. Kung saan ang maalamat na si Bernardo Carpio ay nakagapos at malapit nang makawala upang palayain ang ating bayan. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Unang naisip ni Bonifacio sa kanyang paglalakbay sa Montalban at natatag sa Balara, Krus na Ligas, Marikina, Makiling, Banahaw, atbp.  Lumaganap din sa mga kabundukan ng Tayabas, Morong, Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija.  Gamit nito ang mga natural na anyo sa kalikasan tulad ng mga kakahuyan, mga bato, mga kweba at mga bundok.  Dahil pakikidigmang mas angkop sa Pilipino:  Hindi magastos, madaling iwanan at balikan kapag hinabol sila roon marami sila lulusutan, hindi mapakikinabangan ng mga Espanyol at pahihirapan sila dahil wala silang kasanayan.  Matapos ang mga pagsalakay sa Pinaglabanan, kahit na maraming nasawing mga Katipunero, hindi sila naubos at nalipol.  Hindi rin sila nahabol ng mga Espanyol.  Dahil naka-atras sila sa mga “real.”  Ang pinagtuunan ng pansin ay ang Cavite na mas kaya nilang pataubin.  At nang tuluyang bumagsak ang mga trintsera sa Cavite at tuluyang matalo si Aguinaldo, ang sumalo sa kanya ay ang mga “real” na ipinatayo ng “walang taktikang-militar” na si Bonifacio hanggang sa mapadpad siya sa  “real” ng Biyak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan!  Kung saan nagkaroon sila ng bentahe na makipagkasundo sa mga Espanyol, linlangin sila at kalaunan ituloy ang Revolucion habang ang himagsikan ay ipinagpatuloy ng mga anak ng bayan.  Ayon kay John Ray Ramos ng Security Matters magazine may pagkakaiba ang taktika na mas limitado at ispesipiko habang ang istratehiya ay mas malawang pakikidigma.  Samakatuwid sina Aguinaldo ay nasa lebel ng taktika noong 1896 habang hawak ni Bonifacio ang istratehiya ng Katipunan.  Samakutuwid, hindi totoong walang istratehiyang militar si Bonifacio.  Mas katutubo nga lamang ito.  Kung tutuusin, ginagamit pa rin ito ng NPA at mga Mandirigmang Moro.  Ayon kay Milagros Guerrero, dahil sa pagtatakda ng istratehiya ng himagsikan bilang may command responsibility, lahat ng mga pagkatalo at pagkapanalo ng himagsikan ay dapat ding ibigay kay Bonifacio.  Ang sinasabi ng ilang historyador na natalo si Bonifacio sa lahat ng kanyang laban ay katawa-tawa.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Yellow Cab DLSU Taft, 22 November 2012)

Zeus Salazar

Milagros Guerrero

John Ray Ramos

XIAOTIME, 28 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 28 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Pagsalakay ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan sa madaling araw ng August 30, 1896. Kung gayon, paano siya nakatulog at hindi nakapaghudyat kung naroon nga sila sa San Juan? Mula sa “History of Manila,” mural ni Carlos V. Francisco, na nasa City Hall ng Maynila.

28 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=htU6w3sfqv8

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong November 26, 2008, idinaos ng UP Lipunang Pangkasaysayan o UP LIKAS ang isang sampaksaan na nagnanais maghubad ng mga mito ukol kay Andres Bonifacio sa tulong ng mga eksperto ukol sa bayani tulad nina Milagros Guerrero, Zeus Salazar, Luis Camara Dery at Gary Bonifacio.  Tinawag ang lektyur na Undress Bonifacio.  Sa tradisyon ng UP LIKAS, tatlong araw mula ngayon hanggang sa 149th birth anniversary ni Bonifacio sa Biyernes tatalakayin natin ang ilang isyung bumabalot sa misteryosong Supremo.  May mga sabi-sabi, walang istratehiyang militar si Bonifacio, at siya ang dahilan ng pagkapalpak ng pagsalakay ng Katipunan sa Intramuros noong August 29-30, 1896.  Liwanagin natin.  Noong August 24:  Nagpulong ang Kataas-taasang Sanggunian ng KKK, itinatag nila ang Rebolusyunaryong Pamahalaan at hinalal si Bonifacio bilang unang pangulo ng Unang Pambansang Pamahalaan sa Pilipinas at napagkasunduan na ganapin na ang pagsalakay sa Maynila sa hatinggabi ng  August 29-30.  Ang plano:  Palibutan ang sentro ng Kapangyarihang Espanyol sa Asya, ang Intramuros, Maynila habang abala ang pwersa nila sa Mindanao!

Lumang mapa ng Intramuros, ang Kastilang lungsod ng Maynila.

Sa pagtagpas ng ulo ng dragon, babagsak ang buong imperyo.  Sasalakay sa tatlong direksyon, mula sa Marikina sa silangan, Gitnang Luzon sa hilaga, Cavite mula sa timog at sa loob mismo ng Intramuros, 500 pwersang Pilipino sa pangunguna ng ilang opisyal na mestizong Espanyol.  Sa umaga ng pag-aalsa, nabisto ang pwersang ito at ipinatapon sa Mindanao.  Sa madaling-araw ng pag-aalsa, nagkaroon ng pag-atake sa paligid ng Intramuros lalo na sa Sampaloc, Sta. Ana, Pandacan, Makati, San Juan at Pasig, kasama ng Laguna … pero hindi umatake ang Cavite!  Ayon kay Hen. Aguinaldo, namuti daw ang kanilang mga mata sa kakahintay ng napagkasunduang hudyat.  Iba-iba ang mga bersyon:  pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis.  Kumalat ang balitang nakatulog daw si Bonifacio!  O di kaya’y nakipagkwentuhan at hindi namalayan na alas-cuatro na!  Ngunit bakit may sinasabing hudyat kung pinag-usapan nga na hatinggabi ang pagsalakay.  Ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis, ay makikita kaya mula sa malayong pampang ng Cavite?  Ok, granting makita nga ang mga ito, doon pa lang ba susugod pa-Maynila ang mga pinuno ng Cavite?  Edi pagdating nila doon tapos na ang labanan?

Pabalat ng aklat ni Dr. Zeus A. Salazar ukol sa pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila.

Tanong ni Zeus A. Salazar sa kanyang pananaliksik ukol sa insidente:  umuwi na lamang ba sila dahil ayon sa mga French Consular Reports ay umuulan sa Maynila noong gabing iyon? O hindi kaya ayaw lamang sumama o kumilala sa awtoridad ng Supremo ang mga pinuno ng Cavite sa kabila ng pagiging pangulo nito ng pamahalaang rebolusyunaryo at ng Haring Bayan?  Ang mga kasagutan ay ay tila mahihinuha sa madugong pagwawakas ng Supremo sa kanilang kamay noong 1897.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Gokongwei Hall, DLSU Manila, 22 November 2012)

XIAOTIME, 27 November 2012: NINOY@80

Broadcast of Xiaotime news segment today, 27 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ninoy Aquino, the Hero. Photo-montage ng Philippine Daily Inquirer, 21 August 2012.

27 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=mdqe8WHB8jg&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Mahalagang pagdiriwang po ang araw na ito!  Ito po ang 80th birth anniversary ni Benigno S. Aquino, Jr. NINOY@80!  Isinilang siya noong November 27, 1932 sa Concepcion, Tarlac.  Ang ama ni Ninoy na si Benigno Sr. ay nanilbihan bilang opisyal sa ilalim ng mga Hapones at binansagang kolaboreytor at taksil sa bayan.  Nag-iwan ito ng mapait na alaala sa batang Ninoy na mahal na mahal ang kanyang ama.  Kaya naging determinado ito na iangat ang pangalang Aquino.

Ang bata at gwapong war correspondent na si Ninoy Aquino sa Korean War, pangalawa mula sa kaliwa. Mula sa Video 48.

Sa kanyang sobrang ambisyon at kayabangan, naging pinakabata sa lahat ng bagay, pinakabatang war correspondent sa Korean War sa edad na 17 at pinasuko ang pinuno ng rebeldeng Huk na si Luis Taruc sa edad na 21.  Naging pinakabatang alkalde, bise gobernador, gobernador at kahit hindi gaanong kilala noong 1967, nangunang senador dahil sa sipag mangampanya gamit ang isang helikopter.  Maaari siyang ituring na tradisyunal na pulitiko.  Gumamit ng guns, goons and gold, isang balimbing, malakas ang charm sa kababaihan.

Si Ninoy Aquino, Tarlakin. Kuha ni Dick Baldovino.

Ngunit masipag, nagbigay ng eksplosibong mga rebelasyon ukol sa sinasabing katiwalian sa pamunuan ni Pangulong Marcos—ang pagiging “Garrison State in the Make” ng pamahalaang Marcos, ang Jabidah Massacre, ang luho diumano ng Cultural Center of the Philippines na proyekto ni Gng. Imelda Romualdez Marcos na ex niyang niligawan, at ang pagsasabatas ng “Study Now, Pay Later.”  Target niyang maging pangulo sa eleksyon ng 1973, ngunit ang brad niyang equally ambitious ay naunahan siya.  Nang ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar, si Ninoy ang unang inaresto noong September 22, 1972 at binulok sa kulungan ng pitong taon at pitong buwan.

Pinakulong ni Pang. Marcos ang brad niya sa Upsilon Sigma Phi na si Ninoy.

Nang minsang pinabartolina ni Pangulong Marcos dahil sa kanyang pasaway na pagsulat ng mga artikulo na nalathala sa Bangkok, kanyang kinwestiyon kung totoo ba ang Diyos, at doon din kanyang napagtanto na ang buti sa kanya ng Diyos, bakit nga ba siya malulumbay e nabigyan siya ng lahat ng biyaya sa mundo—mabuting pamilya, pagkakataong makapaglingkod bilang pinakabatang lahat.  At naalala niya si Kristo sa kalbaryo, walang kasalanan ngunit inalay ang pagdurusa para sa kaligtasan ng mundo.  Sino ba naman siya?  Naisip niya.

Si Senador Ninoy Aquino at anak na si Kristina Bernadette. Mula sa Ninoy: the Willing Martyr ni Alfonso Policarpio.

Kaya naman mula noon nagkaroon ng pagbabagong puso si Ninoy at minsang sinabing, “While it’s true Mr. Marcos, I sad, that after eight years in prison I have lost appetite for office, I am no longer seeking the presidency of this land, I am not seeking anymore any office in this country, but believe me, I said when I tell you, that while I have vowed never to enter the political arena again, I shall dedicate the last drop of my blood to the restoration of freedom and the dismantlement of your Martial Law.”  Naging bayani na sumama sa paghihirap ng bayan, ipinakita ang sinseridad nang hindi kumain ng 40 days bilang pakikibaka sa diktadura.

Si Ninoy, malaking mama na pumayat nang mag-hunger strike ng 40 araw dahil sa kalokohang paglilitis militar laban sa kanya. Koleksyong Dante Ambrosio sa Sinupang Xiao Chua.

Nang payagang umalis papuntang Amerika upang magpagamot, ito na marahil ang pinakamasayang tatlong taon nila niya bilang ama at asawa kay Cory, ngunit iniwan niya ang lahat ng ito sa paniniwalang may magagawa siya upang makausap si Pangulong Marcos, udyukin si Hesukristo sa puso ni Marcos, upang ibalik ang demokrasya.  Sa kanyang pagkamartir sa tarmac noong 1983, ipinakita niya na ang mayabang pulitiko noon ay maaari rin palang mag-alay ng buhay para sa bayan.

Pagkamartir ni Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport, August 21, 1983.

Dalawang milyon ang nakipaglibing kahit na bawal, inspirasyon sa mga pinuno natin, magbago na tulad ni Ninoy at nang malasap niyo ang pagmamahal ng sambayanan!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Trellis, Kalayaan, 14 November 2012)

Si Ninoy Aquino sa morge ng ospital ng Fort Bonifacio, 21 August 1983. Mula sa Ninoy: Ideals and Ideologies.

XIAOTIME, 26 November 2012: TANGKANG PAGPASLANG KAY PAUL VI SA MAYNILA

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Napigilan ng Sekretaryo ng Papa na si Msgr. Pasquale Macci si Benjamin Mendoza Y Amor ng Bolivia na patayin ang Santo Papa Paul VI. Si Pangulong Marcos ay nasa pinakadulong kaliwa. November 27, 1970 (United Press International).

26 November 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=G3lubxPLK4A&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  42 years ago bukas, November 27, 1970, nang dumating si Pope Paul IV sa Maynila para sa Conference of Asian Bishops.  Ang tatlong araw na pagbisita sa Pilipinas, ay bahagi ng paglalakbay sa Asya, ang pinakamahaba at pinaka-nakahahapo sa pitong taon na niyang papasiya.  Ngunit lingid sa alaala ng marami, nauwi sana ang pagbisita sa isang makasaysayang trahedya.  Paano???  Sa pagbaba ng papa sa eroplano habang binabati ang mga sumasalubong sa kanya, bigla na lamang siyang nilapitan ng isang mamang nakasuot pari.  Nang lumuhod at hinalikan ni Stephen Cardinal Kim ang kamay ng santo papa, binitawan din ng mama ang krusipiho, nilabas ang kanyang ten inch na patalim at inundayan ng saksak ang papa.  Napunit ang kapa ng cardinal at dumugo ang kanyang kamay.  Nagulat ang papa ngunit matapang na nakabalik sa ulirat.

Banjamin Mendoza

Nailayo agad ang sumaksak na napag-alam na isa palang Bolivianong pintor na si Benjamin Mendoza, isang ateo na naniniwalang ang relihiyon ang ipokrisiya kaya kailangan niyang saktan ang papa.  Ngunit paano nga ba nakaligtas ang Santo Papa?

Si Paul VI at ang mga Marcos . Larawan mula sa Marcos Presidential Center.

Kinagabihan, sinulat ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang diary, “This has been an eventful day, I probably saved the life of Pope Paul VI, five to ten minutes after his arrival.”  Paano???  Ayon kay Pangulong Marcos nagbigay siya ng karate chop sa kamay ni Mendoza na naging dahilan para mabitawan niya ang patalim.  Itinulak rin niya ang papa ng makalawang beses at sinalo siya ni Gng. Imelda Marcos.  Nang ilabas ni Marcos ang balita, nagduda ang mga peryodista kaya lumabas minsan ang pangulo na may benda sa kanang kamay at dahil daw sa karate chop ay muling sumakit ang kanyang sprain sa palad.  Walang makasigurado kung ano ang totoo sa bilis ng pangyayari.  Sa totoo lang kahit sa mga bidyo ng pagtatangka hindi maliwanag ang lahat sa dami ng tao.  Iba-iba rin ang sinasabi ng mga peryodiko.  Ayon sa New York Times, ang ibispo ng Malaysia na si Anthony Dennis Galvin na anak ng isang pulis na Irlandes ang nakapigil kay Mendoza.  Sa ebidensyang larawan na ito, ang sekretaryo ng papa na si Monsignor Pasquale Macchi ang makikitang pumagitna sa papa at kay Mendoza at tinulak ang pintor palayo.  Naglabas ng pirmadong affidavit si Mendoza na nagsasabing ang Pangulong Marcos ang pimigil sa kanya.  Ilang taon siyang nakulong sa Bilibid at ibinalik sa Bolivia kung saan hindi na siya matunton.  Si Paul VI ang unang “pilgrim” Pope na naglakbay sa labas ng Italya sa makabagong panahon.  Ngunit, ang paglalakbay sa Asya na ito noong 1970 ang kanyang magiging huli.

Si Paul VI kasama si Macci sa Maynila.

Sa matagal na panahon, siya rin ang unang papa na pinagtangkaan ang buhay.  Noong 1995, pinagtangkaan din ng Al Qaeda si John Paul II nang bumisita ito sa Pilipinas, naagapan lamang ng ating mga awtoridad.   Nang mamatay si Paul VI noong 1978, may natagpuan na dalawang saksak sa kanyang dibdib.  Itinago niya pala ito upang iligtas sa parusang kamatayan ang nagtangka sa kanya.  Anuman ang totoo, ayon sa pangulo, “I feel that I have been an instrument of God in saving the life of the Pope.”  Nadama niyang may dahilan ito, na itinadhana siya ng Panginoon na “iligtas” din ang bansa.  Kaya ipinataw niya ang Batas Militar noong September 21, 1972.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(DLSU Manila Library, 21 November 2012)

XIAOTIME 23 November 2012: #SaveMalibayPlaza

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 23 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Nang simulang gibain ang Malibay Plaza, 2012. Kuha ni Fed Dimal.

23 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=if8Nz8yme-4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa mga taga Malibay, ang kaibigan at iskulmeyt ko na si April Jane Sarmiento, at si Edgar Granada na pinuno naman ng #SaveMalibayPlaza Movement.  Naku, ano po ba ito???  Wala na po bang magawa ang ilan sa ating mga pinuno at kailangang pati mga plaza ay nais patayuan ng kung anu-anong mga edipisyo at gusali.

Senakulo ng Malibay. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Ang plasa ay sentro ng ugnayan ng mga tao.  Dito sama-samang nagtatakbuhan ang mga tsikiting, naglalaro ng basketball ang ilang henerasyon ng mga kabataan, ginaganap ang mga graduation, sayawan, ang pakikipagtalastasan ng mga pinuno sa kanyang bayan.

Basketbolan sa Plaza ng Malibay noong panahong sinaunan. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Matapos ang laban sa Krus na Ligas, ang mga orihinal na residente ng Malibay, Pasay naman ang humihingi sa atin ng saklolo upang iligtas ang Malibay Plaza.  Ang Malibay ay dating bayan na naging bahagi nang Lungsod ng Pasay.

Watawat ng Balanghay ng Malibay ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Naging bahagi ang Malibay ng Katipunan at ang balanghay nito ay nagkaroon pa ng sariling watawat, ay nagluwal sa bayaning babae ng himagsikan, si Marcela Marcelo, isang ina na namatay na nakikipaglaban sa murang edad na 24.

Ang senakulo ng Malibay na nagsimula noong 1902. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

110 years ago, 1902, nang simulan nila ang kanilang katangi-tangi senakulo na dinadayo ng maraming henerasyon taon-taon sa bawat mahal na araw.  Sabi ng mga lolo at lola nilang senakulista, “Huwag pababayaan ang senakulo, ituloy kahit walang-wala.”  Naging panata na nila ito.  100 years na ang nakalilipas, 1912, nang ang pinunong bayan nila na si Don Miguel Cornejo at isang Servando Culler ay sinasabing nagbahagi ng kanilang lupa upang maging plasa upang pagdausan ng kanilang mga aktibidad na pangkultura.  Kumbaga, pamana ito ng kanilang mga ninuno.  Ang plasa ang naging sayt ng taunang senakulo.  Noong sentenaryo ng Senakulo, 2002, ipinatayo ang “Malibay Center for Culture and the Arts” sa plasa sa hiling na rin ng mga residente na mapanbubungan ang kanilang plaza.  Nagtangka ang gusali na maging neo-classical upang salaminin ang senakulo at sa taas nito nakaukit ang mga representasyon ng mga sining ng senakulo, musiko at [sunduan].

Ang representasyon ng mga tradisyon ng Malibay: Musiko, Senakulo at Sunduan.

Sunduan tuwing huling linggo ng Mayo, Dekada 1940. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Matapos ang sampung taon, ngayong 2012, ginigiba na ang plaza upang patayuan ng isang multi-purpose building na magbibigay nga ng pangunahiong serbisyo ng kalusugan at iba pa sa Malibay subalit magbubura naman sa pinagdadausan ng kanilang kultura.

Si Xiao Chua habang nagsasalita sa ika-100 taong pagdiriwang ng Plaza ng Malibay, sa ilalim ng bandila ng Balanghay ng Malibay, November 10, 2012. Kuha ni Edgar Granada.

Noong November 10, 2012, inanyayahan ako sa selebrasyon ng ika-isandaang taon ng plaza ng Malibay upang magsalita sa mga nakikiusap na taga Malibay ukol sa halaga ng plaza.  Oo nga’t hindi nakakain ang plaza ngunit ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa dangal na mayroon ito.  Ang dangal ng Malibay ay ang kanyang kultura sa plaza, at maaari rin nilang mapakinabangan ito sa pamamagitan ng turismo!  Nakikiusap sila na tingnan ng National Historical Commission of the Philippines ang kasong ito, tulad ng aksyon na ginawa nila para sa plaza ng Krus na Ligas.  Wala raw po silang binabatikos dito, isa po itong pakiusap ng mga mismong tao na gawan ng paraan na mapanatili ang plasa upang patuloy na magamit ng mga susunod na henerasyon ng mga taga-Malibay.

Pagdiriwang at Protesta: Sentenaryo ng Malibay Plaza at ang protesta sa napipinto nitong pagkagiba, November 10, 2012. Mga kuha ni Xiao Chua.

Kung sa ibang lugar, hinahayaan ng ibang tao na tuluyang mawala ang bahagi ng kanilang kasaysayan, karanasan at pamana, kapuri-puri ang mga taga-Malibay dahil patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang dangal.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 7,888 other followers